settings icon
share icon
Tanong

Anong nangyari kay Hesus noong Kanyang kabataan?

video
Sagot


Maliban sa Lukas 2:41-52, wala ng iba pang impormasyon na sinasabi sa atin ang Bibliya tungkol sa kabataan ni Hesus. Mula sa mga talatang ito, may ilang bagay tayong makikita tungkol sa pagkabata ni Hesus. Una, Siya ay anak ng magasawang Hudyo na tapat sa kanilang relihiyon. Bilang bahagi ng kanilang pagsunod sa mga itinakda ng kanilang relihiyon, nagpunta si Jose at Maria sa Jerusalem sa Pista ng Paskuwa bilang bahagi ng kanilang taunang panata. Dinala nila ang kanilang 12 taong gulang na anak na si Hesus upang makilahok sa Pista ng Paskuwa bilang paghahanda sa kanyang ika 13 kaarawan na tinatawag na Mitzvah, isang bahagi ng kulturang Hudyo kung kailan ipinagdiriwang ang pagpasok ng isang batang lalaki sa hustong gulang . Makikita natin sa mga talatang ito ang isang tipikal na bata na miyembro ng isang tipikal na pamilya ng panahong iyon.



Makikita din natin sa mga talata na ang pananatili ni Hesus ng matagal sa templo ay hindi pagpapakita ng kawalang galang sa Kanyang mga magulang kundi normal na resulta ng kanyang kaalaman na gaganapin Niya ang ipinagagawa sa Kanya ng Kanyang Amang Diyos. Ang kakayanan Niya na makipagusap sa mga guro sa templo at ang kanilang paghanga sa Kanyang kaalaman ay nagpapakita ng Kanyang hindi pangkaraniwang karunungan. Ang Kanyang pakikinig at pagtatanong sa mga matatanda ay nagpapakita ng Kanyang buong paggalang sa kanila, bilang isang magaaral na nababagay sa isang bata sa Kanyang edad.

Mula sa pangyayaring ito hanggang sa pagbabautismo sa Kanya ni Juan Bautista sa edad na tatlumpung (30) taon, ang tangi nating nalalaman ay umalis Siya sa Jerusalem at nagbalik sa Nazareth kasama ang Kanyang mga magulang at “naging masunurin” sa kanila (Lukas 2:51). Ginampanan Niya ang Kanyang tungkulin sa kanyang mga magulang sa lupa bilang pagsunod sa ikalimang utos, isang mahalagang sangkap sa Kanyang perpektong pagsunod sa Kautusan ni Moises na Kanyang ginampanan para sa ating ikaliligtas. Maliban sa lahat ng ito, ang tangi nating nalalaman ay “lumaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao” (Luke 2:52).

Malinaw na ito lamang ang mga bagay na nais ng Diyos na malaman natin tungkol sa kabataan ni Hesus. May ilang mga aklat na hindi naaayon sa Bibliya ang naglalaman ng mga kuwento tungkol sa mga pangyayari sa buhay ni Hesus noong Kanyang kabataan (halimbawa ay ang Ebanghelyo ni Tomas). Ngunit walang kahit anong kaparaanan upang malaman natin kung ang mga kuwentong ito ay totoo at mapagkakatiwalaan. Inibig ng Diyos na hindi ipaalam sa atin ang maraming mga bagay tungkol sa kabataan ni Hesus . Nararapat natin Siyang pagtiwalaan na ang mga nasulat sa Bibliya ay yaon lamang mga bagay na dapat nating malaman.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Anong nangyari kay Hesus noong Kanyang kabataan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries