settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kahulugan ng Kulto?

Sagot


Kung naririnig natin ang salitang “kulto,” lagi nating naiisip ang pagsamba kay Satanas, paghahandog ng mga hayop o pakikibahagi sa isang makademonyo, kakatwa at paganong ritwal. Ngunit sa katotohanan, ang karamihan ng mga kulto ay mas mukhang inosente. Ang tamang kahulugan ng kulto ay “isang grupo ng relihiyon na hindi tinatanggap ang isa o higit pang mga pangunahing katuruan ng Bibliya.” Sa isang simpleng terminolohiya, ang isang kulto ay nagtuturo ng isa o ilang katuruan na nagpapanatili sa tao sa kapahamakan. Kakaiba sa ibang grupong panrelihiyon, ang kulto ay nag-aangkin na bahagi sila ng isang relihiyon ngunit itinatanggi ang mga mahalagang katotohanan ng relihiyong iyon kung saan sila nakikibahagi. Ang kulto sa Kristiyanismo ay isang grupo sa loob ng Kristiyanismo na hindi tinatanggap ang isa o higit pa sa mga pangunahing katotohanan ng Kristiyanismo, habang ipinalalagay ng mga lider at miembro ng mga grupong ito ang kanilang sarili na sila ay Kristiyano.

Ang dalawang pangunahing katuruan ng mga kulto ay ang katuruan na si Kristo ay hindi Diyos at ang kaligtasan ay hindi sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. Ang bunga ng pagtanggi sa pagka-Diyos ni Kristo ay ang kawalang kasapatan ng Kanyang kamatayan upang mabayaran ang kasalanan. Ang pagtanggi naman sa kaligtasan sa pamamagitan lamang ng pananampalataya ay magbubunga ng pagsisikap upang iligtas ang sarili sa pamamagitan ng mabubuting gawa na mariing tinututulan ng Bibliya. Ang dalawa sa pinaka-kilalang kulto ay ang Saksi ni Jehovah at ang Mormonismo.

Ang dalawang grupong ito ay parehong tinatanggihan ang pagka Diyos ni Kristo at ang kaligtasan sa pamamagitan lamang ng biyaya ng Diyos. Pinaniniwalaan ng mga Saksi ni Jehovah at ng mga Mormon ang maraming mga katuruan na sinasang-ayunan ng Bibliya ngunit tinatanggihan nila ang pagka Diyos ni Kristo at ipinangangaral na ang tao ay maliligtas sa pamamagitan ng mabubuting gawa. Maraming mga miyembro ng Saksi ni Jehovah, Mormons at iba pang mga kulto ang “mababait na tao” na buong tapat na naniniwala na ang kanilang pinaniniwalaan ay totoo. Bilang mga mananampalataya, ang ating pag asa at panalangin ay marami nawang kasapi ng mga kulto ang makita ang mga kasinungalingan ng kanilang relihiyon at masilayan ang katotohanan ng kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa ating Panginoong Hesu Kristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kahulugan ng Kulto?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries