settings icon
share icon
Tanong

Paano namatay si Judas?

Sagot


Ang kamatayan ni Judas ay sa pamamagitan ng pagpapakamatay pagkatapos na mapuno siya ng panghihinayang (hindi ng pagsisisi) dahil sa kanyang pagtatwa kay Jesus. Parehong binabanggit sa aklat ni Mateo at aklat ng mga Gawa ang ilang detalye tungkol sa kamatayan ni Judas, at hindi madaling pagkasunduin ang mga detalye sa pagitan ng dalawang kuwento.

Sinasabi ni Mateo na namatay si Judas sa pamamagitan ng pagbibigti. Ito ang sinabi ni Mateo sa kanyang Ebanghelyo tungkol sa pagbibigti ni Judas: "Inihagis ni Judas sa loob ng Templo ang tatlumpung pirasong pilak, at pagkaalis doon, siya'y nagbigti. Pinulot ng mga punong pari ang mga pirasong pilak. Sinabi nila, "Labag sa Kautusan na ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng Templo sapagkat bayad ito sa buhay ng isang tao." Nagkaisa sila na ang salaping iyon ay ibili ng bukid ng isang magpapalayok, upang gawing libingan ng mga dayuhan. Mula noon hanggang ngayon, ang bukid na iyon ay tinatawag na "Bukid ng Dugo" (Mateo 27:5–8).

Sinasabi naman ni Lukas na bumagsak si Judas sa isang bukid at sumabog ang kanyang tiyan. Ito ang tala ni Lukas sa aklat ng mga Gawa: "Ang kabayaran sa kanyang pagtataksil ay ibinili niya ng lupa. Doon siya nahulog nang patiwarik at sumabog ang kanyang tiyan at lumabas ang kanyang bituka. Nabalita iyon sa buong Jerusalem, kaya nga't ang lupang iyon ay tinawag na Akeldama sa kanilang wika, na ang kahulugan ay Bukid ng Dugo" (Gawa 1:18–19).

Aling kuwento ang tama? Namatay ba si Judas sa pagbibigti, o namatay siya dahil siya'y nahulog? O parehong totoo? Ang kaugnay na tanong ay, binili ba ni Judas ang bukid, o ang mga saserdote ang bumili noon?

Tungkol sa kung paano namatay si Judas, narito ang simpleng paliwanag para pagkasunduin ang tila pagkakasalungatan: Nagbigti si Judas sa bukid ng magpapalayok (Mateo 27:5), at sa ganitong paraan siya namatay. Pagkatapos, nang magsimulang mabulok at lomobo ang kanyang katawan, naputol ang lubid, o kaya ang sanga ng puno at nahulog ang kanyang katawan at pumutok ang kanyang tiyan sa lupa ng magpapalayok (Gawa 1:18–19). Pansinin na hindi sinabi ni Lukas na namatay si Judas dahil sa pagkahulog, kundi sinabi lang niya na nahulog ang kanyang katawan. Ipinapahiwatig ng aklat ng mga Gawa na nagbigti si Judas dahil ang isang taong nahuhulog ay hindi normal na sumasabog ang katawan. Tanging ang pagkaagnas ng katawan at pagbagsak mula sa mataas na lugar ang maaaring maging sanhi ng pagsabog ng tiyan. Kaya binabanggit ni Mateo ang aktwal na dahilan ng kamatayan ni Judas at binabanggit naman ni Lukas ang malagim na katangian ng pangyayaring ito.

Tungkol sa kung sino ang bumili ng bukid, may dalawang posibleng paraan para mapagkasundo ang tila pagkakasalungatan. 1) Pinangakuan si Judas ng bayad na tatlumpong salaping pilak ilang araw bago ang pagaresto kay Jesus (Markos 14:11). Ilang araw bago ang pagkakanulo ni Judas kay Jesus, nakipagkasundo na si Judas sa magpapalayok para bilhin ang bukid nito bagama't wala pang bayarang nagaganap. Pagkatapos na ipagkanulo si Jesus at mabayaran si Judas ng mga Pariseo, isinauli niya ang pera sa mga punong saserdote. Ang mga saserdote naman na itinuring ang tatlumpong salaping pilak na perang nakuha sa karahasan, ay kinumpleto ang transakyong sinimulan ni Judas at binili ang bukid. 2) Pagkatapos na ihagis ni Judas ang tatlumpung piraso ng pilak sa sahig, kinuha iyon ng mga punong saserdote at ginamit para bilhin ang bukid ng magpapalayok (Mateo 27:7). Maaring hindi personal na binili ni Judas ang bukid, ngunit siya ang nagbigay ng pera para sa transakyon kaya't maaaring sabihin na siya ang bumili ng bukid.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano namatay si Judas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries