settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Josue?

Sagot


Kilala si Josue bilang kanang kamay ni Moises na pumalit kay Moises sa pangunguna at pagdadala sa mga Israelita sa Lupang Pangako pagkatapos nitong mamatay. Itinuturing si Josue na isa sa pinakadakilang lider-militar sa Bibliya dahil sa kanyang pangunguna sa pitong taon ng pagsakop sa Lupang Pangako at laging tinitingala bilang modelo sa pangunguna at pinanggagalingan ng praktikal na aplikasyon kung paano maging isang epektibong tagapanguna. Suriin natin ang kanyang buhay ayon sa perspektibo ng Bibliya.

Bilang isang lider-militar, maaaring ituring si Josue bilang isa sa pinakadakilang heneral sa buong kasaysayan, ngunit isang pagkakamali kung ituturing na ang kanyang kasanayan bilang isang heneral ang tanging dahilan ng tagumpay ng bansang Israel. Ang unang pagkakataon na makikita natin si Josue sa Bibliya ay sa Exodo 17 sa isang digmaan laban sa mga Amalekita. Sinasabi sa atin sa Exodo 17:13 na "Nilupig ni Josue si Amalek at ang bayan nito," kaya natutukso tayong magpalagay na ang galing ni Josue bilang isang lider-militar ang dahilan ng kanyang tagumpay. Ngunit sa bahaging ito ng Bibliya, makikita natin ang isang kakaibang pangyayari. Mababasa natin sa talatang 11, "Kapag itinataas ni Moises ang kanyang kamay ay nananalo ang Israel; at kapag kanyang ibinababa ang kanyang kamay ay nananalo ang Amalek." Sa huli, nangalay ang mga balikat ni Moises at kinailangang maglagay ng isang bato para maging upuan at alalayan ang kanyang mga balikat nina Aaron at Hur. Kaya nga makikita natin dito na nagtagumpay si Josue dahil ibinigay sa kanya ng Diyos ang digmaan.

Ganito rin ang masasabi sa mga tagumpay ng hukbo ng Israel sa pangunguna ni Josue laban sa mga bansa na omokupa sa Lupang Pangako. Ipinangako ng Diyos ang tiyak na tagumpay at ibinigay iyon sa mga Israelita sa isang nakakakumbinsing paraan. Ang nagiisang pagkatalo ay sa labanan sa Ai (Josue 7). May ilang bagay na mapapansin sa insidenteng iyon sa Ai. Sinira ng Israel ang kanilang relasyon sa Diyos patungkol sa mga "itinalagang bagay" (Josue 7:1). Iniutos ng Diyos sa mga Israelita na puksain ang lahat ng kanilang samsam (Josue 6:17), ngunit nagtago si Acan ng ilan sa kanilang mga nasamsam sa labanan sa Jerico. Dahil dito, hinatulan sila ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang pagkatalo sa Ai. Ang isa pang bagay na mapapansin ay walang malinaw na utos ang Diyos para sa mga Israelita na salakayin ang Ai. Ang layunin ng pagkukumpara sa kwento tungkol sa mga digmaang ito ay para ipakita na kung ang Diyos ang magpaplano at magpapatupad, susunod ang tagumpay, ngunit kung ang tao ang magpaplano at magpapatupad, susunod ang kabiguan. Ang Jerico ay laban ng Panginoon; ngunit hindi ang sa Ai. Itinuwid ng Diyos ang sitwasyon at binigyan din sila ng tagumpay sa huli, ngunit hindi ito nangyari hangga't hindi Niya naibigay ang aral sa mga Israelita.

