Tanong
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Jose?
Sagot
Si Jose ang panglabing isang anak ni Jacob, ang kanyang unang anak sa kanyang minamahal na asawang si Racquel. Mababasa ang kwento ng buhay ni Jose sa Genesis 37—50. Pagkatapos na itala ang kanyang pagsilang, makikita natin si Jose bilang isang labimpitong taong gulang na kapatid sa ama na bumalik mula sa pagpapastol ng mga tupa para iulat sa kanyang ama ang masamang ginagawa ng kanyang mga kapatid. Mababasa natin na "mas mahal ni Israel si Jose kaysa ibang mga anak, sapagkat matanda na siya nang ito'y isinilang. Iginawa niya ito ng damit na mahaba at may manggas" (Genesis 37:3). Alam ng mga kapatid ni Jose na mas mahal siya ng kanilang ama na siyang dahilan ng pagkamuhi nila sa kanya (Genesis 37:4). Para palalain pa ang problema, nagumpisang magkuwento si Jose sa kanyang pamilya ng kanyang mga panaginip—mga pangitain na nagpapahayag na mamumuno si Jose sa kanyang pamilya isang araw (Genesis 37:5–11).
Humantong sa hangganan ang galit ng mga kapatid ni Jose sa kanya at pinagplanuhan nila siyang patayin sa ilang. Tumutol sa planong ito kay Jose ang kanilang pinakapanganay na kapatid na si Ruben at ipinayong ihulog na lamang siya sa isang balon at pinagplanuhang balikan siya at iligtas pagkatapos. Ngunit habang wala si Ruben, may mga mangangalakal na dumaan at ipinayo ni Juda na ipagbili na lamang si Jose bilang alipin at naisagawa ito ng mga kapatid ni Ruben bago siya dumating. Hinubad ng kanyang mga kapatid ang balabal ni Jose at pagkatapos na itubog iyon sa dugo ng kambing, dinaya nila ang kanilang ama at sinabing nilapa at pinatay si Jose ng mababangis na hayop (Genesis 37:18–35).
Ipinagbili si Jose ng mga mangangalakal sa isang opisyal sa Ehipto na may mataas na ranggo na nagngangalang Potifar at naging isang mayordomo sa tahanan nito. Sa Genesis 39, mababasa natin kung paano ginalingan ni Jose ang pagtupad sa kanyang mga tungkulin at naging isa sa mga pinagkakatiwalaang alipin ni Potifar at pinamahala nito si Jose sa kanyang buong sambahayan. Nakikita ni Potifar na kahit anong gawin ni Jose, pinagpapala iyon ng Diyos. Ang problema, sinubukan ng asawa ni Potifar na tuksuhin si Jose. Patuloy na tumanggi si Jose sa panunukso ng babae at nagpakita ng paggalang at katapatan sa kanyang panginoon na nagtiwala sa kanya ng labis at sinabi sa babae "ipinamahala niya sa akin ang lahat sa bahay na ito, maliban sa inyo na kanyang asawa. Hindi ko po magagawa ang ganyan kalaking kataksilan at pagkakasala sa Diyos" (Genesis 39:9). Isang araw, sinunggaban si Jose ng asawa ni Potifar ngunit nagpumiglas si Jose. Naiwan sa kamay ng babae ang kanyang balabal. Sa galit, inakusahan nito si Jose ng tangkang panggagahasa at ipinabilanggo si Jose ni Potifar (Genesis 39:7–20).
Sa kulungan, muling pinagpala ng Diyos si Jose (Genesis 39:21–23). Ipinaliwanag ni Jose ang panaginip ng dalawa sa kasama niyang mga bilanggo. Napatunayang totoo ang kanyang interpretasyon at isa sa mga lalaki ang pinalaya at ibinalik sa kanyang posisyon sa palasyo bilang taga-timpla ng inumin ng Faraon o hari ng Egipto (Genesis 40:1–23). Ngunit nalimutan ng taga-timpla ng inumin si Jose at nabigong banggitin ang tungkol sa kanya sa Faraon. Pagkaraan ng dalawang taon, nagkaroon ng nakakabahalang panaginip ang Faraon at naalala ng taga-timpla ng inumin ang kakayahan ni Jose na makapagpaliwanag ng mga panaginip. Ipinatawag ng hari si Jose at sinabi ang kanyang panaginip. Ayon sa panaginip ng Faraon, inihula ni Jose na magkakaroon ng pitong taon ng kasaganaan sa Egipto pagkatapos ay susundan iyon ng pitong taon ng tag-gutom at pinayuhan ang hari na magsimulang mag-imbak ng mga butil bilang paghahanda sa darating na tag-gutom (Genesis 41:1–37). Dahil sa kanyang karunungan, ginawa si Jose na gobernador sa buong Egipto, pangalawa sa hari. Si Jose ang namahala sa pagtitipon ng pagkain sa panahon ng kasaganaan at ipinagbili ang mga iyon sa mga Ehipsyo at sa mga dayuhan sa panahon ng tag-gutom (Genesis 41:38–57). Sa panahon ng pitong taon ng kasaganaan, nagkaroon si Jose ng dalawang anak na lalaki—sina Manases at Efraim (Genesis 41:50–52).
