Tanong
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Job?
Sagot
Inilalarawan sa buhay ni Job na hindi laging alam ang tao kung paano kumikilos ang Diyos sa napakaraming kaparaanan sa buhay ng bawat isang mananampalataya. Ang buhay ni Job ang magtutulak sa atin na magtanong ng isang napakakaraniwang katanungan: "Bakit nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting tao?" Ito ay isang tanong na kasabay na ng tao sa mundo at napakahirap sagutin. Ngunit alam ng mga mananampalataya na ang Diyos ang laging may kontrol sa lahat ng mga nangyayari at anuman ang mangyari, walang akisidente o pangyayaring nagkataon lamang. Si Job ay isang mananampalataya; at alam niya na ang Diyos ay nasa Kanyang trono at may ganap na kapamahalaan, bagama't walang paraan upang tiyak na malaman ang dahilan sa likod ng napakaraming trahedyang nagaganap sa buhay na ito.
Si Job ay "isang mabuting tao, sumasamba sa Diyos at umiiwas sa masamang gawain" (Job 1:1). Mayroon siyang sampung anak at isang taong napakayaman. Sinasabi sa atin sa Bibliya na humarap sa Diyos si Satanas isang araw at tinanong kung ano ang Kanyang opinyon tungkol kay Job. Inakusahan ni Satanas si Job na sinasamba nito ang Diyos dahil pinagpapala siya ng Diyos. Kaya pinahintulutan ng Diyos si Satanas na kunin ang kayamanan at ang buhay ng mga anak ni Job. Sa huli, pinahintulutan ng Diyos si Job na magkaroon ng karamdaman. Nalungkot ng labis si Job ngunit hindi Niya sinisi ang Diyos sa mga pangyayari (Job 1:22; 42:7–8).
Tiyak ng mga kaibigan ni Job na nagkasala siya para maging karapatdapat sa kaparusahan at nakipagusap ang mga ito sa kanya tungkol sa kanyang sitwasyon. Ngunit pinanindigan ni Job ang kanyang kawalang malay, bagama't inamin niya na ninais niyang mamatay na at nagtanong din siya sa Diyos. Isang nakababatang kaibigan ni Job na ang pangalan ay Elihu ang nagsikap na magsalita para sa panig ng Diyos. Ang Job 38—42 ay naglalaman ng ilan sa pinakamagandang tula tungkol sa kapangyarihan at kapamahalaan ng Diyos. Tumugon si Job sa Diyos sa kapakumbabaan at pagsisisi at sinabing nagsalita siya ng mga bagay na hindi niya nalalaman (Job 40:3–5; 42:1–6). Sinabi ng Diyos sa mga kaibigan ni Job na nagagalit Siya sa kanila dahil sa pagsasalita ng kasinungalingan patungkol sa Kanya hindi gaya ni Job na nagsalita ng katotohanan (Job 42:7–8). Sinabi sa kanila ng Diyos na mag-alay ng handog at mananalangin si Job para sa kanila at tatanggapin Niya ang panalangin ni Job. Ginawa nga iyon ni Job, at pinatawad ang kanyang mga kaibigan dahil sa kanilang kagaspangan. Ibinalik ng Diyos kay Job ang kanyang kayamanan ng makalawang ibayo (Job 42:10) "at ang mga huling araw ni Job ay higit na pinagpala ni Yahweh. Binigyan niya ito ng labing-apat na libong tupa, anim na libong kamelyo, dalawang libong baka at sanlibong inahing asno" (Job 42:12). Nabuhay pa si Job ng 140 taon pagkatapos ng kanyang pagdurusa.
Hindi kailanman nawalan ng pananampalataya si Job sa Diyos, kahit sa panahon ng pinaka-nakakapanlumong pangyayari na sumubok sa kanyang pagkatao. Mahirap isipin na mawawala ang lahat sa atin isang araw —ang ating mga pagaari, kayamanan at maging ang ating mga anak. Maraming tao ang magkakaroon ng depresyon at maaring makaisip magpakamatay kung makaranas ng ganito kalaking trahedya. Bagama't nakaranas ng depresyon na sapat para sumpain ang araw ng kanyang pagsilang (Job 3:1–26), hindi kailanman sinumpa ni Job ang Diyos (Job 2:9–10) o naapektuhan man ang kanyang paniniwala na ang Diyos pa rin ang may kontrol sa lahat ng nangyayari sa kanyang buhay. Sa kabilang dako naman, sa halip na aliwin si Job, nagbigay ng maling payo ang kanyang mga kaibigan at inakusahan pa siya ng napakalaking pagkakasala na anupa't iyon diumano ang dahilan ng pagpaparusa sa kanya ng Diyos. Kilala ni Job ang Diyos ng sapat at alam niyang hindi ganoon ang pamamaraan ng Diyos; sa katunayan, mayroon siyang malapit at personal na relasyon sa Kanya na kaya niyang sabihing, "Hindi ako natatakot kung ako man ay patayin, maiharap lamang sa kanya itong aking usapin" (Job 13:15). Nang payuhan si Job ng kanyang asawa na sumpain na niya ang Diyos para siya mamatay, sumagot si Job, "Hindi mo naiintindihan ang iyong sinasabi. Pagpapala lang ba ang tatanggapin mo sa Diyos? Hindi ba natin tatanggapin kung bigyan niya tayo ng pagdurusa?" (Job 2:10).
Ang karanasan ni Job, mula sa pagkamatay ng kanyang mga anak at pagkawala ng kanyang mga ari-arian, hanggang sa pagsusugat ng kanyang buong katawan, at ang paghusga sa kanya ng kanyang mga tinatawag na kaibigan ay hindi naging dahilan para manghina ang kanyang pananampalataya. Alam niya kung sino ang kanyang Manunubos, alam niya na Siya ay buhay na Tagapagligtas, at alam niya na isang araw, Siya ang maghahari sa mundo (Job 19:25). Naunawaan niya na bilang ang araw ng tao sa mundo at hindi na iyon mababago (Job 14:5). Ang lalim ng espiritwal na buhay ni Job ay makikita sa buong aklat. Ginamit ni Santiago si Job bilang isang halimbawa ng pagtitiis, "Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa pangalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan. Sinasabi nating pinagpala ang mga nagtitiyaga at nagtitiis. Narinig na ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at ang ginawa sa kanya ng Panginoon sa bandang huli. Talagang napakabuti at tunay na mahabagin ang Panginoon" (Santiago 5:10–11).
May ilan ding katotohanang pangsiyensya at pangkasaysayan sa aklat ni Job. Ipinapahiwatig ng aklat na ang mundo ay bilog matagal pa bago umunlad ang siyensya (Job 22:14). Binabanggit din sa aklat ang mga dinosaur—hindi nga lang sa pangalang ito, dahil hindi pa naimbento ang salitang dinosaur. Ngunit ang paglalarawan sa behemoth ay tiyak na katulad ng sa dinosaur—na nabuhay kasabay ng tao (Job 40:15–24).
Binibigyan tayo ng aklat ni Job ng isang sulyap sa likod ng tabing na naghihiwalay sa pagitan ng buhay sa lupa at buhay sa langit. Sa pasimula ng aklat, makikita natin si Satanas at ang kanyang mga anghel na pinahihintulutan pang pumasok at lumabas sa langit para makisali sa mga pagpupulong na nagaganap doon. Ang malinaw mula sa mga tala ay abala si Satanas sa paggawa ng kasamaan sa mundo, gaya ng itinala sa Job 1:6–7. Gayundin, ang aklat na ito ay nagpapakita na si Satanas ang "tagaakusa sa mga kapatid," na tumutugma sa Pahayag 12:10, at ipinakikita dito ang kanyang kayabangan at pagmamataas, gaya ng nasusulat sa Isaias 14:13–14. Kamangha-manghang malaman kung paano hinahamon ni Satanas ang Diyos; wala siyang pangingimi sa pagkompronta sa Kataastaasan. Ipinapakita sa kuwento ng buhay ni Job kung sino talaga si Satanas—na sagad ang kasamaan at kayabangan.
Maaaring ang pinakamagandang aral na matututunan natin sa buhay ni Job ay hindi nananagot ang Diyos kaninuman sa kung ano ang nais at hindi Niya nais gawin. Itinuturo sa atin ng karanasan ni Job na maaaring hindi natin malaman ang dahilan ng ating pagdurusa ngunit dapat tayong magtiwala sa makapangyarihan, banal at makatarungang Diyos. Ang Kanyang mga gawa ay sakdal (Awit 18:30). Dahil ang gawa ng Diyos ay perpekto, makakapagtiwala tayo na anuman ang Kanyang gawin at anuman ang Kanyang pahintulutan ay perpekto din naman. Hindi natin maaasahan na ganap nating mauunawaan ang isipan ng Diyos gaya ng ipinapaalala Niya sa atin, "Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan, ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan. Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa, ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan, at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan" (Isaias 55:8–9).
Ang responsibilidad natin sa Diyos ay sumunod sa Kanya, magtiwala sa Kanya, at magpasakop sa kanyang kalooban, nauunawaan man natin o hindi ang Kanyang ginagawa. Kung gagawin natin ito, matatagpuan natin ang Diyos sa gitna ng ating mga pagsubok. Makikita natin ng mas malinaw ang kadakilaan ng ating Diyos, at masasabi natin gaya ni Job, "Noo'y nakilala ko kayo dahil sa sinabi ng iba, subalit ngayo'y nakita ko kayo ng sarili kong mga mata" (Job 42:5).
English
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Job?