Tanong
Ano ang kahulugan ng krus?
Sagot
Ang pangkaraniwang kahulugan ng krus ay kamatayan. Mula noong mga ikaanim hanggang ikaapat na siglo A.D., ang krus ay instrumento sa paglalapat ng parusang kamatayan sa isang kahindik-hindik at masakit na paraan. Sa pagpapako sa krus, itinatali o ipinapako sa isang krus na kahoy ang pinarurusahan at iniiwang nakabitin doon hanggang sa mamatay. Nagiging dahan-dahan at napakasakit ng pagdating ng kamatayan. Gayunman, dahilan sa kamatayan ng Panginoong Hesu Kristo sa krus, ang kahulugan ng krus ay ganap na nabago sa ating kasalukuyang ngayon.
Sa Kristiyanismo, sa krus nagtagpo ang landas ng pag-ibig at hustisya ng Diyos. Si Hesu Kristo ang kordero ng Diyos na nagaalis ng kasalanan ng sanlibutan (Juan 1:29). Ang pagtukoy kay Hesus bilang Kordero ng Diyos ay nagpapaalala sa pagtatatag sa Huling Hapunan ng mga Hudyo sa Exodo 12. Inutusan ng Diyos ang bawat pamilyang Israelita na pumatay ng korderong walang kapintasan at ipahid ang dugo nito sa mga hamba ng pinto ng kanilang mga bahay. Ang dugo ang magiging tanda para sa Anghel ng Kamatayan upang lampasan ang kanilang bahay at maligtas ang kanilang mga panganay sa tiyak na kamatayan. Nang lumapit si Hesus kay Juan Bautista upang magpabautismo, nakilala siya nito at ito’y sumigaw, “Narito ang kordero ng Diyos na nagaalis ng kasalanan ng sanlibutan!” (Juan 1:29). Sa ganitong paraan ipinakilala si Hesus na Siyang magiging handog para sa kasalanan ng tao ayon sa plano ng Diyos.
Maaaring may magtanong kung bakit kinakailangang mamatay si Hesus. Ito ang pangunahing mensahe ng Bibliya – ang kuwento ng katubusan. Nilalang ng Diyos ang langit at lupa at nilikha sina Adan at Eba ayon sa Kanyang wangis at inilagay sila sa hardin ng Eden upang maging Kanyang tagapangalaga sa mundo. Gayunman, dahil sa pagtukso ni Satanas (sa pamamagitan ng ahas), bumagsak ang tao sa pagkakasala. Gayundin, ipinasa nila ang sumpa ng Diyos sa kasalanan sa kanilang mga anak at inapo kaya’t ang lahat ay nagmana ng kanilang kasalanan. Ipinadala ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak sa mundo upang magkatawang tao at maging Tagapagligtas ng Kanyang bayan. Isinilang Siya ng isang birhen, lalang ng Espiritu Santo. Hindi si Hesus nagmana ng makasalanang kalikasan na mayroon ang lahat ng tao. Bilang walang kasalanang Anak ng Diyos, maaari Siyang maghandog ng perpektong hain na hinihingi ng Diyos. Hinihingi ng katarungan ng Diyos ang hustisya at parusa sa kasalanan; at ang Kanyang pag-ibig ang nagudyok sa Kanya upang ipadala ang Kanyang bugtong na Anak para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
Dahil sa paghahandog ng dugo ni Hesus doon sa Krus, ang mga maglalagak ng pagtitiwala sa Kanya lamang para sa kanilang kaligtasan ay ginagarantiyahan ng Diyos ng pagkakaroon ng buhay na walang hanggan (Juan 3:16). Gayunman, tinatawag ni Hesus ang Kanyang mga tagasunod na pasanin ang kanilang krus at sumunod sa Kanya (Mateo 16:24). Ang konseptong ito ng “pagpapasan ng krus” ang nawala na halos ang kahulugan sa panahong ito. Karaniwang ginagamit natin ang konseptong ito upang ilarawan ang isang hindi magandang karanasan (halimbawa: “ang aking mahirap na karanasan noong aking kabataan ang krus na dapat kong pasanin”). Gayunman, dapat nating tandaan na tinatawag ni Hesus ang Kanyang mga alagad sa isang radikal na pagtanggi sa sariling kasiyahan alang-alang sa pagsunod sa Kanyang kalooban. Iisa lamang ang kahulugan ng krus para sa mga mananampalataya noong unang siglo – kamatayan. “Sapagka't ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpong niyaon” (Mateo 16:25). Binigyang diin sa aklat ng Galacia ang temang ito ng pagkamatay sa sarili at pagbangon sa bagong buhay sa pamamagitan ni Kristo: “Ako'y napako sa krus na kasama ni Cristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya, ang pananampalataya na ito'y sa Anak ng Dios, na sa akin ay umibig, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa akin” (Galacia 2:20).
Maraming lugar ngayon sa mundo kung saan pinaguusig ang mga Kristiyano, hanggang sa punto na sila ay pinapatay alang-alang sa kanilang pananampalataya. Alam nila kung paano nila pasanin ang kanilang krus at sumunod kay Hesus sa tunay na kahulugan nito. Para sa mga hindi pinaguusig sa ganitong kaparaanan, pareho pa rin ang kahulugan at ito ay ang manatiling tapat kay Kristo hanggang kamatayan. Kahit na hindi tayo literal na namamatay para sa Kanya, dapat na handa pa rin tayong mamatay dahil sa ating pag-ibig sa Kanya na nagligtas sa atin sa poot ng Diyos at nagbigay ng Kanyang sariling buhay upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa kalangitan.
English
Ano ang kahulugan ng krus?