Tanong
Ano ang kaharian ng Diyos?
Sagot
Laging binabanggit sa mga Ebanghelyo ang ‘kaharian ng Diyos’ (halimbawa sa Markos 1:15; 10:15; 15:43; Lukas 17:20) at iba pang lugar sa Bagong Tipan (halimbawa sa Gawa 28:31; Roma 14:17; 1 Corinto 15:50). Ang kaharian ng Diyos ay kasingkahulugan ng ‘kaharian ng langit.’ Maraming kahulugan ang konsepto ng kaharian ng Diyos sa iba’t ibang sitas ng Kasulatan.
Sa isang malawak na pakahulugan, ang kaharian ng Diyos ay ang pamamahala ng walang hanggang Diyos sa buong sansinukob. Ipinapakita sa ilang mga sitas ng Kasulatan na ang Diyos ang hindi matatanggihang Hari ng lahat ng nilikha: “Itinatag ng Panginoon ang kaniyang luklukan sa mga langit; at ang kaniyang kaharian ay nagpupuno sa lahat” (Awit 103:19). At, gaya ng idineklara ni Haring Nabucudonosor, “ang kaniyang kaharian ay walang hanggang kaharian, at ang kaniyang kapangyarihan ay sa sali't saling lahi” (Daniel 4:3). Ang bawat pamahalaang umiiral ay itinatag ng Diyos (Roma 13:1). Kaya nga, sa esensya, kabilang sa kaharian ng Diyos ang lahat ng mga bagay.
Sa isang mas makitid na pakahulugan, ang kaharian ng Diyos ay ang espiritwal na paghahari ng Diyos sa buhay at puso ng mga nagpapailalim sa Kanyang kapamahalaan. Ang mga lumalaban sa Kanyang awtoridad at tumatangging kumilala sa Kanyang paghahari ay hindi kabahagi sa kaharian ng Diyos; sa kabaliktaran, ang mga kumikilala sa pagka-Panginoon ni Kristo at masayang sumusunod at nagpapasakop sa paghahari ng Diyos sa kanilang mga puso ay bahagi ng kaharian ng Diyos. Sa ganitong diwa, espiritwal ang kaharian ng Diyos. Sinabi ni Hesus na ang Kanyang kaharian ay hindi sa mundong ito (Juan 18:36), at ipinagaral Niya na kinakailangan ang pagsisisi upang makabahagi sa kahariang ito (Mateo 4:17). Malinaw na makikita sa Juan 3:5-7 na ang kaharian ng Diyos ay maihahalintulad sa kaligtasan kung saan sinabi ni Hesus na kailangang maipanganak na muli ang isang tao bago makapasok sa kaharian ng Diyos. Tingnan din ang 1 Corinto 6:9.
May isa pang gamit ang kaharian ng Diyos sa Kasulatan: ang literal na paghahari ni Hesu Kristo sa mundo sa loob ng isanlibong taon. Sinabi ni Daniel na, “ang Diyos ng kalangitan ay magtatayo ng isang kaharian na hindi mawawasak kailanman” (Daniel 2:44; 7:13–14), at inihula din ang parehong kaharian ng marami sa mga propeta (halimbawa: Obadias 1:21; Habakuk 2:14; Mikas 4:2; Zacarias14:9). May mga teologo na nagsasabi na ang kahariang ito ay tumutukoy sa isang literal na kaharian sa hinaharap, isang literal na manipestasyon ng kaharian ng Diyos bilang “kaharian ng kaluwalhatian” at ang nakatagong manipestasyon ng kaharian ng Diyos bilang “kaharian ng biyaya” sa kasalukuyan. Magkaugnay ang dalawang manipestasyon; itinatag ni Hesus ang espiritwal na paghahari sa mundo, at isang araw, itatatag Niya ang Kanyang pisikal at literal na paghahari sa Jerusalem.
May ilang aspeto ang kaharian ng Diyos. Ang Diyos ang may kapamahalaan sa buong sansinukob, at sa ganitong diwa, pangkalahatan ang kaharian ng Diyos (1 Timoteo 6:15). Gayundin naman, kinapapalooban ang kaharian ng Diyos ng pagsisisi at bagong kapanganakan. Ang Diyos ang naghahari sa puso ng Kanyang mga anak bilang paghahanda para sa susunod na kaharian. Nagsimula na ang espiritwal na paghahari ng Diyos sa mundo at magtatapos ito sa literal Niyang paghahari sa loob ng isanlibong taon at sa bagong langit at bagong lupa (tingnan ang Filipos 1:6). English
Ano ang kaharian ng Diyos?