Nang sumapit ang tag-gutom, maging ang lupain ng Canaan ay naapektuhan. Inutusan ni Jacob ang sampu sa kanyang mga anak na pumunta sa Egipto para bumili ng pagkain (Genesis 42:1–3). Ipinaiwan niya si Benjamin, ang kanyang bunsong anak sa kanyang pinakamamahal na asawang si Racquel (Genesis 42:4). Habang nasa Egipto, nakaharap ng sampu ang kanilang matagal ng nawawalang kapatid ngunit hindi nila siya nakilala. Gayunman, nakilala ni Jose ang kanyang mga kapatid. Sinubukan niya sila sa pamamagitan ng akusasyon na sila ay mga espiya. Ipinakulong ni Jose ang kanyang mga kapatid sa loob ng tatlong araw, pagkatapos ay pinakawalan ang mga iyon maliban sa isa at pinadalhan sila ng pagkain para sa kanilang buong sambahayan at inutusan na bumalik kasama ang kanilang bunsong kapatid (Genesis 42:6–20). Hindi pa rin nakikilala si Jose, inusig ng budhi ang magkakapatid dahil sa kanilang pagbebenta sa kanilang kapatid maraming taon na ang nakakaraan (Genesis 42:21–22). Narinig ni Jose ang kanilang usapan at lumayo sa kanila para tumangis (Genesis 42:23–24). Pinaiwanan ni Jose sa magkakapatid si Simeon at pinabalik ang iba pa sa kanilang ama ngunit palihim na ipinalagay ni Jose sa kanyang mga alipin ang perang ipinambayad ng kanyang mga kapatid sa kani-kanilang mga sako (Genesis 42:25). Nang malaman ng magkakapatid na nasa sako nila ang kanilang perang ipinambayad, mas lalo silang natakot (Genesis 42:26–28, 35). Pagdating sa bahay, sinabi nilang lahat kay Jacob ang mga nangyari. Muling nagluksa si Jacob dahil sa pagkawala ni Simeon. Tumanggi siyang pasamahin sa kanila si Benjamin sa kabila ng pangako ni Ruben na kung hindi niya maibabalik si Benjamin, maaaring patayin ni Jacob ang kanyang dalawang anak (Genesis 42:35–38).
Naging malubha ang tag-gutom anupa't napapayag din si Jacob na pasamahin si Benjamin. Nakumbinsi ni Juda si Jacob na pasamahin sa kanya si Benjamin at ipinangako nito kay Jacob ang kanyang buhay bilang kapalit kung sakaling may masamang mangyari dito (Genesis 43:1–10). Pumayag si Jacob at nagpadala din siya ng mga piling prutas at dinoble ang halagang ibabayad para sa bibilhing pagkain (Genesis 43:11–14). Nang makita ni Jose ang kanyang mga kapatid, inutusan niya ang kanyang mga alipin na maghanda ng isang piging para makakaing kasama niya ang kanyang mga kapatid (Genesis 43:15–17). Natatakot sa imbitasyon ni Jose sa kanyang bahay, humingi ng paumanhin ang magkakapatid sa mga alipin ni Jose dahil sa perang naisoli sa kanila. Tinanggap ng mga alipin ni Jose ang kanilang paumanhin at inilabas si Simeon (Genesis 43:18–25). Nang bumalik si Jose, nagpatirapa sa harapan niya ang kanyang mga kapatid at natupad ang nakita ni Jose sa panaginip (Genesis 43:26). Nagtanong si Jose tungkol sa kanilang pamilya at muling nanangis (Genesis 43:27–30). Nang makaupo ang magkakapatid sa isang mesang nakahiwalay kay Jose para kumain, nagulat sila dahil inayos ang kanilang posisyon ayon sa kanilang edad. Binigyan si Benjamin ng makalimang beses na dami ng pagkain (Genesis 43:31–34). Bago pauwiin sa kanilang ama, muling sinubukan ni Jose ang kanyang mga kapatid. Inutusan niya ang kanyang mga alipin na muling ibalik ang kanilang bayad sa kanilang mga sako at ilagay sa sako ni Benjamin ang kanyang tansong kopa na iniinuman. Hinayaan muna niyang makalayo ang kanyang mga kapatid bago niya inutusan ang kanyang mga alipin na habulin sila at ipakita ang galit nila at pagbantaang papatayin si Benjamin. Nagbalik ang magkakapatid sa harapan ni Jose at nagmakaawa si Juda para sa buhay ng kanyang kapatid at sinabing kung mamamatay si Benjamin, mamamatay na rin ang kanilang amang si Jacob. Ikinuwento ni Juda ang pagdadalamhati ng kanilang ama dahil sa pagkawala ni Jose at ang kanyang paniniwala na hindi na nito makakayanan kung mawawala din si Benjamin. Sinabi din ni Juda ang kanyang panata kay Jacob na ipapalit niya ang kanyang buhay para sa buhay ng kanyang kapatid na si Benjamin (Genesis 44).
