Tanong
Ano ba ang Kahariang Milenyal, dapat bang unawain ito ng literal?
Sagot
Ang Kahariang Milenyal (Millenial Kingdom) ay ang pangalang ibinigay sa isanlibong (1,000) taon ng paghahari ni Hesu Kristo sa mundo. Ang ilan ay nagsasabing ang nais ipakahulugan ng isanlibong (1,000) taon ay hindi talaga literal na isanlibong (1,000) taon , sa halip ito'y isang makahulugang paglalarawan lamang ng isang "napakahabang yugto ng panahon." Dahil dito may mga tao na hindi umaasa na literal na maghahari si Hesu Kristo sa mundo. Gayon man, anim na beses na tinukoy sa Pahayag 20:2-7 ang paghahari ni Hesus sa loob ng isanlibong (1,000) taon . Kung ang nais ng Diyos na ipahiwatig ay "napakahabang yugto ng panahon," hindi na Niya kailangang banggitin pa ng ilang beses ang eksaktong haba ng panahon na isanlibong (1,000) taon.
Sinasabi sa atin ng Bibliya na sa muling pagbabalik ni Kristo sa mundo, iluluklok Niya ang Kanyang sarili bilang Hari ng Jerusalem at uupo Siya sa trono ni David (Lucas 1:32-33). Ang pangakong ito ng Diyos kay Haring david ay kailangang magkaroon ng literal na katuparan at ang pisikal na pagbabalik ni Kristo para itatag ang Kaharian ni David ang siyang katuparan ng pangako ng Diyos kay Haring David sapagkat si Hesus ay mula sa lahi ni David. Ang kasunduan ng DIyos kay Abraham ay ang pagbibigay sa Israel ng isang lupain kung saan maghahari ang isang pinuno at pagmumulan ng espiritwal na pagpapala (Genesis 12:1-3). Ang kasunduang Palestinian naman ay pangako ng pagsasauli ng lupain sa mga Palestino (Deuteronomio 30:1-10). Ang kasunduan naman ng Diyos kay David ay pangako ng kapatawaran para sa buong Israel kung kailan ang bansang Israel ay magiging pagpapala sa lahat ng mga bansa (Jeremias 31:31-34).
Sa muling pagparito ni Kristo, ang lahat ng mga kasunduang ito ay matutupad habang ang Israel ay iipuning muli mula sa ibang mga bansa (Mateo 24:31), magbabagong loob sila (Zacarias 12:10-14), at ibabalik muli sa lupain sa ilalim ng paghahari ng Tagapagligtas na si Hesu Kristo. Inilarawan sa Bibliya ang magiging kalagayan ng mundo sa panahon ng isanlibong (1,000) taon ng paghahari ni Kristo. Ang mundo sa panahong iyon ay perpekto sa pisikal at espiritwal na aspeto. Ito'y panahon ng kapayapaan (Mikas 4:2-4; Isaias 32:17-18); kaligayahan (Isaias 61:7, 10); kaginhawaan (Isaias 40:1-2); at kawalang kahirapan (Amos 9:13-15) o karamdaman (Joel 2:28-29). Sinasabi rin sa atin ng Bibliya na tanging ang mga mananampalataya lamang ang siyang makapapasok sa Kahariang Milenyal. Dahil dito, ito ay panahon ng ganap na kabanalan (Mateo 25:37; Awit 24:3-4); pagsunod sa Diyos (Jeremias 31:33); pagpapakabanal (Isaias 35:8); katotohanan (Isaias 65:16); at kapuspusan ng Banal na Espiritu (Joel 2:28-29). Si Kristo ay mamumuno bilang Hari (Isaias 9:3-7; 11:1-10), sa trono ni David (Jeremias 33:15, 17, 21; Amos 9:11). Mamumuno rin ang mga maharlika at mga gobernador (Isaias 32:1; Mateo 19:28). Ang Jerusalem ang siyang magiging sentro ng pamahalaan ng buong mundo (Zacarias 8:3).
Hindi sinasabi sa Pahayag 20:2-7 ang eksaktong panahon kung kailan magaganap ang Kahariang Milenyal. Gayunman, may hindi mabilang na pagtuturo sa literal na pamumuno ng Tagapagligtas sa mundo. Ang katuparan ng mga pangako ng Diyos ay nakasalalay sa isang darating na literal at pisikal na kaharian. Walang matibay na basehan upang balewalain ang literal na pagkaunawa sa kahariang Milenyal at ang pananatili nito sa loob ng isanlibong (1,000) taon.
English
Ano ba ang Kahariang Milenyal, dapat bang unawain ito ng literal?