Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kahihiyan at panghihinayang?
Sagot
Ang bawat isa sa atin ay nakakaranas ng kahihiyan at panghihinayang sa ilang antas dahil sa mga kasalanan na ating nagawa sa nakalipas. Maraming sinasabi ang Bibliya tungkol sa kahihiyan at panghihinayang, at napakaraming halimbawa ng mga tao sa Bibliya ang nakaranas ng mga negatibong damdaming ito.
Gaano kaya kalaking kahihiyan at panghihinayang ang naranasan nina Adan at Eba pagkatapos nilang magkasala? Sinayang nila ang perpektong sangnilikha na ginawa ng Diyos. Nasa isang perpektong mundo sina Adan at Eba, mayroon silang perpektong isip at perpektong katawan at may perpektong malapit na relasyon sa Diyos. Nang piliin nilang magkasala laban sa Diyos, ang lahat ng sangnilikha ng Diyos ay nakaranas ng kasalanan at napasailalim sa sumpa ng Diyos sa kasalanan, kabilang ang pagkakasakit, pagkabulok, kamatayan at walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos. Pagkatapos ng pagbagsak nina Adan at Eba sa kasalanan, ang bawat tao ay isinilang na may makasalanang kalikasan—ang natural na inklinasyon na magkasala. Salamat na ang Diyos ay makapangyarihan at mayroon Siyang plano noon pa man na tubusin ang mundo mula sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Jesu Cristo, at bigyan ang sangkatauhan ng pag-asa para sa kaligtasan at buhay na walang hanggan. Ngunit kailangang mabuhay sina Adan at Eba sa mundo sa sobrang panghihinayang dahil sa pagkawala ng kanilang kawalang malay at ng mga pagpapalang kaakibat nito. Alam natin na nahiya sila dahil sa kanilang kahubaran (Genesis 3:10). Buong buhay silang nabuhay sa panghihinayang — dahil pagkatapos ng lahat, naaalala nila ang paraiso.
Ang isa pang halimbawa ng kahihiyan at panghihinayang sa Bibliya ay ang naranasan ni Apostol Pedro. Inilarawan sa Juan 13:37–38 ang gabi bago ang pagkakanulo ni Judas kay Jesus. Pagkatapos ng hapunang pampaskuwa, sinabi ni Pedro kay Jesus na itataya niya ang kanyang buhay para sa kanyang Panginoon. Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya na sa gabing iyon, itatatwa Siya ni Pedro ng tatlong beses. Hindi naglaon ng gabing iyon, dahil sa takot na mamatay, itinanggi ni Pedro na kilala niya si Jesus (Juan 18:15–27; Mateo 26:31–35, 69–75). Pagkatapos ng pagtatatwa ni Pero kay Cristo, "lumabas siya at buong pait na nanangis" (Lukas 22:62). Hindi naglaon, nakabalik si Pedro at lumago sa kanyang pananampalataya at naging isa sa mga tagapagtatag ng unang iglesya. Tunay na pinalakas ni Pedro ang kanyang mga kapatid pagkatapos na siya ay mapatawad gaya ng inihula ni Jesus (Lukas 22:32). Habang maaaring nabuhay si Pedro sa sobrang kahihiyan at panghihinayang dahil sa kanyang pagtatatwa kay Jesus sa publiko, ang kanyang lumalim na pangunawa sa persona at gawain ni Jesus ang tumalo sa kanyang pakiramdam ng kabiguan. Naunawaan niya na siya ay napatawad na sa biyaya ng Diyos, at mabilis siyang nakabangon sa kanyang panghihinayang upang pakainin ang mga tupa ni Cristo (Juan 21:17).
Itinuturo sa atin ng Bibliya na kung ipapahayag natin ang ating mga kasalanan at sasampalataya sa paghahandog ni Cristo at sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli, tayo ay magiging mga anak ng Diyos (Juan 1:12). Nalilinis tayo mula sa lahat ng ating kasalanan (Colosas 1:15–22), at ang ating walang hanggang kaligtasan ay tiyak (Juan 10:27–30; Hebreo 7:24–25). Habang lumalago tayo sa espiritwal sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon sa Diyos sa panalangin at pagbabasa ng Kanyang Salita, mas iniibig natin ang Diyos at mas nagtitiwala tayo sa Kanya. Nagtitiwala tayo na "kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran, gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan" (Awit 103:12). Oo, nanghihinayang tayo dahil sa ating mga nakaraang pagkakamali, ngunit hindi iyon ang pinagtutunan natin ng pansin. Itinutuon natin ang ating paningin kay Jesus, ang pinagmulan at nagpapasakdal ng ating pananampalataya (Hebreo 12:2). Itinuro ni ito ni Pablo sa ganitong paraan: "Mga kapatid, hindi ko pa inaaring inabot: datapuwa't isang bagay ang ginagawa ko, na nililimot ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap," (Filipos 3:13–14). Ang kahihiyan at panghihinayang ay bahagi na ng ating nakaraan. Dapat na matuto tayong lumimot.
Ang Roma 8:1 ay napakagandang pangaliw sa sinumang mananampalataya na nakikibaka sa mga natitirang pakiramdam ng kahihiyan at panghihinayang: "Ngayon nga'y wala nang hatol na parusa sa mga nakipag-isa kay Cristo Jesus." Tayo ay mga makasalanan, ngunit tayo ay pinawalang sala na. mayroon tayong nakakahiyang nakaraan, ngunit mayroon tayong isang magandang hinaharap. Lumakad tayo noon sa kamangmangan at rebelyon, ngunit ngayon, lumalakad tayo sa isang panibagong buhay (Tito 3:3–7; Roma 6:4). Pinatawad na ng Diyos ang ating mga kasalanan na naging dahilan ng ating kahihiyan at panghihinayang. Maaari na tayong magpatuloy. "Namatay na akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At ang buhay ko ngayo'y sa pamamagitan na ng pananampalataya sa Anak ng Diyos na nagmahal sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin" (Galacia 2:20).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kahihiyan at panghihinayang?