Nang makita ang ebidensyang ito ng pagbabago ng puso ng kanyang mga kapatid, pinaalis ni Jose ang lahat ng kanyang mga alipin at umiyak ng malakas anupa't narinig iyon ng sambahayan ng Faraon. Pagkatapos, ipinakilala niya ang kanyang sarili sa kanyang mga kapatid (Genesis 45:1–3). Agad na tiniyak sa kanila ni Jose na pinatawad na niya sila at hindi sila dapat magalit sa kanilang sarili dahil sa kanilang ginawa at sinabing ang Diyos ang nagpadala sa kanya sa Egipto para iligtas ang kanilang buhay (Genesis 45:4–8). Muling tiniyak ni Jose sa kanyang mga kapatid ang kanyang pagpapatawad pagkamatay ng kanilang ama at sinabi na bagama't masama ang layunin sa kanya ng kanyang mga kapatid, niloob iyon ng Diyos para sa ikabubuti (Genesis 50:15–21). Pinauwi ni Jose ang kanyang mga kapatid kay Jacob upang sunduin ang kanilang buong sambahayan at manirahan sa Gosen para mapalapit sila kay Jose at mabigyan sila ng kanilang mga pangangailangan (Genesis 45:9—47:12).
Sumama si Jacob sa Egipto para manirahan doon kasama ang kanyang buong sambahayan. Bago mamatay, binasbasan ni Jacob ang dalawang anak na lalaki ni Jose at nagpasalamat sa Diyos dahil sa Kanyang kabutihan: "Wala na akong pag-asa noon na makikita pa kita. Ngayon, nakita ko pati iyong mga anak" (Genesis 48:11).Ibinigay ni Jacob ang mas malaking pagpapala sa mas nakababata sa dalawang magkapatid (talata 12–20). Kalaunan sa kasaysayan ng Israel, itinuring na dalawang magkaibang tribo ang mga anak ni Jose na sina Manases at Efraim. Nabuhay ang mga inapo ni Jacob sa Egipto sa loob ng 400 taon hanggang sa panahon ni Moises. Nang pangunahan ni Moises ang mga Israelita palabas ng Egipto, dinala nila ang mga labi ni Jose gaya ng kahilingan nito (Genesis 50:24–25; cf. Exodo 13:19).
Napakaraming matututunan mula sa kuwento ng buhay ni Jose. Bilang mga magulang, binabalaan tayo laban sa pagtatangi sa ating mga anak dahil may epekto ito sa ating ibang mga anak gaya ng ating makikita sa kayabangan ni Jose bilang isang binatilyo at ang pagkainggit at pagkagalit sa kanya ng kanyang mga kapatid. May magandang halimbawa tayo kung ano ang ating gagawin sa harap ng tuksong sekswal—ang tumakbo (Genesis 39:12; cf. 2 Timoteo 2:22), at mayroon tayong isang malinaw na larawan ng katapatan ng Diyos. Hindi Niya pinababayaan ang Kanyang mga anak sa gitna ng pagdurusa: "Kasama ni Jose ang Diyos" (Genesis 39:3, 5, 21, 23).
Maaaring nakakaranas tayo ngayon ng mga mahihirap na pagsubok at maaaring ang ilan sa mga iyon ay tila walang katarungan, gaya ng nangyari sa buhay ni Jose. Gayunman, gaya ng matututunan natin sa kuwento ng buhay ni Jose, sa pamamagitan ng pananatiling tapat at sa pagtanggap sa katotohanan na ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng nangyayari, maaari tayong magtiwala na gagantimpalaan Niya tayo sa takdang panahon. Sino ang sisisi kay Jose kung tinanggihan niya ang kanyang mga kapatid sa panahon ng pangangailangan? Ngunit nagpakita si Jose ng kahabagan, at nais ng Diyos na magpakita tayo ng habag sa iba ng higit sa anumang handog (Oseas 6:6; Mateo 9:13).
Ipinakilala din sa kuwento ni Jose ang kahanga-hangang pagkilos ng Diyos para baliktarin ang kasamaan at gawing para sa ikabubuti at para sa katuparan ng Kanyang plano. Pagkatapos ng lahat ng naranasang kahirapan ni Jose, makikita natin ang pagkilos ng Diyos. Nang ipakilala ni Jose ang kanyang sarili sa kanyang mga kapatid, binanggit niya ang kasalanan sa kanya ng mga ito sa ganitong paraan: "Ngunit huwag na ninyong ikalungkot ang nangyari. Huwag ninyong sisihin ang inyong sarili sa ginawa ninyo sa akin. . . . Kaya, hindi kayo kundi ang Diyos ang nagpadala sa akin dito" (Genesis 45:5, 8). Sa huli, muling tiniyak ni Jose ang kanyang pagpapatawad sa kanyang mga kapatid at sinabi, "Masama nga ang inyong ginawa sa akin, subalit ipinahintulot iyon ng Diyos para sa kabutihan" (Genesis 50:20). Hindi kailanman mahahadlangan ng pinakamasamang intensyon ng tao ang perpektong plano ng Diyos.
English
Ano ang ating matututunan sa buhay ni Jose?