settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Jainismo?

Sagot


Ang Jainismo ay nagsimula noong ika-anim na siglo bilang isang kilusan ng pagreporma sa loob ng Hinduismo. Ito ay base sa mga katuruan ng nagtatag nito na si Mahavira. Dahil sa paniniwala na ang buhay ng pagtanggi sa sarili ang daan para sa “karunungan” o “enlightenment,” naglagalag si Mahavira ng hubad at hindi nagsasalita sa buong India sa loob ng 12 taon at nagtiis ng mga kahirapan at pangaabuso. Pagkatapos, pumili siya ng mga alagad at ipinangaral ang kanyang natagpuang bagong paniniwala. Marahas na sinalungat ni Mahavira ang ideya ng pagkilala at pagsamba sa isang pinakamataas na persona. Bagama’t tinatanggihan ni Mahavira na may Diyos o mga diyos na umiiral upang sambahin, gaya ng ibang lider ng relihiyon, sinamba siya ng kanyang mga tagasunod kalaunan. Pinangalanan siya na ika 24 na “Tirthankara,” ang huli at pinakadakila sa lahat ng mga tagapagligtas. Ayon sa mga kasulatan ng Jain, bumaba si Mahavira mula sa langit, hindi nagkasala, at sa pamamagitan ng meditasyon, pinalaya ang kanyang sarili sa mga makamundong pagnanasa.

Ang Jainismo ay isang relihiyon na sobrang legalista, dahil ang daan sa kaligtasan ay tanging sa pamamagitan ng asetismo o pagtanggi sa sarili. Walang kalayaan sa relihiyong ito at ang tanging mga pangunahing batas ay ang “Limang Dakilang Panata,” ang pagtanggi sa: 1) pagpatay sa mga nabubuhay na bagay, 2) pagsisinungaling, 3) pagiging gahaman, 4) kasiyahang sekswal at 5) pagkahumaling sa mga bagay sa sanlibutan. Dapat na iwasan ang mga babae sa buong buhay dahil ipinagpapalagay na sila ang sanhi ng lahat na kasamaan.

Gaya ng ibang huwad na relihiyon, ang Jainismo ay salungat sa itinuturo ng Biblikal na Kristiyanismo. Una, kinukondena ng Bibliya ang pagsamba sa ibang diyos maliban kay Yahweh, ang tunay at buhay na Diyos. “Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin” (Exodo 20:2, 3). “Ako si Yahweh, ako lamang ang Diyos at wala nang iba” (Isaias 45:5). Si Mahavira ay hindi isang diyos kundi isang tao lamang. Gaya ng lahat ng tao, siya ay isinilang, at namatay. Hindi niya naabit ang perpektong kabanalan. Tanging isa lamang tao ang namhuay na banal at perpekto, ang Panginoong Hesu Kristo na “tinukso sa lahat ng kaparaanan ngunit hindi kailanman nagkasala” (Hebreo 4:15).

Ikalawa, malinaw na itinuturo ng Bibliya na ang pagsunod sa mga batas at katuruan, kahit pa sa katuruan ng tunay at buhay na Diyos ay hindi magreresulta sa katuwiran na kinakailangan para sa kaligtasan. “Ang tao'y pinapawalang-sala dahil sa pananampalataya kay Jesu-Cristo, at hindi dahil sa pagsunod sa Kautusan”(Galacia 2:16). Itinuturo ng Bibliya na ang kaligtasan ay sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa nabuhos na dugo ng Panginoong Hesu Kristo (Efeso 2:8-9), na nagdala ng ating mga kasalanan doon sa Krus upang magtamo tayo ng Kanyang katuwiran. “Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pamamagitan niya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos” (2 Corinto 5:21). Pinagagaan ni Hesus ang dalahin ng mga tao, habang pinabibigat naman ito ng Jainismo.

Panghuli, ang dalawa sa “dakilang panata” ng Jainismo ay direktang sumasalungat sa nahayag na Salita ng Diyos. Habang ang pagiwas sa pagiimbot, pagsisinungaling at mga bagay sa sanlibutan ay kapuri puri, ang pagiwas sa kasiyahang sekswal ang magiging wakas ng sangkatauhan. Upang masiguro ang pagpapatuloy ng henerasyon ng tao sa mundo, ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang kaloob na sekswal na pagnanais. Sa konteksto ng matrimonyo ng kasal, ang pagnanasang sekswal ay matutugunan at matitiyak ang kinabukasan ng lahi ng tao sa hinaharap (Genesis 1:28, 2:24, 9:1). Bilang karagdagan, ang isa sa mga paniniwala ng Jainismo ay ang “ahimsa,” ang pagbabawal sa pagpatay sa lahat ng may buhay na nilalang. Ito ay direktang sumasalungat sa Luma at Bagong Tipan kung saan sinasabi na ibinigay ng Diyos ang mga hayop sa sangkatauhan upang magsilbing pagkain (Levitico 11 at Gawa 10).

Gaya ng ibang huwad na relihiyon, ang Jainismo ay isang anyo ng kasinungalingan ni Satanas na nagnanais na siluin tayo sa isang sistema na nakatuon ang atensyon sa ating sarili, sa paghubog sa ating isip at espiritu sa pagtatangka na gawin tayong karapatdapat sa pamamagitan ng pagtanggi sa sarili at pagsunod sa mga batas. Iniutos ni Hesus na dapat tayong mamatay sa ating sarili at mabuhay para sa Kanya, sa pamamagitan Niya, at para sa iba. Ang kabiguan ng Jainismo na kumalat sa ibang lugar ng India ay isang ebidensya sa katotohanan na hindi ito kumakatagpo sa pangkalahatang pangangailangan ng tao. Ito ay isang malaking kontradiskyon sa mga katuruan ng Panginoong Hesu Kristo, na ang impluwensya ay para sa buong sangkatauhan. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Jainismo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries