Tanong
Maghahari ba si David kasama ni Jesus sa Kahariang Milenyal?
Sagot
Pagkatapos ng kapighatian at ng Digmaang Armagedon, itatatag ni Jesus ang Kanyang isanlibong taon ng paghahari sa mundo. Sa Jeremias 30, ipinangako ng Diyos sa Israel na palalayain ang Israel sa kamay ng mga dayuhan magpawalang hanggan, at “sila'y maglilingkod kay Yahweh na kanilang Diyos, at kay David na kanilang magiging hari” (talata 9). Tungkol sa parehong panahon, sinasabi ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Ezekiel, “Isang tulad ng lingkod kong si David ang magiging hari nila. Susundin na nilang mabuti ang aking mga utos at tuntunin” (Ezekiel 37:24). Sa mga hula nina Jeremias at Ezekiel, may nagpapalagay na mabubuhay na mag-uli si haring David sa panahon ng isanlibong taon at itatalaga bilang hari sa Israel at mamumunong kasama ni Jesu Cristo.
Dapat unawain ang mga hula ni Jeremias at Ezekiel sa ganitong paraan: isang araw magbabalik ang mga Judio sa kanilang sariling bansa. Hindi na sila masasakop pa ng ibang bansa, ibabalik ang kanilang relasyon sa Diyos, at bibigyan sila ng Diyos ng isang Hari na kanilang pinili. Ang haring ito, sa ilang aspeto ay magiging gaya ni haring David noong una. Ang mga talatang ito ay tumutukoy walang iba kundi sa kanilang matagal ng hinihintay na Mesiyas, ang “Alipin ng Panginoon” (tingnan ang Isaias 42:1). Minsan tinutukoy ng mga Judio ang Mesiyas bilang si David dahil alam nila na ang Mesiyas ay manggagaling sa lahi ni David. Kadasalang tinutukoy si Jesus sa Bagong Tipan bilang “Anak ni David” (Mateo 15:22; Markos 10:47).
May iba pang mga dahilan maliban sa katotohanan na si Jesus ay ang Anak ni David dahil tinukoy din ang Mesiyas bilang si “David.” Sa Lumang Tipan, si haring David ay isang lalaking ayon sa puso ng Diyos (Gawa 13:22). Siya ay isang hindi inaasahang hari na pinili ng Diyos at sumasakanya ang Espiritu ng Diyos (1 Samuel 16:12–13). Si David ngayon ay ang tipo ni Cristo (ang isang tipo ay isang tao na sumasalamin sa isa pang tao). Ang isa pang halimbawa ng ganitong tipolohiya ay si Elias na ang ministeryo ay sumasalamin sa ministeryo ni Juan Bautista na anupa’t tinawag ni Malakias si Juan na si “Elias” (Malakias 4:5; Lukas 1:17; Markos 9:11–13).
Bubuhaying muli si David sa pasimula ng isanlibong taon maging ang lahat ng mga banal sa Lumang Tipan at isa si David na kasamang maghahari ni Jesus sa Kanyang Kaharian (Daniel 7:27). Gayunman, ang lahat na mga mananampalataya ang mamamahala sa mga bansa (Pahayag 2:26–27; 20:4) at hahatol sa sangkatauhan (1 Corinto 6:2). Tinawag ni apostol Pedro ang mga Kristiyano bilang “isang lahing pinili, mga maharlikang pari, isang bansang hinirang, bayang pag-aari ng Diyos” (1 Pedro 2:9). Sa Pahayag 3:21, binanggit ni Jesus ang tungkol sa isang mananampalatayang mananagumpay, “Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng karapatang umupo na katabi ko sa aking trono, tulad ko na nagtagumpay at nakaupo ngayon katabi ng aking Ama sa kanyang trono” (tingnan ang Efeso 2:6). May ilang ebidensya sa Bibliya gaya ng Talinghaga ng Sampung Talento (Lukas 19:11–27), na ang mga inidibidwal na mananampalataya ay bibigyan ng mas maliit o mas malaking awtoridad sa Kaharian ayon sa kung paano nila ginampanan ang mga responsibilidad na ibinigay sa kanila ng Diyos dito sa mundo sa panahong ito (Lukas 19:17).
Si Jesus ang Hari ng mga hari (Pahayag 19:16). Sa pantaong pananaw, si Jesus ay mula sa dinastiya ni David; pero sa kapangyarihan, kaluwalhatian, katuwiran, at sa iba pang kaparaanan, makatarungan Siyang matatawag na higit kay David. “Ibibigay sa kanya ang pamamahala” (Isaias 9:6). Ipinapakita ng Luma at Bagong Tipan na ang Hari sa hinaharap sa panahon ng Kahariang Milenyal at sa buong walang hanggan ay si Jesu Cristo at Siya lamang (Jeremias 23:5; Isaias 9:7; 33:22; Pahayag 17:14; 1 Timoteo 6:15).
English
Maghahari ba si David kasama ni Jesus sa Kahariang Milenyal?