Tanong
Nangangahulugan ba ang Juan 3:13 na wala pang pumupunta sa langit bago dumating si Hesus?
Sagot
Sinasabi sa Juan 3:13, “At walang umakyat sa langit, kundi ang nanggaling sa langit, sa makatuwid baga'y ang Anak ng tao, na nasa langit.” Ang talatang ito ay mahirap na ipaliwanag at laging namamali ang pakahulugan. Ito ay laging ginagamit ng mga taong naghahanap ng pagkakasalungatan sa Bibliya. Kung titingnan ang talata ayon sa konteksto, lalo na ang talatang 10 hanggang 13, makikita natin na nagsasalita si Hesus tungkol sa awtoridad at katotohanan ng kanyang mga turo. Sa talata 13, ipinaliwanag ni Hesus kay Nicodemo na Siya lamang ang karapatdapat na magturo ng mga bagay tungkol sa langit dahil Siya lamang ang nagiisang bumaba at bumalik doon at may ganap na kaalaman upang magturo tungkol dito sa mga tao.
Kaya nga, walang sinuman ang makakapagturo tungkol sa mga makalangit na bagay ng may awtoridad na gaya ni Hesus. Ang pagtuturo ng mga ganitong bagay ay nangangailangan ng buong kaalaman sa mga bagay na makalangit at hinihingi ang karanasan na tanging ang Panginoong Hesus lamang ang ngatataglay. Dahil walang sinumang bumaba mula sa langit at nagbalik doon pagkatapos, walang sinuman ang may kakayahan na magturo tungkol sa mga bagay na panlangit kundi Siya lamang na bumaba mula sa langit. Sinasabi ni Hesus sa talatang ito na Siya lamang ang karapatdapat na magturo ng mga bagay tungkol sa Diyos at magpakilala sa Kanya sa mga tao (Juan 1:18).
Hindi ito nangangahulugan na walang sinumang nakaakyat sa langit o naligtas bago dumating si Hesus dahil si Enoch at Elias ay nakapunta na sa langit bago pa man dumating si Hesus (Genesis 5:24; Hebreo 11:5; 2 Hari 2:11), gayundin sina Abraham, Isaac, Jacob, at iba pa. Sa halip, nangangahulugan ito na walang sinumang bumaba at “umakyat” upang maging karapatdapat na tagapagturo ng mga bagay tungkol sa langit. Ang “pagakyat sa langit” ay nagdadala ng ideya ng pagtungo sa langit ng may kapangyarihan. Si Hesus lamang ang tanging umakyat sa langit ng may kapangyarihan dahil Siya ang bugtong na Anak ng Diyos (Juan 1:14).
English
Nangangahulugan ba ang Juan 3:13 na wala pang pumupunta sa langit bago dumating si Hesus?