Tanong
Ano ang pagpapaging banal? Ano ang kahulugan ng pagpapaging banal sa mga Kristiyano?
Sagot
Maraming sinasabi si Hesus tungkol sa pagpapaging banal sa Juan 17. Sa talatang 16, sinabi Niya, "Hindi sila taga sanlibutan, na gaya ko naman na hindi taga sanlibutan," at pagkatapos ng talatang ito ay ang Kanyang kahilingan sa Ama: "Pakabanalin Mo sila sa katotohanan: ang salita Mo'y katotohanan." Ang pagpapaging banal ay isang kalagayan ng pagiging bukod para sa Diyos; ang lahat ng mananampalataya ay pumasok sa kalagayang ito ng sila'y isilang na muli at ampunin ng Diyos: "Datapuwa't sa Kaniya, kayo'y nangasa kay Kristo Hesus, na sa atin ay ginawang karunungang mula sa Diyos, at katuwiran at kabanalan at katubusan" (1 Corinto 1:30). Ito ang minsan - magpakailanmang pagkahiwalay mula sa kasalanan para sa Diyos. Ito ay isang napakahalagang bahagi ng ating kaligtasan, ang katibayan ng ating relasyon kay Kristo (Hebreo 10:10).
Ang pagpapaging banal ay tumutukoy din sa praktikal na karanasan ng paghiwalay sa kasalanan para sa Diyos, na resulta ng pagiging masunurin sa Salita ng Diyos sa buhay ng isang tao at kailangang laging naising maisapamuhay sa tuwina ng mga mananampalataya (1 Pedro 1:15; Hebreo 12:14). Gaya ng ipinanalangin ng Panginoon sa Juan 17, ang pagpapaging banal ay ang pagbubukod sa mga mananampalataya para sa isang layunin kung bakit sila isinugo sa mundo: "Kung paanong Ako'y Iyong isinugo sa sanglibutan, sila'y gayon ding sinusugo ko sa sanglibutan. At dahil sa kanila pinabanal Ko ang Aking sarili, upang sila naman ay mangagpakabanal sa katotohanan" (talata 18, 19). Ang pagbukod Niya sa Kanyang sarili ay ang basehan at kundisyon kung bakit Niya tayo ibinukod din naman upang ganapin ang layunin ng Diyos para sa atin at siya rin namang dahilan ng pagkasugo Niya sa atin sa sanlibutan (Juan 10:36). Ang Kanyang kabanalan ating huwaran sa ating pagpapabanal. Ang pagsusugo at pagpapaging banal ay hindi mapaghihiwalay. Sa aspetong ito, ang mananampalataya ay tinatawag na mga banal, o hagioi, sa salitang Griyego: "mga ginawang banal." Kung noon ang kalagayan ng mga mananampalataya bago sila tawagin ay hiwalay sa Diyos para sa sanlibutan, ngayon ang kanilang kalagayan ay dapat na magpatotoo sa kanilang katayuan sa harapan ng Diyos na mga hiwalay na sa sanlibutan at ibinukod para sa Diyos.
Mayroon pang ibang gamit ang salitang "pagpapaging banal" sa Kasulatan. Idinalangin ni Pablo sa 1 Tesalonica 5:23, "At pakabanalin kayong lubos ng Diyos din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagparito ng ating Panginoong Hesu Kristo." Isinulat din ni Pablo sa Colosas ang tungkol sa "pag-asa na natataan para sa inyo sa langit, na nang una ay inyong narinig sa salita ng katotohanan ng evangelio" (Colosas 1:5). Pakatapos ay binanggit niya si Kristo na Siyang "pag-asa natin sa kaluwalhatian" (Colosas 1:27) Sinabi rin ni Pablo, "Pagka si Kristo na ating buhay ay mahayag, ay mahahayag nga rin kayo na kasama Niya sa kaluwalhatian" (Colosas 3:4). Ang maluwalhating kalagayang ito ang ating magiging huling pagkahiwalay ng mananampalataya mula sa kasalanan, ang kumpletong kabanalan sa lahat ng aspeto ng ating pagkatao. "Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Diyos, at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman nain, na kung Siyay mahayag, tayo'y magiging katulad Niya: sapagkat Siya'y ating makikitang gaya ng Kaniyang sarili" (1 Juan 3:2).
Sa pagbubuod, ang pagpapaging banal ay kasingkahulugan ng kabanalan, ang salitang Griyego na nanangahulugan na "paghiwalay," una ay ang "posisyonal na kabanalan" o minsan magpakailanmang pagkahiwalay sa sanglibutan para kay Kristo noong tayo ay Kanyang tawagin sa kaligtasan; Ikalawa, ang praktikal na pagpapatuloy sa kabanalan habang namumuhay tayo sa mundo bilang mga mananampalataya na naghihintay sa pagdating ng ating Tagapagligtas na si Hesu Kristo at ikatlo, ang walang hanggang pagkahiwalay sa kasalanan at pagkakaroon ng kumpletong kabanalan doon sa kalangitan.
English
Ano ang pagpapaging banal? Ano ang kahulugan ng pagpapaging banal sa mga Kristiyano?