Tanong
Ano ang kahulugan ng mga numero sa Bibliya?
Sagot
May mga taong nagtatangkang ipaliwanag ang kahulugan ng mga numero sa Bibliya. Ang tawag dito ay “Biblical numerology.” Ang dalawa sa pinaka-karaniwang numero na laging binabanggit sa Bibliya ay ang numerong pito (7) at apatnapu (40). Ang numerong pito (7) ay nangangahulugan ng pagiging kumpleto at perpekto (Genesis 7:2-4; Pahayag 1:20). Ito ay kalimitang tinatawag na “numero ng Diyos” dahil Siya lamang ang nagiisang kumpleto at perpekto (Pahayag 4:5; 5:1, 5-6). Ang numerong tatlo (3) ay ipinagpapalagay din na numero ng pagiging kumpleto ng Diyos: Ang Trinidad ay kinabibilangan ng Ama, Anak at ng Banal na Espiritu.
Ang numerong apatnapu (40) ay laging ipinagpapalagay na numero ng “pagsubok.” Halimbawa, naglagalag ang mga Israelita sa ilang sa loob ng apatnapung taon (Deuteronomio 8:2-5); Si Moises naman ay nanatili sa bundok ng Sinai sa loob ng apatnapung araw; Binabalaan ni Jonas ang mga taga Niniveh tungkol sa paghuhukom ng Diyos sa loob ng apatnapung araw (Jonas 3:4); Tinukso si Hesus ng diyablo sa ilang sa loob ng apatnapung araw (Mateo 4:2); apatnapung araw ang pagitan ng pagkabuhay na mag-uli at pag-akyat sa langit ni Hesus (Gawa 1:3). Ang isa pang numero na laging inuulit sa Bibliya ay ang numerong apat (4) na numero ng paglikha: hilaga, timog, silangan at kanluran. Ang numerong anim (6) ay ipinagpapalagay na numero ng tao: nilikha ang tao sa ikaanim na araw at nagtatrabaho ang tao sa loob ng anim na araw. Ang isa pang halimbawa ng paggamit ng numero sa Bibliya upang maglarawan ng isang bagay ay nasa Pahayag kabanata 13, kung saan ang numerong 666 ay sinasabing numero ng anti-kristo.
Kung totoo o hindi na ang mga numero sa Bibliya ay may kahalagahan sa atin ngayon ay pinagtatalunan pa rin ngayon. Totoong ginagamit ang mga numero sa Bibliya upang magturo ng mga espiritwal na katotohanan. Gayunman, maraming tao ang masyadong nagpapahalaga sa mga kahulugan ng numero sa Bibliya at nagsisikap na hanapin ang mga espesyal na kahulugan sa likod ng mga numero sa Bibliya. Kadalasan, ang mga numero sa Bibliya ay simpleng mga numero lamang. Hindi tayo inuutusan ng Diyos na maghanap ng sekretong kahulugan, nakatagong mensahe o mga tanda sa likod ng mga numero sa Bibliya. Sapat na ang simpleng katotohanan na ipinahayag sa Kasulatan upang katagpuin ang ating mga pangangailangan at “ihanda tayo sa lahat ng mabubuting gawain” (2 Timoteo 3:16-17).
English
Ano ang kahulugan ng mga numero sa Bibliya?