settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kahulugan ng 666?

Sagot


Sa pagtatapos ng Pahayag 13 kung saan tinalakay ang tungkol sa Halimaw (ang Antikristo), at ang kanyang bulaang propeta, ating mababasa, “Kailangan dito ang karunungan: maaaring malaman ng sinumang matalino ang kahulugan ng bilang ng Halimaw, sapagkat ito'y bilang ng isang tao. Ang bilang ay anim na raan at animnapu't anim (666)” (talata 18). Kahit papaano, ang numerong 666 ay isang palatandaan sa pagkakakilanlan sa Halimaw. Binabanggit din sa Pahayag 13 ang “tatak ng Halimaw” (talata 16–17), ang popular na ideya na laging iniuugnay sa 666; gayunman, lumalabas na ang tatak ng Halimaw at ang 666 ay dalawang magkaibang bagay. Ang tatak ng Halimaw ay isang bagay na kailangang tanggapin ng mga tao upang makabili at makapagbenta. Ang numerong 666 ay laging iniuugnay sa Halimaw/Antikristo bilang “kanyang” numero. Siyempre, ang kanyang numero ay laging bahagi ng kanyang marka, ngunit hindi ibinibigay sa Bibliya ang tiyak na kaugnayan sa pagitan ng dalawa.

Ang kahulugan ng 666 ay isang misteryo at tila intensyon ni Apostol Juan, na sumulat sa ilalim ng inspirasyon ng Banal na Espiritu, na manatili itong isang lihim. Kung kukuwentahin ang numero, sinabi ni Juan na kailangan ang “karunungan.” May ilan na gamit ang gematria (ang paglalagay ng katapat na salita sa bawat numero ng isang pangalan o salita at pagkatapos ay pagsasamahin ang mga numero upang malaman ang kabuuang bilang) ay kinilala ang Antikristo bilang iba’t ibang tao sa kasaysayan ng mundo. Ang ilan sa popular na tao na pinaghinalaang 666 ay sina “Caesar Nero,” “Ronald Wilson Reagan,” “Mikhail Gorbachev,” at ilang papa sa kasaysayan ng Romano Katoliko. Ang haba ng kuwentada ng ilan upang makuha ang pangalan ng tao para lumabas ang numerong 666 ay kahanga-hanga. Ngunit sa katotohanan, ang kahit anong pangalan ay maaaring magresulta sa 666 kung intensyonal na gagamitin ang mga pormula sa Matematika.

Ang kapansin-pansin, sa ilang sinaunang manuskritong Griyego ng aklat ng Pahayag, ang numerong ibinigay ay 616 sa halip na 666. Malakas na pinapaboran ng mga ebidensya sa manuskrito ang numerong 666, ngunit ang kahaliling pagbasa na 616 ay dapat ding isaalang-alang bago natin kuwentahin ang katumbas na pangalan ng 666 gamit ang ating calculator.

Ang numerong 666 ay tila nagpapakilala sa Halimaw, ngunit hindi tiyak kung ano ang kaugnayan ng numerong 666 sa Halimaw at hindi ito ang pangunahing pinupunto ng Pahayag 13:18. Laging ginagamit ng Bibliya ang numerong 7 upang tukuyin ang Diyos at ang kanyang pagiging ganap. Ang numerong 6 naman ay sinasabing numero para sa tao, na nilikha sa ikaanim na araw at laging “kapos” sa pamantayan ng Diyos. Laging sinisikap ng Halimaw/Antikristo na maging kagaya ng Diyos. Aangkinin niya mismo na siya ang Diyos. Ngunit gaya ng numerong 6 na kapos sa numerong 7, gayon din naman, ang Halimaw/Antikristo sa kanyang Trinidad ng anim ay tiyak na mabibigo sa kanyang pagtatangka na talunin ang Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kahulugan ng 666?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries