settings icon
share icon
Tanong

Totoo bang si Jonas ay nilunok ng isang dambuhalang isda?

Sagot


Ang kuwento ni Jonas ay isang kamangha-manghang kuwento ng isang propeta na matigas ang ulo, na nilunok ng isang malaki o dambuhalang isda at iniluwa sa dalampasigan. Mabigat man sa kanyang kalooban, kanyang pinangunahan ang kasumpa-sumpang lungsod ng Ninive patungo sa pagsisisi. Ang tala sa Bibliya ay karaniwang pinupuna ng mga taong mapag-alinlangan dahil sa mga mahimalang nilalaman nito. Ang mga sumusunod ang naganap na mga himala sa kwento ni Jonas:

• Isang bagyo sa Dagat Mediteraneo ang ipinadala ng Dios (1:4-16)

• Isang dambuhalang isda ang itinalaga ng Dios upang lunukin ang propeta matapos na siya ay itapon sa dagat ng mga tripolante ng barko (1:17)

• Ang pananatiling buhay ni Jonas sa tiyan ng dambuhalang isda sa loob ng tatlong araw at gabi, o ang kanyang pagkabuhay na muli mula sa mga patay matapos siyang iluwa sa dalampasigan, depende kung papaano mo ipapaliwanag ang teksto (1:7).

• Ang pagluwa ng isda kay Jonas sa dalampasigan ng Nineveh (2:10).

• Ang isang halaman ang itinalaga ng Diyos upang mabilis na lumaki at makapagbigay ng lilim kay Jonas (4:6).

• Ang isang uod na itinalaga ng Diyos upang sirain at lantahin ang halamang nagbigay lilim kay Jonas.

• Isang napakainit na hangin ang ipinadala ng Diyos upang makadama ng hirap si Jonas (4:8).

Nakita rin ng mga kritiko na ang pagsisisi ng Ninive (3:4-9) ay mahirap paniwalaan, bagamat ito ay hindi maituturing na isang himala. Sa katunayan, ang pagsisisi ng Ninive ay gumawa ng malaking impluwensya sa pagdating ni Jonas sa dalampasigan ng Mediteraneo at sa katanyagan ng pagsamba kay Dagon sa lugar na iyon ng unang panahon. Si Dagon ay isang diyos na isda (fish-god) na kilala sa mga dinidiyos ng Mesopotamia at ng silangang bahagi ng baybayin ng Mediteraneo. Si Dagon ay nabanggit sa Bibliya ng ilang beses kaugnay ng mga Filisteo (Mga Hukom 16:23-24; 1 Samuel 5:1-7; 1 Cronica 10:8-12). Ang mga larawan ni Dagon ay nasumpungan sa maraming mga palasyo at templo sa Ninive at sa buong rehiyon. Sa ilang mga pagkakataon, si Dagon ay inilalarawan bilang isang tao na may suot na wangis ng isang isda. Sa ilang pagkakataon naman, si Dagon ay may bahaging tao at may bahaging isda – tulad ng sa sirena.

Tungkol naman sa tagumpay ni Jonas sa Ninive, ang Orientalist na si Henry Clay Trumbull ay may punto nang kanyang isulat, “Anong mas mabuting paghahayag, bilang isang mensahero na isinugo ng Dios sa Ninive, na nangyari kay Jonas na iluwa mula sa bibig ng isang dambuhalang isda, sa paningin ng mga saksi, sa dalampasigan ng Fenicia, kung saan ang god-fish ay isang paboritong imahe sa pagsamba? Ang ganitong insidente ay karaniwang nakakapukaw sa papalit palit na pananaw na likas sa mga tagamasid mula sa Silanganan, upang ang isang malaking karamihan ay maging handang sumunod sa bagong avatar ng isdang diyos, na nagpapahayag ng kuwento ng kanyang pag-ahon mula sa dagat, nang siya ay magtungo sa kanyang misyon sa Nineve kung saan ang “isdang diyos” ang pinaka-sentrong imahe sa pagsamba” (H. Clay Trumbull, “Jonah in Nineveh,” Journal of Biblical Literature, Vol. 2, No.1, 1892, p. 56).

Ipinapalagay ng ilang mga nag-aral ng Bibliya na sa paglabas ni Jonas, walang duda na siya ay nagkulay puti dahil sa asido sa tiyan ng isda, at naging malaking tulong ito sa kanyang nais ipaabot. Kung ganoon, ang mga taga Ninive ay binati ng isang lalaki na ang balat, buhok at kasuotan ay nagkulay puti – isang lalaking sinamahan ng maraming tao na mga masilakbong tagasunod, karamihan sa kanila ay nag-aangkin na kanilang nasaksihan na siya ay iniluwa sa tabing dagat ng isang dambuhalang isda (kasama pa ang makulay at malabis na pagsasalarawan na maaari nilang idagdag).

Kinakailangan lamang ni Jonas na pagalawin ang mga tao upang magkaroon siya ng karapatang makaharap sa hari na pagkatapos marinig ang kanyang mensahe tungkol sa nalalapit nilang kapahamakan, ay may kapangyarihang magpahayag ng isang araw na pag-aayuno at pagsisisi sa buong lungsod. Ayon sa tala ng Bibliya, ganito ang eksaktong nangyari (Jonas 3:6-9). Kaya nakita natin na nang si Jonas ay iniluwa sa dalampasigan ng isang dambuhalang isda, ang pagsisisi ng Ninive ang kasunod na lohikal na nangyari.

Tungkol naman sa karanasan ni Jonas na nabuhay sa tiyan ng isda sa loob ng tatlong araw (na siyang pinaka-buod ng kuwento), walang kapanipaniwalang makasaysayang patunay na si Jonas ay nilunok ng isang isda at nabuhay upang ikuwento ito, mayroong ilang katibayang nagpapatunay na nakakapukaw sa kaisipan. Noong Ikatlong Siglo B.C., isang pari at mananalaysay mula sa Babilonia na nagngangalang Berosus ang sumulat patungkol sa isang kathang isip na isang nilalang na nagngangalang Oannes na, ayon kay Berosus, ay lumitaw mula sa karagatan upang magbigay ng makadios na karunungan sa mga tao. Kinilala ng mga nag-aral ang misteryosong fish-man o taong isdang ito na siyang avatar ng water-god o dios ng tubig ng Babilonia na si Ea (kilala rin bilang Enki). Ang kakaibang bagay tungkol sa tala ni Berosus ay ang pangalan na kaniyang ginamit: Oannes.

Si Berosus ay sumulat gamit ang salitang Griyego sa panahon ng tinatawag na Hellenistic period. Ang pangalang Oannes ay may isang letra lamang na naalis sa pangalang Griyego na Ioannes. Ang Ioannes ay isa sa dalawang pangalang Griyego na salitang ginagamit sa kabuuan ng Bagong Tipan sa saling Griyego (Greek New Testament) na kumakatawan sa pangalang Yonah (Jonah) sa salitang Hebreo. Lumilitaw na ito ay may kaugnayan sa pangalang Yohanan (kung saan natin nakuha ang pangalang Ingles na John). (Tingnan ang Juan 1:42, 21:15 at Mateo 16:17). Ang pangalang Ioannes at Ionas (ang salitang Griyego para sa pangalang Jonas na ginamit sa Bagong Tipan) ay parehong salitang ginagamit na kumakatawan sa pangalang Hebreo na Yohanan sa Greek Septuagint, na siyang salin sa Griyego ng Matandang Tipan sa wikang Hebreo). Ihambing ang 2 Hari 25:23 at 1 Cronica 3:24 sa Septuagint at sa mga kaparehong talata mula sa Matandang Tipan sa wikang Hebreo.

Sa nawawalang “I” sa Ioannes, ayon kay Professor Trumbull, na nagaangking nakumpirma niya ang kanyang impormasyon sa kilalang Assyriologist na si Dr. Herman V. Hilprecht bago niya isulat ang kanyang artikulo tungkol sa paksa, “Sa paraan ng pagsulat ng Assyria, ang J sa salitang banyaga ay nagiging I, o parehong nawawala, kaya ang Joannes, na kumakatawan sa Jonas sa Griyego, ay lalabas sa salitang Assyrian na kung hindi Ioannes ay Oannes” (Trumbull, ibid.,p. 58).

Ang Nineve ay sakop ng Assyria. Ito ay nangangahulugan na sumulat si Berosus patungkol sa isang fish-man na ang pangalan ay Jonas na lumitaw mula sa karagatan upang magbigay ng makadiyos na karunungan sa tao – isang kapansin-pansin o kapuna-punang pag-uugnay ng tala sa Hebreo tungkol kay Jonas.

Inaangkin ni Berosus na pinagbatayan niya ang opisyal na Babylonian sources para sa kanyang impormasyon. Ang Ninive ay nasakop ng Babilonia sa pamumuno ni Haring Nabopolasar noong 612 BC, mahigit 300 taon bago si Berosus. Maaaring maisip na bagamat may pagbabakasakali, na ang tala ng tagumpay ni Jonas sa Ninive ay napanatili sa mga sulat ni Berosus. Kung ganoon, lumalabas na si Jonas ay ginawang diyos sa loob ng mahigit na tatlong siglo, una ng mga taga Asiria, na walang dudang iniugnay siya sa kanilang fish-god na si Dagon, at ganoon din ng mga taga Babilonia, na nag-ugnay din sa kanay sa kanilang fish-god na si Dagon, at nagtaas pa kay Jonas sa kanilang water-god (diyos ng tubig) na si Ea.

Bilang karagdagan sa tala ni Berosus, makikita rin si Jonas sa salaysay ng Israel bilang propeta na humula sa mga pagtatagumpay ni Jeroboam laban sa Siria noong ika-walong siglo bago ang panahon ni Kristo (2 Hari 14:25). Si Jonas ay anak ni Amitai (Jonas 1:1) mula sa bayan ng Gath-hepher sa Galilea.

Inulit ni Flavius Josephus ang mga detalyeng ito sa kanyang Antiquities of the Jews (kabanatang 10, talata 12). Si Jonas ay hindi isa lamang haka-haka na inimbento upang gumanap bilang isang hindi masunuring propeta, na nilunok ng isang dambuhalang isda. Bahagi siya ng kasaysayan ng mga propeta ng Israel.

Patungkol naman sa lungsod ng Nineve, ito ay muling natuklasan noong ika-19 siglo makaraan ang mahigit 2,500 taon. Ito ngayon ang pinaniniwalaang siyang pinakadambuhalang lungsod sa mundo sa panahon ng kanyang paglalaho (tingnan ang aklat ni Tertius Chandler, Four Thousand Years of Urban Growth: An Historical Census). Ayon kay Sir Austen Henry Layard, na nagsalaysay sa muling pagkatuklas ng Nineve sa kanyang klasikong Discoveries at Nineveh, ang kabuuan ng kalakhang Nineve ay “eksaktong tatlong araw na paglalakbay,” ayon sa nakatala sa Jonas 3:3 (Austen Henry Layard. A Popular Account of Discoveries at Nineveh, J.C. Derby: New York, 1854, p.314). Bago ang muli nitong pagkatuklas, may panghahamak ang mga taong may pag-aalinlangan sa posibilidad na may ganito kalaking lungsod sa panahon ng sinaunang mundo. Sa katunayan, itinatanggi ng mga taong may pag-aalinlangan maging ang pagiral ng Nineve mismo. Ang muling pagkatuklas nito sa kalagitnaan ng ika-19 siglo ay nagpatunay ng kapansin-pansing pagpapatunay sa tala ng Bibliya, na bumanggit sa pangalang Nineve ng labing-walong beses at nag-ukol ng dalawang aklat (Jonas at Nahum) sa kinasapitan nito.

