settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin si Hesus ay kaibigan ng mga makasalanan?

Sagot


Ang katotohanan na kaibigan ng mga makasalanan si Hesus ay nangangahulugan na atin Siyang kaibigan at hihintay Niya tayo na kilalanin ang Kanyang presensya at may pribilehiyo tayo na lumapit sa Kanya sa lahat ng oras.

Napakahirap na ipaliwanag ang pag-ibig sa atin ng Diyos. Kung ating isasaalang-alang ang pagkakatawang tao ni Hesus - si Hesus na iniwan ang langit upang ipanganak bilang isang walang kalaban- labang sanggol upang lumaki at maranasang mabuhay na kasama ng tao - unti-unti nating nasusulyapan ang lalim ng ganitong klaseng pag-ibig. Kung idadagdag pa natin ang kanyang pagaalay ng buhay sa pamamagitan ng kamatayan sa krus, tunay na ito'y kamangha-mangha.

Upang maging “kaibigan ng mga makasalanan” namuhay si Hesus sa mundo ng mga makasalanan. “Sapagka't ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Diyosb(Roma 3:23) Sa kabila ng ating pagiging makasalanan, hinangad ni Hesus na makipagrelasyon sa atin.

Ang salitang “kaibigan ng mga makasalanan” ay nakuha sa mga magkakatulad na talata ng Ebanghelyo. Makikita ito sa Lukas 7:31-34 at Mateo 11: 16-19 “Sa ano ko itutulad ang mga tao ng lahing ito, at ano ang kanilang katulad? Tulad sila sa mga batang nangakaupo sa pamilihan, at nagsisigawan sa isa't isa; na sinasabi, Tinutugtugan namin kayo ng plauta, at hindi kayo nagsisayaw; nanambitan kami at hindi kayo nagsitangis.Sapagka't naparito si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak at inyong sinasabi, Siya'y may isang demonio. Naparito ang Anak ng tao na kumakain at umiinom; at inyong sinasabi, Narito ang isang matakaw na tao, at isang magiinum ng alak, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!”

Sa talatang ito ipinapakita ang antas ng espiritwalidad ng mga taong ang tingin sa kanilang mga sarili ay “matuwid” at “napaka-espiritwal.” Ang kanilang katayuan ay nakabase sa pagsunod sa mga ritwal, batas at panlabas na anyo lamang sa halip na pangunawa at pakikipagrelasyon sa Diyos. Tinawag si Hesus ng mga pumupuna sa Kanya na “kaibigan ng mga makasalanan” dahil sa pagbibigay niya ng oras sa mga taong nilalayuan at itinatakwil ng lipunan.

Ang kuwento ng nawawalang tupa ay nagpapakita ng kahalagahan ng mga mahihina at nawawala. Sila na mga umalis sa lugar na malayo sa kapahamakan. Para Panginoon, napaka halaga ng mga nawawala at hahanapin Niya sila hanggang sa sila’y matagpuan at maibalik sa kaligtasan (Lukas 15:1-4)

Nilinaw ni Hesus na naparito Siya sa lupa upang hanapin at iligtas ang nawawala (Lukas 19:10). Handa Siyang makisama sa mga taong hindi umabot sa pamantayan ng “matutuwid na Fariseo” ngunit bukas sa pakikinig sa Kanyang mga katuruan.

Ayon sa Mateo 9:10-13, kinutya si Hesus ng mga Fariseo dahil sa kanyang mga kasama. Sinagot sila ni Hesus (talata 13) at sinabing “Hindi ako naparito upang tumawag ng matuwid kundi ng mga makasalanan.”

Sa Lukas 4:18, inulit ni Hesus ang nakasulat sa Isaias 61:1-2, “Ang espiritu ng Panginoong Diyos ay sumasa akin sapagkat pinahiran ako ng Panginoon upang ipangaral ang mabuting balita sa mga maamo; kanyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso upang magtanyag ng kalayaan sa mga bihag at magbukas ng bilangguan sa mga nangabibilanggo. Upang magtanyag ng kalugod-lugod na taon ng Panginoon, at ng kaarawan ng paghihiganti ng ating Diyos upang aliwin yaong lahat ng nagsisitangis.” Para maibahagi ang mabuting balita sa mga mahihirap, mga bihag, mga bulag at mga inaapi, kinakailangang muna nilang makilala si Hesus.

Hindi nakisama si Hesus sa gawain ng mga makasalanan at hindi rin niya binabalewala ang kasalanan. Bilang “kaibigan ng mga makasalanan,” ipinakita ni Hesus na ang kabutihan ng Diyos ang siyang umaakay sa tao sa pagsisisi (Roma 2:4). Namuhay si Hesus ng perpekto at walang pagkakasala at may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan” (Lukas 5:24). Dahil dito, tayo ay nabigyan ng pagkakataon na maranasan ang pagbabago ng puso at buhay.

Si Hesus na ating kaibigan ay nakisama sa mga makasalanan hindi upang gawin ang kanilang masasamang gawa kundi upang maibahagi sa kanila ang Mabuting Balita upang kanilang makamtan ang kapatawaran. Maraming makasalanan ang nabago sa pamamagitan ng kaniyang mga salitang nagbibigay buhay, unang halimbawa na dito ay si Zaqueo.

Hangarin ng mga kaaway ni Hesus ang insultuhin Siya ng tawagan nila siyang “kaibigan ng mga makasalanan.” Sa kanyang kaluwalhatian at para sa ating walang hanggang kagalingan, tiniis ni Hesus ang ganitong klase ng pangiinsulto at naging ating “kaibigan na higit pa sa isang kapatid” (Kawikaan 18:24).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin si Hesus ay kaibigan ng mga makasalanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries