Tanong
Ano ang kahulugan ng pangalan ni Jesus? Ano ang ibig sabihin ng pangalang Jesus?
Sagot
Kung may isang pangalan na punong-puno ng kahalagahan, iyon ay ang pangalan ni Jesus. Sinasabi ng Kasulatan na binigyan si Jesus ng "pangalang higit sa lahat ng pangalan. Sa gayon, sa pangalan ni Jesus ay luluhod at magpupuri ang lahat ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa" (Filipos 2:9–10). Bakit napaka-makapangyarihan ng pangalan ng Panginoon? Ano ang ibig sabihin ng pangalan ni Jesus?
Ang pangalang Jesus, na ibinalita ni Jose kay Maria sa pamamagitan ng mga anghel (Mateo 1:21; Lukas 1:31), ay nangangahulugang "Si Yahweh ay nagliligtas" o "Si Yahweh ang kaligtasan." Isinalin mula sa Hebreo at Aramaiko, ang pangalan na Jesus ay nagging Yeshua. Ang salita ay kumbinasyon ng Ya, isang daglat para sa Yahweh, ang pangalan ng Diyos ng Israel (Exodo 3:14); at ng pandiwang yasha, na ang ibig sabihin ay "pagliligtas," "pagpapalaya," o "iligtas."
Ang baybay sa Ingles ng salitang Hebreo na Yeshua ay Joshua. Ngunit ng isalin mula sa salitang Hebreo patungo sa Griegong koine, ang orihinal na salin ng Bagong Tipan, ang pangalang Yeshua ay naging Iesous. Sa Ingles ang Iesous ay naging Jesus. Kaya ang Yeshua at ang salin sa Ingles nito na Joshua at Jesus ay nangangahulugang "Si Yahweh ay nagliligtas" o "Si Yahweh ang kaligtasan."
Ang pangalang Jesus ay popular sa Judea noong unang siglo. Dahil dito, laging tinatawag ang ating Panginoon na "Jesus na taga-Nazareth" para mabukod siya sa ibang Jesus din ang pangalan at malaman ng tao na Siya ang Jesus na taga Nazareth Galilea (Mateo 21:11, Markos 1:24, Lukas 18:37, Juan 1:45, Juan 19:19, Gawa 2:22). Sa kabila ng pagiging pangkaraniwan ng pangalang ito, ang pangalang Jesus ay napakahalaga. Isinugo ng Diyos si Jesus para sa isang partikular na layunin, at ang Kanyang personal na pangalan at nagtataglay ng misyong ito. Gaya ni Yeshua/Josue sa Lumang Tipan na nanguna sa bayan ng Diyos sa tagumpay laban sa mga Cananeo. Ang Yeshua/Jesus naman sa Bagong Tipan ang nanguna sa Kanyang bayan sa tagumpay laban sa kasalanan at sa kanilang espiritwal na kaaway.
Sinasabi sa Galatia 4:4–5, "Ngunit nang sumapit ang tamang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak na isinilang ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo'y maituturing na mga anak ng Diyos." Isinugo ng Diyos si Jesus para iligtas tayo (Juan 3:17). Ang kahulugan ng pangalan ni Jesus na—"Si Yahweh ay nagliligtas"— ay nagpapahayag ng Kanyang misyon (na magligtas at magpalaya) at sa Kanyang pagkakakilanlan bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Gayundin naman, binibigyang diin ng pagiging pangkaraniwan ng pangalan ni Jesus ang Kanyang pagkatao at kapakumbabaan. Hinubad ng Anak ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian upang maging isang taong mapagpakumbaba (Filipos 2:6–8).
Ang pangalan ni Jesus ay mahalaga dahil sa kahulugan nito at dahil sa sinisimbolo nito. May awtoridad at kapangyarihan si Jesu Cristo at ang pangalan na ibinigay sa Kanya. Higit sa ibang mga pangalan, iniuugnay ang pangalan ni Jesus sa Kanyang natatanging karakter, katangian, at gawain gaya ng ating makikita sa mga sumusunod na Biblikal na katotohanan:
Sa pangalan lamang ni Jesus may kaligtasan: "Si Jesus ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo na naging batong panulukan.'" "Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa buong daigdig na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas" (Gawa 4:11–12; tingnan din ang Juan 14:6; 20:31; Gawa 2:21; Joel 2:32; 1 Corinto 6:11; 1 Juan 2:12).
Tinatanggap ang kapatawaran mula sa mga kasalanan sa pamamagitan ng pangalan ni Jesus: "Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na ang bawat sumampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan" (Gawa 10:43; see also Gawa 22:16).
Ang mga mananampalataya ay binabawtismuhan sa pangalan ni Jesus: "Sumagot si Pedro, "Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo" (Gawa 2:38; tingnan din ang Mateo 28:19; Gawa 8:12, 15–16; 10:48; 19:5).
Ang mga pagpapagaling at mga himala ay ginawa sa pangalan ni Jesus: "Ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa kanyang pangalan. Ang pananalig kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong nakikita" (Gawa 3:16; tingnan din ang mga talatang 6–8 at Gawa 4:30).
Itinuturo ni Jesus na manalangin sa Kanyang pangalan; na ang ibig sabihin ay manalangin sa Kanyang awtoridad at ito ang Kanyang pangako: "At anumang hilingin ninyo sa pangalan ko ay gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Kung hihiling kayo ng anuman sa pangalan ko, ito ay aking gagawin" (Juan 14:13–14; tingnan din ang Juan 15:16; 16:23–24).
Sa lahat ng paraan, namuhay si Jesus ayon sa Kanyang pangalan. Ipinapaalala sa atin ng pangalang Jesus ang kapangyarihan, presensya at layunin ng nabuhay na mag-uling Cristo. Tinitiyak nito sa atin ang mabiyayang layunin ng Diyos na iligtas tayo. Dinala ng Panginoong Jesu Cristo ang Diyos sa sangkatauhan at dinadala Niya ang mga tao sa Diyos sa pamamagitan ng 'pagbili sa ating kaligtasan.' Sa Bibliya, sa tuwing nagsasalita o kumikilos ang mga tao sa pangalan ni Jesus, ginagawa nila iyon bilang Kanyang mga kinatawan na taglay ang Kanyang awtoridad. Ang mismong buhay ng mga mananampalataya ay dapat ipamuhay sa pangalan ng Panginoong Jesus (Colosas 3:17) at sa pamamagitan nito ay maluluwalhati ang Diyos: "Sa gayon, mapaparangalan ninyo ang pangalan ng ating Panginoong Jesus, at kayo naman ay pararangalan din niya, ayon sa kagandahang-loob ng Diyos at ng ating Panginoong Jesu-Cristo" (2 Tesalonica 1:12).
English
Ano ang kahulugan ng pangalan ni Jesus? Ano ang ibig sabihin ng pangalang Jesus?