Tanong
May buhay pa ba pagkatapos ng buhay na ito sa mundo?
Sagot
Itinala sa aklat ni Job ang isang tanong tungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan sa simpleng pananalitang ito: "kung mamatay ang isang tao, mabubuhay pa siyang muli?" (Job 14:14). Napakadaling itanong ang tanong na ito; ang mas mahirap ay ang maghanap ng isang taong may awtoridad at karanasan na sasagot sa tanong na ito.
Si Hesu Kristo ang tanging tao na makakapagsabi ng katotohanan patungkol sa paksang ito ng may tunay na awtoridad at karanasan. Ang dahilan kung bakit Siya lamang ang tanging may awtoridad na magsalita patungkol sa langit ay dahil nanggaling Siya doon: "At walang umakyat sa langit, kundi ang nanggaling sa langit, sa makatuwid baga'y ang Anak ng tao, na nasa langit" (Juan 3:13). Sa pamamagitan ng Kanyang sariling karanasan sa langit, ipinahahayag sa atin ni Jesus ang tatlong pangunahing katotohanan patungkol sa paksa ng buhay pagkatapos ng kamatayan:
1. May buhay pa pagkatapos ng kamatayan.
2. Pagkatapos na mamatay ang isang tao, may dalawang posibleng destinasyon lamang ang maaari niyang puntahan.
3. May paraan upang makatiyak sa isang magandang karanasan pagkatapos ng kamatayan.
Una, maraming beses na tiniyak ni Hesu Kristo na may buhay pa pagkatapos ng kamatayan, Halimbawa, sa isa Niyang engkwentro sa mga Saduseo na hindi naniniwala sa doktrina ng pagkabuhay na mag-uli, sinabi ni Jesus, "Nguni't tungkol sa mga patay, na sila'y mga ibabangon; hindi baga ninyo nabasa sa aklat ni Moises, tungkol sa Mababang punong kahoy, kung paanong siya'y kinausap ng Dios na sinasabi, Ako ang Dios ni Abraham, at ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob? Hindi siya ang Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay: kayo'y nangagkakamaling lubha!" (Markos 12:26–27). Ayon sa Panginoong Jesus, ang mga namatay na mananampalataya libo-libung taon na ang nakakaraan ay buhay na buhay pa rin kasama ng Diyos sa mga oras na ito.
Sa isa pang bahagi ng Kasulatan, inaliw ni Jesus ang Kanyang mga alagad (at tayo rin naman) sa pamamagitan ng pagtuturo sa mangyayari sa kanila pagkatapos ng kamatayan. Maaari nilang asahan na makakasama nila Siya sa kalangitan: "Huwag magulumihanan ang inyong puso: magsisampalataya kayo sa Dios, magsisampalataya naman kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan; kung di gayon, ay sinabi ko sana sa inyo; sapagka't ako'y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung ako'y pumaroon at kayo'y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto ako, at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili; upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon" (Juan 14:1–3).
Itinuro din ni Jesus na may awtoridad ang tungkol sa dalawang destinasyon na naghihintay sa tao pagkatapos ng kamatayan. Sa kuwento tungkol sa lalaking mayaman at si Lazaro, sinabi ni Jesus, "At nangyari, na namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham: at namatay naman ang mayaman, at inilibing. At sa Hades na nasa mga pagdurusa ay itiningin niya ang kaniyang mga mata, at natanaw sa malayo si Abraham, at si Lazaro ay nasa kaniyang sinapupunan" (Lukas 16:22–23). Pansinin na walang panandaliang destinasyon para sa mga namatay; direkta silang pumupunta sa dalawa lamang lugar. Walang binabanggit ang Bibliya tungkol sa purgatoryo. Nagturo si Jesus sa iba pang mga pagkakataon tungkol sa magkaibang hantungan ng mga matuwid at mga makasalanan pagkatapos ng kamatayan sa Mateo 25:46 at Juan 5:25–29.
Binigyang diin ni Jesus na ang nagtatakda sa eternal na hantungan ng tao ay kung ang tao bang iyon ay sumampalataya o hindi sumampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos. Ang pangangailangan ng pananampalataya ay malinaw: "Upang ang sinomang sumampalataya ay magkaroon sa kaniya ng buhay na walang hanggan. Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagka't hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya. Ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan; ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagka't hindi siya sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Dios" (Juan 3:15–18).
Para sa mga taong nagsisi sa kanilang kasalanan at pinagtiwalaan si Jesus bilang kanilang tagapagligtas, ang buhay nila sa kabila ay isang buhay na walang hanggan na puspos ng kasiyahan sa piling ng Diyos. Para naman sa mga tumanggi kay Kristo, iba ang naghihintay sa kanila sa kabilang buhay. Inilarawan ni Jesus ang kanilang hantungan na isang "kadiliman sa labas" kung saan may "pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin" (Mateo 8:12). Bilang sugo ng Diyos para magturo ng may awtoridad patungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan, binalaan ni Jesus ang mga tao na pumili ng tama: "Kayo'y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka't maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo'y nagsisipasok. Sapagka't makipot ang pintuan, at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon" (Mateo 7:13–14).
Tungkol sa paksa ng buhay pagkatapos ng kamatayan, isang siyentipikong Canadian ang minsang nagsabi, "Mayroon lamang akong dalawang katanungan, una may tao ba na nagtagumpay na laban sa kamatayan? Ikalawa, nakagawa ba siya ng paraan upang makapagtagumpay din laban dito ang iba?" Ang sagot sa dalawang katanungang ito ni Hardy ay parehong "Oo." May isang tao na parehong tinalo na ang kamatayan at nakagawa ng paraan para sa sinumang maglalagak ng tiwala sa Kanya upang magwagi din laban sa kamatayan. Walang sinuman na nagtitiwala kay Hesu Kristo ang dapat na matakot sa kamatayan at maaari tayong magalak sa kaligtasang Kanyang ipinagkakaloob: "Datapuwa't pagka itong may kasiraan ay mabihisan ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, kung magkakagayon ay mangyayari ang wikang nasusulat, Nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan. Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong pagtatagumpay? Saan naroon, Oh kamatayan, ang iyong tibo?" (1 Corinto 15:54–55).
English
May buhay pa ba pagkatapos ng buhay na ito sa mundo?