Tanong
Kailan magaganap ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay?
Sagot
Malinaw ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa katotohanan ng muling pagkabuhay ng mga patay at sa katotohanan na ang buhay ng tao ay hindi lamang dito sa mundo. Habang ang kamatayan ang katapusan ng pisikal na katawan, hindi naman ito ang katapusan ng buhay ng tao. May mga naniniwala sa maling katuruan na may isa lamang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay ngunit may ilang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay na itinuturo sa Bibliya, ang iba ay sa buhay na walang hanggan sa langit, habang ang iba naman ay sa walang hanggang pagdurusa (Daniel 12:2; Juan 5:28-29).
Ang unang dakilang pagkabuhay na mag-uli ay ang pagkabuhay na mag-uli ng Panginoong Hesu Kristo. Ito ay idinokumento sa lahat na apat na Ebanghelyo (Mateo 28; Markos 16; Lukas 24; Juan 20), binanggit ng ilang beses sa Aklat ng mga Gawa (Gawa 1:22; 2:31; 4:2, 33; 26:23), at paulit ulit na binanggit sa sulat sa mga Iglesya (Roma 1:4; Filipos 3:10; 1 Pedro 1:3). Marami ang nakasaksi sa pagkabuhay na mag-uli ni Kristo sa 1 Corinto 15:12-34, kung saan sinabi na mahigit sa limandaang katao ang nakasaksi sa isa Niyang pagpapakita pagkatapos Niyang mabuhay na mag-uli. Ang pagkabuhay na mag-uli ni Kristo ang “unang bunga” o garantiya para sa bawat Kristiyano na sila man ay bubuhayin. Ang pagkabuhay na mag-uli rin ni Kristo ang basehan ng katiyakan ng Kristiyano na ang lahat na namatay ay bubuhayin isang araw upang humarap sa paghuhukom ni Hesu Kristo (Gawa 17:30-31). Ang pagkabuhay na mag-uli sa buhay na walang hanggan ay inilarawan na “Unang pagkabuhay na mag-uli” (Pahayag 20:5-6); at ang pagkabuhay na mag-uli naman sa hatol at kaparusahan ay inilarawan na “Ikalawang kamatayan” (Pahayag 20:6, 13-15).
Ang unang Dakilang pagkabuhay na mag-uli ng Iglesya ay magaganap sa panahon ng pagdagit sa mga mananampalataya. Ang lahat ng mga naglagak ng kanilang pagtitiwala kay Kristo sa panahon ng Iglesya at namatay bago ang muling pagparito ni Kristo ay mabubuhay na mag-uli sa pagdagit sa mga mananampalataya. Ang panahon ng Iglesya ay nagsimula sa Araw ng Pentecostes at magtatapos sa muling pagparito ni Kristo upang kunin ang mga mananampalataya mula sa mundo patungo sa langit na kasama Niya (Juan 14:1-3; 1 Tesalonica 4:16-17). Ipinaliwanag ni Apostol Pablo na hindi makakaranas ng pisikal na kamatayan ang lahat na mananampalataya ngunit ang lahat ay babaguhin at bibigyan ng katawang panlangit (1 Corinto 15:50-58), ang ilan ay hindi na kailangang mamatay sa pisikal! Ang mga Kristiyanong nabubuhay pa at ang mga namatay na ay dadagitin upang salubungin ang Panginoon sa hangin at makasama Niya magpakailanman!
Ang isa pang dakilang pagkabuhay na mag-uli ay magaganap sa muling pagbabalik ni Kristo sa mundo sa pagtatapos ng pitong taon ng kapighatian. Pagkatapos ng pagdagit, ang paghihirap ang kasunod na panahon ng panahon ng Iglesya ayon sa kronolohiya ng Diyos. Ito ay panahon ng matinding paghihirap sa mundo na inilarawan ang detalye sa Pahayag kabanata 6-18. Bagama’t wala na ang mga mananampalataya sa mundo sa panahon ng kapighatian, milyong tao na maiiwan sa mundo ang mamumulat at mananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo bilang kanilang Tagapagligtas. Ngunit marami sa kanila ang magdurusa dahil sa kanilang pananampalataya kay Hesus at mamamatay sa panahon ng kapighatian (Pahayag 6:9-11; 7:9-17; 13:7, 15-17; 17:6; 19:1-2). Ang mga mananampalatayang ito na mamamatay sa panahon ng Kapighatian ay muling bubuhayin sa muling pagbabalik ni Kristo sa lupa at maghaharing kasama Niya sa loob ng isanlibong taon (Pahayag 20:4, 6). Ang mga mananampalataya sa Lumang Tipan gaya nina Job, Noe, Abraham, David at maging si Juan Bautista (na pinatay bago ang paguumpisa ng panahon ng Iglesya) ay muli ring bubuhayin sa panahong ito. Binabanggit ang pangyayaring ito sa ilang mga talata sa Lumang Tipan (Job 19:25-27; Isaias 26:19; Daniel 12:1-2; Oseas 13:14). Inilarawan sa Ezekiel 37:1-14 ang muling pagtitipon tipon ng bansang Israel sa pamamagitan ng paggamit ng simbolismo ng mga patay na muling nabuhay. Ngunit mula sa salitang ginamit sa talatang ito, hindi maisasantabi ang pisikal na pagkabuhay na mag-uli ng mga namatay na Israelita. Muli ang mga sumampalataya sa Diyos sa panahon ng Lumang Tipan at lahat ng nanampalataya kay Hesus sa Bagong Tipan ay makakabahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli, ang pagkabuhay para sa buhay na walang hanggan (Pahayag 20:4, 6).
Maaaring may magaganap pang pagkabuhay na mag-uli sa pagtatapos ng isanlibong taon ng paghahari ni Kristo, isang pagkabuhay na mag-uli na hindi malinaw na binanggit sa Bibliya. Posible na may mga mananampalataya na makakaranas ng pisikal na kamatayan sa panahon ng isanlibong taon ng paghahari ni Kristo. Sa pamamagitan ni Propeta Isaias, sinabi ng Diyos, “Hindi na magkakaroon mula ngayon ng sanggol na mamamatay, o ng matanda man na hindi nalubos ang kaniyang mga kaarawan; sapagka't ang bata ay mamamatay na may isang daang taong gulang, at ang makasalanan na may isang daang taon ang gulang ay susumpain” (Isaias 65:20). Sa kabilang dako, posible din na ang mga hindi mananampalataya lamang ang makakaranas ng pisikal na kamatayan sa panahon ng isanlibong taon ng paghahari ni Kristo sa lupa. Alinman sa dalawa, kailangan ang pisikal na pagbabago upang bumagay ang katawan ng mga mananampalataya para sa walang hanggang buhay na mararanasan nila kasama ng Diyos. Ang bawat isang mananampalataya ay kinakailangang magkaroon ng isang uri ng katawan na walang pagkasira.
Malinaw mula sa Kasulatan na gugunawin Niya ang buong sangkalawakan, kasama ang mundo sa pamamagitan ng matinding init (2 Pedro 3:7-12). Kinakailangan ito upang linisin ang lahat ng nilikha ng Diyos mula sa kasalanan at sa pagkabulok ng sangnilikha dahil sa sumpa ng Diyos sa kasalanan ng tao. Kapalit ng ginunaw na sangnilikha, muling gagawa ang Diyos ng Bagong Langit at Bagong Lupa (2 Pedro 3:13; Pahayag 21:1-4). Ngunit ano ang mangyayari sa mga mananampalataya na nakaligtas sa pitong taon ng kapighatian at pumasok sa isanlibong taon ng paghahari sa kanilang ordinaryong katawan? Nilinaw ni Pablo na ang laman at dugo na nabubulok ay hindi makakapagmana ng kaharian ng Diyos. Ang walang kaharian ng Diyos ay maaari lamang tirahan ng mga binuhay na mag-uli at may maluwalhating katawan na hindi na mamamatay at mabubulok (1 Corinto 15:35-49). Dahil dito, masasabing ang mga mananampalatayang ito ay bibigyan din ng maluwalhating katawan at hindi na daraan pa sa kamatayang pisikal. Ang eksaktong paglalarawan kung paano ito magaganap ay hindi ipinaliwanag ngunit sa usaping panteolohiya, kailangan magkaroon muna ng maluwalhating katawan bago lumipat ang tao mula sa lumang lupa at langit patungo sa bagong langit at bagong lupa (2 Pedro 3:13; Pahayag 21:1-4).
Magkakaroon ng huling pagkabuhay na mag-uli para sa mga hindi mananampalataya sa lahat ng panahon. Bubuhayin sila ni Hesus mula sa mga patay (Juan 5:25-29) pagkatapos ng isanlibong taon ng Kanyang paghahari (Pahayag 20:5), at pagkatapos ng paggunaw sa kasalukuyang langit at lupa (2 Pedro 3:7-12; Pahayag 20:11). Ito ang pagkabuhay na mag-uli na inilarawan ni Daniel na pagbangon “mula sa mga alabok na “ang iba'y sa kahihiyan at sa walang hanggang pagkapahamak” (Daniel 12:2b). Inilarawan ito ni Hesus na “pagkabuhay na mag-uli para sa paghatol” (Juan 5:28-29).
Nakita ni Juan sa kanyang pangitain ang isang bagay na magaganap sa hinaharap. Nakakita siya ng isang “Malaking Tronong Puti” (Pahayag 20:11) at “tumakas” ang langit at lupa mula sa “Isa na nakaupo sa trono.” Ito ang paglalarawan sa paggunaw ng Diyos sa lahat ng bagay maging ng buong kalawakan at ng mundo sa pamamagitan ng matinding init (2 Pedro 3:7-12). Ang lahat ng mga namatay na walang Diyos ay tatayo sa harap ng tronong ito. Nangangahulugan ito na sila ay muling bubuhayin pagkatapos ng isanlibong taon (Pahayag 20:5). Bibigyan sila ng katawan na nakakaramdam ng sakit ngunit hindi na mamamatay kailanman (Markos 9:43-48). Hahatulan sila at pahihirapan ayon sa katumbas ng kanilang mga ginawang kasalanan. Ngunit may isang aklat na bubuksan – ang Aklat ng Buhay ng Kordero (Pahayag 21:27). Itatapon sa dagat dagatang apoy ang mga taong hindi nakasulat ang pangalan sa Aklat ng Buhay. Ang dagat dagatang apoy na ito ang “pangalawang kamatayan” (Pahayag 20:11-15). Walang indikasyon na makikita sa buong Bibliya na haharap pa sa paghuhukom ang sinumang nakasulat ang pangalan sa Aklat ng Buhay. Sa halip, ang mga taong nakasulat ang pangalan sa Aklat ng Buhay ay kabilang sa mga pinagpala ng Diyos dahil tumanggap sila ng kapatawaran at nakabahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, ang muling pagkabuhay para sa buhay na walang hanggan (Pahayag 20:6).
English
Kailan magaganap ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay?