settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kahulugan ng salitang Hebreong “ruach"?

Sagot


Ang kahulugan ng salitang Hebreong “ruach” ay “hangin,” “hininga,” o “espiritu.” Ang katumbas sa salitang Griego ay pneuma. Ang parehong salita rin ang karaniwang ginagamit sa mga talata na tumutukoy sa Banal na Espiritu. Ang unang paggamit ng salitang ito sa Bibliya ay makikita sa ikalawang talata (Genesis 1:2). Sa Genesis 6:17 isinalin ang “ruach” sa “hininga ng buhay.” Ginagamit naman ang “ruach” sa Genesis 8:1 upang ilarawan ang “hangin” na ipinadala ng Diyos upang humupa ang tubig baha. Sa kabuuan, ang salitang “ruach” ay matatagpuan ng halos 400 beses sa Lumang Tipan.

Kadalasan, kapag binabanggit sa Lumang Tipan ang salitang “Espiritu ng Panginoon” o “Espiritu ng Diyos,” ang salita para sa “Espiritu” ay “Ruach.” Ang paggamit sa salitang “ruach” bilang “espiritu” na walang kaugnayan sa Diyos ay kadalasang tumutukoy naman sa espiritu ng tao. Maaaring nangangahulugan din itong aktwal na espiritu ng tao, ang “imateryal” na bahagi na siyang kaluluwa, o kalagayan ng pagiisip, estadong emosyonal, o pangkalahatang disposisyon. Ang Ruach bilang “hininga” o “hangin” ay maaaring pagtukoy sa literal na hininga o hangin, at maaari din itong pigura ng pananalita gaya ng “idiom” na ang ibig sabihin ay “hininga lamang.”

Ang Espiritu ng Diyos ang bukal ng buhay. Ang Espiritu ng Diyos ang nag-iisang nagbibigay buhay sa buong sangnilikha. Masasabi nating ang Espiritu ng Diyos ang siyang lumikha sa bawat ibang espiritung umiiral (na hindi Diyos). Utang ng lahat ng nilikhang nabubuhay ang hininga ng buhay sa Manlilikhang Espiritu ng Diyos. Ipinahayag ni Moises ang katotohanang ito ng kanyang sabihin: “Ang Diyos . . . ang nagbibigay ng hininga [ruach] sa lahat ng bagay na may buhay (Bilang 27:16). Nauunawaan din ito ni Job ng kanyang sabihin: “Sapagkat ang aking buhay ay buo para sa akin, at ang Espiritu ng Diyos ay nasa mga butas ng aking ilong” (Job 27:3). Kalaunan, sinabi ni Elihu kay Job, “Nilalang ako ng Espiritu ng Diyos, at ang hingang Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa akin ng buhay” (Job 33:4).

Ginamit ng Diyos ang pariralang Ruach Yahweh sa Kanyang pangako na ang Mesiyas ay bibigyan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu: “At ang Espiritu ng Panginoon ay sasa kaniya, ang diwa ng karunungan at ang kaunawaan, ang diwa ng payo at ng katibayan, ang diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon” (Isaias 11:2; tingnan din ang Isaias 42:1). Ang propesiyang ito ay naganap kay Jesus; sa Kanyang bawtismo sa ilog Jordan, nakita ni Juan “. . . ang Espiritu ng Dios na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kaniya” (Mateo 3:16).



English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kahulugan ng salitang Hebreong “ruach"?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries