Tanong
Kailan nilikha ng Diyos ang mga anghel?
Sagot
Ang pagtatangka na alamin kung kailan nilikha ng Diyos ang mga anghel ay hindi madali dahil ang anumang bagay na ginawa ng Diyos “bago itatag ang sanlibutan” ay mga pangyayari na labas mismo sa panahon. Ang panahon at espasyo ay mga katangian ng mga nilikha, hindi ng Diyos. Hindi nalilimitahan ang Diyos ng oras, o araw, at ang isanlibong taon sa tao ay tulad lamang ng isang araw para sa Kanya (1 Pedro 3:8).
Ang alam natin ay nilikha ng Diyos ang mga anghel bago Niya nilikha ang pisikal na kalawakan. Inilarawan sa aklat ni Job ang mga anghel na sumasamba sa Diyos habang nililikha Niya ang mundo: “Nasaan ka nang likhain ko ang mundo? Kung talagang may alam ka, lahat ay sabihin mo. Sino ang nagpasya tungkol sa lawak nito? Sino ang sumukat, alam mo ba ito? Sino ang may hawak ng mga haligi ng mundo? Sino ang naglagay ng mga panulukang-bato? Noong umagang iyon, ang mga bitui'y nag-awitan, at mga nilalang sa langit, sa tuwa'y nagsigawan” (Job 38:4-7).
Kung ikukunsidera natin ang gawain ng mga anghel, maipagpapalagay na nilikha sila ng Diyos bago Niya likhain ang tao dahil ang isa sa kanilang mga gawain ay maglingkod sa Diyos at sila ang mga “isinusugo upang tumulong sa mga magkakamit ng kaligtasan” (Hebreo 1:14). Alam din natin na naroroon na sila bago likhain ang hardin ng Eden, dahil si Satanas, na dating si Anghel Lucifer, ay naroon na rin sa hardin ng Eden bago siya bumagsak sa kasalanan. Gayunman, dahil ang isa pang gawain ng mga anghel ay ang magpuri sa Diyos sa paligid ng Kanyang trono (Pahayag 5:11-14), maaaring nilikha na sila milyun-milyong taon – kung isasaalang-alang ang panahon – bago likhain ng Diyos ang mundo at nagpupuri na sila at naglilingkod sa Kanya noon pa mang una.
Kaya, bagama’t hindi partikular na binabanggit sa Bibliya kung kailan nilikha ng Diyos ang mga anghel, masasabing ang panahong iyon ay panahon bago nilikha ang mundo. Iyon man ay isang araw o bilyun-bilyong taon bago ang paglikha – muli, kung isasaalang-alang natin ang panahon – hindi natin aktwal na matitiyak.
English
Kailan nilikha ng Diyos ang mga anghel?