Kawili-wiling pansinin kung saan natuklasang muli ang nawalang lungsod ng Nineve. Ito ay nasumpungang nakabaon sa ilalim ng mga burol sa paligid ng Mosul sa kasalukuyang Iraq. Ang mga imbak na ito ay kilala sa pangalang Kuyunjik at Nabi Yunus. Nagkataong ang Nabi Yunus ay salitang Arabic para sa “ang Propeta Jonas.” Ang nawawalang lungsod ay nasumpungang nakabaon sa ilalim ng sinaunang imbak na ipinangalan kay Propeta Jonas.

Patungkol naman sa dambuhalang isda, hindi tinukoy ng Bibliya kung anong uri ng hayop pang dagat ang lumunok kay Jonas. Ang karamihan ng mga tao ay nagpapalagay na iyon ay cachalot (kilala rin sa tawag na sperm whale). Maaari rin na ito ay isang white shark o puting pating. Ang katagang Hebreo na ginamit sa Matandang Tipan ay gadowl dag, na sa literal na pangangahulugan ay “great fish” o dambuhalang isda. Ang salitang Griyego na ginamit sa Bagong Tipan ay ketos, na ang ibig sabihin ay “sea creature” o nilalang sa dagat. May dalawang uri ng isda na may kakayahang lumunok ng tao ng buo. Ang mga ito ay ang cachalot at ang white shark. Ang dalawang ito ay gumagala-gala sa Mediteraneo at ito ay kilala ng mga magdaragat mula pa noong unang panahon. Ang mga ito ay inilarawan ni Aristotle sa kanyang Historia Animalium noong ika-4 na siglo B.C.

Ngayon, mayroon na tayong tatlo sa apat na pangunahing tauhan: si Jonas, ang Ninive at ang dambuhalang isda na lumunok kay Jonas. Ang natitira na lamang ay ang pang-apat na tauhan: ang Diyos. Hinahamak ng mga taong may pag-aalinlangan ang mga himalang inilarawan sa aklat ni Jonas na para bang walang ganoong mekanismo kung saan ang mga ito ay maaaring mangyari. Ito ang kanilang pagkiling o bias. Tayo naman ay may pagkiling sa paniniwala na naroon Siya na may kakayahang magpakilos sa paraang higit sa karaniwan. Nananampalataya tayo na Siya ang Manlilikha ng buong sangkalikasan at hindi Siya malilimitahan nito. Tinatawag natin Siyang Diyos, at naniniwala tayo na ipinadala Niya si Jonas sa Nineve upang akayin sila sa pagsisisi.

Ipinakilala ng Diyos ang kanyang sarili sa kasaysayan sa maraming iba’t ibang paraan, ang pinakadakila sa lahat ng ito ay ang pagkakatawang tao ni Hesu Kristo. Hindi lamang tayo binigyan ni Hesus ng mga dahilan upang maniwala na mayroong Isang may kakayahang gumawa ng mga himala, binigyan din Niya tayo ng pagtitiwala na ang mga pangyayaring ito ay tunay na naganap.

Nagsalita si Hesus tungkol sa naging karanasan ni Jonas bilang isang tunay na pangyayari sa kasaysayan. Ginamit Niya ito bilang isang talinghaga patungkol sa Kanyang kamatayan sa krus at pagkabuhay na mag-uli, na mga makababalaghang pangyayari mismo. Binanggit ni Mateo ang sinabi ni Hesus, “Kung paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, ganon din ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabing sasa ilalim ng lupa. Sa araw ng Paghuhukom, titindig ang mga taga-Ninive laban sa lahing ito at ito’y hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas; ngunit higit na di hamak kay Jonas ang naririto!” (Mateo 12:40-41; Lucas 11:29-30, 32).

Ang mga katibayan ay ganoon na lamang na kahit sinong Kristiyano ay dapat na manalig at sinomang may pag-aalinlangan ay dapat mag-isip ng maraming beses bago nila sabihing ang kuwento ni Jonas ay isang kathang isip lamang.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Totoo bang si Jonas ay nilunok ng isang dambuhalang isda?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries