Tanong
Si Juan Bautista ba talaga ang reinkarnasyon ni Elias?
Sagot
Sinabi sa Mateo 11:7-14, “At samantalang ang mga ito'y nagsisiyaon ng kanilang lakad, ay nagpasimula si Jesus na magsalita sa mga karamihan tungkol kay Juan, Ano ang nilabas ninyo upang masdan sa ilang? isang tambo na inuuga ng hangin? Datapuwa't ano ang nilabas ninyo upang makita? isang taong nararamtan ng mga damit na maseselan? Narito, ang mga nagsisipanamit ng maseselan ay nangasa mga bahay ng mga hari. Datapuwa't ano ang nilabas ninyo? upang makita ang isang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at lalo pang higit kay sa isang propeta. Ito yaong tungkol sa kaniya'y nasusulat, Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha, Na maghahanda ng iyong daan sa unahan mo. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa gitna ng mga ipinanganganak ng mga babae ay walang lumitaw na isang dakila kay sa kay Juan Bautista: gayon man ang lalong maliit sa kaharian ng langit ay lalong dakila kay sa kaniya. At mula sa mga araw ni Juan Bautista hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay nagbabata ng karahasan, at kinukuha nang sapilitan ng mga taong mararahas. Sapagka't ang lahat ng mga propeta at ang kautusan hanggang kay Juan ay nagsipanghula. At kung ibig ninyong tanggapin, ay siya'y si Elias na paririto.” Tinukoy dito ni Hesus ang Malakias 3:1, kung saan binabanggit ang isang darating na mensahero. Ayon sa Malakias 4:5, ang mensaherong ito ay si “Propeta Elias,” na ipinakilala ni Hesus bilang si Juan Bautista. Nangangahulugan ba ito na si Juan Bautista ang nabuhay na mag-uling si Elias? Hindi ito posible.
Una, ang konsepto ng reinkarnasyon o paglipat ng kaluluiwa sa ibang katawan ay hindi man lamang sumasagi sa isip ng mga Hudyo. Hindi natin simpleng dadalhin ang kaisipan ng mga relihiyon sa Silangan sa mundo ng mga Hudyo noong unang siglo. Kung totoo man na darating na muli si Elias, ito ay ang Elias na binuhay na mag-uli mula sa mga patay sa pagdating ng ating Panginoon (Daniel 12). Kaya kahit literal na si Juan Bautista ang mismong si Elias, ito ay pagkabuhay na mag-uli ni Juan Bautista hindi isang reinkarnasyon ni Elias. Ang sabihin na si Elias mismo si Juan Bautista ay pilit na paglalagay ng katuruan ng reinkarnasyon sa Kasulatan.
Ikalawa, malinaw ang katuruan ng Bibliya na binigyan si Juan Bautista ng bagong tungkulin dahil dumating siya sa “espiritu at kapangyarihan ni Elias” (Lukas 1:17), hindi dahil siya mismo ang literal na Elias. Si Juan Bautista ang tagapaghanda ng daan ng Panginoon sa Bagong Tipan, gaya ng papel na ginampanan ni Elias sa Lumang Tipan (at muli niyang gagampanan sa hinaharap – tingnan ang Pahayag 11). Ikatlo, nagpakita mismo si Elias kasama si Moises sa pagbabagong anyo ni Hesus pagkatapos ng kamatayan ni Juan Bautista. Hindi ito mangyayari kung nagbago ang pagkakakilanlan kay Elias (Mateo 17:11-12).
Pangapat, ipinakikita ng Markos 6:14-16 at 8:28 na magkaiba ang pagkakilala ng mga tao at ni Herodes kay Juan Bautitsta at Elias. Panghuli, ang katibayan na hindi ito isang reinkarnasyon ay ang sinabi mismo nii Juan Bautista. Sa unang kabanata ng Ebanghelyo ni Apostol Juan, ipinakilala ni Juan Bautista ang kanyang sarili bilang mensahero ayon sa Isaias 40:3 hindi bilang si Elias ng Malakias 3:1. Sinabi din mismo ni Juan Bautista na hindi siya si Elias (Juan 1:19-23).
Ginawa ni Juan Bautista kay Hesus kung ano ang ginawa ni Elias para sa pagdating ng Panginoon ngunit hindi siya si Elias. Ipinakilala ni Hesus si Juan Bautista sa kanyang papel bilang si Elias habang itinanggi naman ni Juan Bautista ang pagpapakilalang ito sa harap ng mga pinuno ng mga Hudyo. Paano natin pagkakasunduin ang dalwang katuruang ito? May isang susing parirala sa pagpapakilala ni Hesus kay Juan Bautista bilang si Elias sa teksto sa itaas na hindi dapat palampasin. Sinabi Niya, “Kung handa kayong tanggapin ito, siya si Elias.” Sa ibang salita, ang pagpapakilala ni Kristo kay Juan Bautista bilang si Elias ay hindi nangangahulugan na siya mismo si Elias. Sa halip, nakadepende ang pagkakakilanlang ito sa tugon ng tao sa kanyang papel na ginampanan bilang tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon. Para sa handang manampalataya kay Hesus, gumanap ng papel si Juan Bautista bilang si Elias, dahil naniwala sila kay Hesus. Sa mga lider ng relihiyong Hudyo na tumanggi kay Hesus, hindi si Juan Bautista gumanap ng papel na ginampanan ni Elias.
English
Si Juan Bautista ba talaga ang reinkarnasyon ni Elias?