Tanong
Sino si Joseph Smith?
Sagot
Si Joseph Smith ang kinikilalang tagapagtatag ng relihiyong Mormon, na kilala din sa tawag na Church of Jesus Christ of Latter-day Saints. Mula pagkabata, ipinagpapalagay na may kapangyarihang galing sa okultismo si Joseph Smith. Sa kanyang murang edad, kinilala na may kakayahan siyang makapanghula at iniulat na gumagamit ng isang bato upang sabihin sa kanya kung saan siya makakakita ng mga mamahaling mineral gaya ng ginto. Kilala Siya at ang kanyang ama bilang mga “treasure seekers” o naghahanap ng mga kayamanan at gumagamit ng panghuhula at mahika upang isagawa ang ganitong gawain. Ito ang nagbigay sa kanya ng pangalan at reputasyon. Sa kasalukuyan, itinuturing siya na isang santo ng mga Mormons at isang impostor naman para sa iba.
Lumaki si Joseph Smith sa panahon ng pagpapanibagong sigla sa espiritwal sa Amerika na tinatawag na restorationism. Sa panahong ito, noong 1820, inangkin ni Joseph Smith na tumanggap siya ng isang kahanga-hangang pangitain kung saan nagpakita diumano sa kanya ang Diyos Ama at Diyos Anak habang nananalangin siya sa isang gubat. Iniulat niya na sinabi sa kanya ng dalawang persona ng Diyos na kailangan ang pagpapanumbalik sa Kristiyanismo at siya ang kanilang pinili upang pangunahan ang bagong dispensasyon. Mula sa pasimula ng Iglesyang Mormon hanggang sa kasalukuyan, pinaninindigan ng relihiyong Mormon na sila lamang ang nagiisang tunay na representasyon ng Kristiyanismo.
Patuloy na itinuturo ng mga lider ng Mormonismo na pagkatapos na mamatay ang mga apostol, ang totoong Kristiyanismo ay lubusang tumalikod sa Diyos kaya’t kinakailangan ang “pagpapanumbalik.” Ngunit kahit na pagkatapos ng sinasabing pagdalaw ng Diyos kay Joseph Smith, nagpatuloy si Joseph Smith at ang kanyang mga kaibigan sa paghahanap at paghuhukay ng kayamanan gamit ang pamamaraan ng okultismo. Ang pamamaraang ito ay ilegal ng panahong iyon at hinatulan si Smith na nagkasala sa kasong “glasslooking” noong 1826. Ngunit pagkatapos ng kumbiksyong iyon sa Chenango County, New York, ang bagong “Propeta ng Panginoon” ay nagpatuloy sa pagtuturo ng kontrobersya na muli siyang nagkaroon ng isang kahanga-hangang “makalangit na engkwentro.” Noong 1823, inangkin ni Smith na kinatagpo siya ng isang anghel na nagngangalang Moroni na nagpahayag sa kanya na may mga gintong plato sa isang lugar malapit sa Palmyra, New York. Sa mga gintong plato diumano nakasulat ang kasaysayan ng isang sinaunang tao na nagngangalang Mormon at ng kanyang sinaunang lahing Hebreo na sinasabing “mga saksi” sa katotohanan ng Ebanghelyong Kristiyano. Itinala ito sa makasaysayang dokumento ng mga Mormon na ibinigay sa pamamagitan ng mga espesyal na salamin upang tulungan si Joseph Smith na isalin ang mga kasulatan mula sa mga gintong plato. Iniulat din na sa pagsasalin ni Joseph Smith, nagkaroon ng pribilehiyo ang taong tumutulong kay Smith na makasama sina Juan Bautista, Apostol Pedro at Santiago sa Pennsylvania noong Mayo 15, 1829 upang ipagkaloob sa mga lalaki ang “pagkasaserdoteng ayon kay Aaron.” Ang mga ito at iba pang mga kahanga-hangang kuwento ay itinala ni Smith sa isang aklat na tinatawag na ‘Pearl of Great Price.’
Inaangkin ni Joseph Smith na nagkaroon siya ng mga espesyal na pangitain at ng isang nakamamanghang pangitain ng “pagbubukas ng langit.” Ngunit isinasaad sa isang salaysay na pinirmahan ng 62 residente ng Palmyra, New York, na nagnanais na malaman ng iba ang tungkol sa kanya: “ang kanyang pamilya, paniniwala at ang kanyang pagsasagawa ng okultismo sa kanyang paghahanap ng kayamanan ay lubusang salungat sa moralidad at siya ay gumon sa masasamang bisyo.” Ngunit patuloy pa ring inangkin ni Smith na siya diumano ang tagapagsalita ng Diyos, at sa tuwing siya’y nagsasalita, inaangkin niya na Diyos mismo ang nagsasalita. Ang makapangyarihang posisyong ito ni Smith ay seryosong tinanggap ng marami sa kanyang mga tagasunod at sa tuwing magkakaroon si Smith ng pangitain, kailangan iyong seryosohin kahit gaano pa niyon kinokontra ang pamantayan ng moralidad ng Kristiyanismo. Ang mga “kapahayagang mula sa Diyos” ni Smith tungkol sa pagaasawa ng marami ang isa lamang sa maraming halimbawa.
Popular man o hindi, ang mga pahayag ni Smith na “nanggaling sa Diyos” ang dahilan kung bakit siya nakilala sa loob ng sumunod na ilang taon. Binabaluktot ng kanyang maimahinasyong mga kuwento ang mga Biblikal na katotohanan at hinahaluan niya ng kathang isip. Lagi siyang maingat sa paggaya sa Bibliya at maraming beses na muling isinulat ang Bibliya. Para sa marami, ang kanyang teolohiya ay isang pinilipit na teolohiya ng Bibliya. Tinutukso nito ang tao na maniwala sa kasinungalingan sa pamamagitan ng pagpilipit sa kahulugan ng mga kilalang Biblikal na katotohanan.
Nagwakas ang buhay ni Joseph Smith sa kamay ng mga galit na taong bayan. Sa pagsisikap na mapatahimik ang isyu ng pagaasawa ng marami, pagkatapos na matatag ang Iglesya sa Nauvoo, Illinois, winasak ni Smith at ng kanyang mga tagasunod ang gusali ng isang pahayagan na tumutuligsa sa Mormonismo at naaresto siya pagkatapos. Habang naghihintay sa kanyang paglilitis, sinugod ng may dalawandaang (200) galit na tao ang kulungang kinaroroonan ni Smith at pinatay siya roon kasama ang kanyang kapatid. Pagkatapos ng kanyang kamatayan, nagkaroon ng dibisyon sa kanyang iglesya. Ang sentro ng pamamahala sa relihiyon ni Smith ay nananatili hanggang ngayon sa Missouri (Community of Christ-RLDS) at ang isa naman ay sa Utah, kung saan sumunod ang mga Mormons sa kanilang bagong tagapanguna na si Brigham Young. English
Sino si Joseph Smith?