Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kahalagahan ng pananagutan?
Sagot
Sa napakaraming tukso na nasa mundo ngayon, patuloy na gumagawa si Satanas ng mas marami pa dahil alam niyang nalalapit na ang kanyang oras. Nararapat na mayroon tayong isang babae o lalaking kapatid sa Panginoon na ating maaasahan at mahihingan ng payo at tulong kung humaharap tayo sa iba't ibang mga tukso na maaaring sumira sa ating espiritwal na buhay. Nagiisa si haring David noong gabi bago siya tuksuhin ng diyablo na magkasala ng pangangalunya kay Bathsheba. Makikita na maaaring si Bathsheba ang nanukso kay David (2 Samuel 11). Ngunit sinasabi ng Bibliya na ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman kundi sa espiritwal, laban sa mga kapangyarihan at kapamahalaan na nagnanais na pabagsakin tayo (Efeso 6:12).
Dahil nalalaman natin na tayo ay nakikipagbaka laban sa pwersa ng kadiliman, kailangan natin ang tulong na ating maiipon sa ating paligid. Sa Efeso, sinabi sa atin ni Pablo na dapat tayong maarmasan ng lahat ng kapangyarihan ng na ipinagkakaloob ng Diyos upang magtagumpay sa labanan. "Kaya't isuot ninyo ang baluting mula sa Diyos. Sa gayon, makatatagal kayo sa pakikipaglaban pagdating ng masamang araw na iyon, at pagkatapos ng inyong pakikipaglaban ay matatag pa rin kayong nakatayo" (Efeso 6:13). Nalalaman ni Pablo na kahit armasan pa natin ang ating sarili ng lahat ng pangdepensa na ipinagkakaloob sa atin ng Diyos, tao pa rin tayo at maaaring hindi natin malabanan ang mga tukso ni Satanas sa lahat ng sandali. Walang dudang nalalaman natin na darating ang tukso.
Alam ni Satanas ang ating mga kahinaan at alam niya kung kailan tayo mahina. Alam niya kung nagaaway ang isang magasawa at ang kung nararamdaman ng bawat isa na may isang higit na makakaunawa sa kanila. Alam ni Satanas kung ang isang bata ay pinarurusahan ng kanyang mga magulang at nakakadama ng pagrerebelde. Alam niya kung hindi maayos ang mga nangyayari sa buhay ng isang Kristiyano. Saan tayo hihingi ng tulong matapos gawin ang lahat ng ating makakaya upang lumaban? Nais nating gawin ang tama sa harapan ng Diyos, ngunit mahina tayo. Ano ang ating gagawin?
Sinasabi ng Kawikaan 27:17, "Bakal ang nagpapatalim sa kapwa bakal at isip ang nagpapatalas sa kapwa isipan." Ang isang kaibigan ay maaaring panggalingan ng suporta at lakas ng loob. Kailan ka huling kinumusta ng isang kaibigan? Kailan mo naman kinumusta ang isa sa iyong mga kaibigan at tinanong kung kailangan niya ng makakausap? Minsan ang nawawalang sangkap upang magtagumpay tayo sa ating pakikipaglaban kay Satanas ay ang tulong at kalakasan na nagmumula sa isang kaibigan.
Sinabi ng manunulat ng Hebreo, "At sikapin nating mapukaw ang damdamin ng bawat isa sa pag-ibig sa kapwa, at sa paggawa ng mabuti. At huwag kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon gaya ng ginawa ng ilan, kundi palakasin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating nalalapit na ang pagdating ng Panginoon" (Hebreo 10:24-25). Ang pananagutan sa isa't isa ay napakahalaga sa ating pakikipaglaban sa kasalanan. Ang isang kaibigan ay maaaring gamitin ng Diyos upang palakasin, sawayin at turuan tayo at makigalak sa ating kagalakan at makiluha sa oras ng ating kalungkutan. Ang bawat Kristiyano ay nararapat na magkaroon ng isang kaibigang mananampalataya na mananalangin, makakausap at kasama niyang lalago sa pananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kahalagahan ng pananagutan?