Ang iba pang ebidensya ng magandang katangian ni Josue bilang isang tagapanguna ay ang kanyang napakatibay na pananampalataya sa Diyos. Noong ang mga Israelita ay nasa hangganan ng Lupang Pangako sa Bilang 13, iniutos ng Diyos kay Moises na magpadala ng 12 espiya sa lupain, isa mula sa bawat tribo ng Israel. Nang silaý bumalik, iniulat ng sampu sa kanila ang kanilang nakita sa lupain, kung gaano kasagana ang ani doon gaya ng ipinangako ng Dyos, at naninirahan sa malalaki at matitibay na siyudad ang malalakas at mababagsik na mandirigma. Bilang karagdagan, iniulat din nila na naroroon ang mga Nefilim (mga higante sa pananaw ng mga Israelita). Tanging sina Josue at Caleb lamang ang humikayat sa mga Israelita na angkinin ang lupain (Bilang14:6-10). Makikita natin dito ang isang bagay na wala sa mga Israelita na taglay nina Josue at Caleb—naniniwala sila sa mga pangako ng Diyos. Hindi sila natakot sa laki ng mga madirigma o sa tibay ng kanilang siyudad. Sa halip, kilala nila ang Diyos at natatandaan kung ano ang ginawa Niya sa Egipto, ang pinakamakapangyarihang bansa ng panahong iyon. Kung kaya ng Diyos na talunin ang makapangyarihang hukbo ng Egipto, tiyak na kaya din Niyang talunin ang iba't ibang tribo sa Canaan. Ginantimpalaa ng Diyos ang pananampalataya nina Josue at Caleb at sila lamang ang itinira sa buong henerasyon ng mga nagreklamo sa ilang na pinatay ng Diyos.

Makikita natin ang katapatan ni Josue sa kanyang pagsunod sa pagtatalaga sa mga tao bago ang kanilang paglusob sa Lupang Pangako, at muli pagkatapos ng kanilang pagkatalo sa Ai. Ngunit walang mas malinaw pang ebidensya ng katapatan ni Josue sa kanyang pagtitipon sa mga tao kaysa sa pagalaala niya sa mga gawa ng Diyos sa huling bahagi ng kanyang aklat. Pagkatapos ng kanyang talumpati, hinimok ni Josue ang mga tao na talikdan ang kanilang mga diyus-diyusan at manatiling tapat sa tipan sa kanila ng Dios sa Sinai at sinabi, " Ngayon kung ayaw ninyong maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog, o ang mga diyos ng mga Amoreo na ang lupain nila ay inyong tinitirahan; ngunit sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa Panginoon" (Josue 24:15).

Kaya, ano ang ating matututunan sa buhay ni Josue? Makakakuha ba tayo ng ga prinsipyo sa pangunguna sa kanyang buhay? Oo. Ang pagbibigay sa kanya ng Diyos ng tagumpay sa pag-agaw sa Lupang Pangako ay hindi nakakabawas sa kanyang kakayahan bilang isang lider-militar. Sa karagdagan, higit pa siya sa isang mahusay na lider para sa mga Israelita; ngunit ang kanyang kakayahan bilang isang tagapanguna ay hindi ang pangunahing aral na ating matututunan sa kanyang buhay. Ang mas magandang aral ay ang katapatan ni Josue, ang kanyang paninindigan laban sa sampung espiya na nagpahina ng loob ng mga Israelita sa pagangkin sa Lupang Pangako at ang kanyang sigasig sa pagpapanatili ng katapatan ng mga tao sa tipan ng Diyos. Ngunit hindi rin perpekto ang kanyang pananampalataya. Nagpadala siya ng mga espiya sa Jerico bagama't tiniyak na sa kanya ng Diyos ang tagumpay, at tila nasobrahan ang tiwala niya sa kanyang sariing kakayahan ng salakayin niya ang Ai ng walang malinaw na utos mula sa Diyos.

Ang pangunahing aral na ating matututunan sa buhay ni Josue ay ang katotohanan na tapat ang Diyos sa Kanyang mga pangako. Ipinangako ng Diyos kay Abraham na titira ang kanyang mga inapo sa lupain at sa ilalim ng pangunguna ni Josue, dinala Niya ang Kanyang bayan sa lupain na Kanyang ipinangakong ibibigay sa kanila. Ang aksyong ito ang kumumpleto sa misyon ng pagtubos na pinasimulan ng Diyos kay Moises sa pagpapalaya sa Israel mula sa Egipto. Ito rin ay isang tipolohiya na nagtuturo sa tao sa ganap na pagtubos na isinakatuparan ni Jesu Cristo sa sinumang sasampalataya sa Kanya. Gaya ni Moises, pinalaya tayo ni Jesus mula sa pagkaalipin, at gaya ni Josue, dadalhin tayo ni Jesus sa walang hanggang Lupang Pangako at sa walang hanggang kapahingahan (Hebreo 4:8-10).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ating matututunan sa buhay ni Josue?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries