Tanong
Kailangan ba tayo ng Diyos?
Sagot
Ang Diyos ay banal, walang hanggan, makapangyarihan at nabubuhay at sapat sa Kanyang sarili. Hindi Niya kailangan ang anumang nilalang, ngunit kailangan natin Siya. Ang buong sangnilikha ay umaasa sa buhay na ibinibigay ng Diyos. Pinatutubo Niya ang mga damong kinakain ng mga baka,” at “Lahat sila'y umaasa, sa iyo ay nag-aabang, umaasa sa pagkain na kanilang kailangan…Kapag ika'y lumalayo labis silang nangangamba, takot silang mamatay kung lagutin mo ang hininga; mauuwi sa alabok, pagkat doon sila mula” (Awit 104:14, 27, 29).
Sa kabilang dako, ang Diyos ay hindi nakadepende sa anumang bagay at sa sinuman. Hindi Siya nagkukulang ng kahit ano, wala Siyang limitasyon, at hindi nakakaranas ng anumang kakulangan. Siya ang “Ako si Ako Nga,” at wala Siyang katulad na kahit ano at kahit sino (Exodo 3:14). Kung nangangailangan Siya ng kahit ano upang manatiling buhay o upang maging ganap, hindi Siya Diyos.
Kaya nga, hindi tayo kailangan ng Diyos. Ngunit ang nakakamangha, iniibig Niya tayo ng lubos, at sa Kanyang kabutihan, ninais Niya na makasama tayo sa habang panahon. Kaya nga dalawang libong taon na ang nakalilipas, ang Diyos mismo ay nagkatawang tao, nagtungo dito sa lupa at ibinigay ang Kanya mismong buhay upang patunayan ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa atin. Binayaran Niya ang halaga upang maipagkasundo tayo sa Kanyang sarili, at walang sinumang magbabayad ng ganoong kalaking halaga para sa isang bagay na hindi niya gusto o pinahahalagahan.
Tiyak na alam ni Hesus kung ano ang Kanyang mararanasan sa huling yugto ng Kanyang buhay dito sa lupa (Markos 8:31; Juan 18:4). Sa Kanyang pagdurusa sa Getsemane, habang nananalangin Siya para sa magaganap na paglilitis at paghihirap na darating sa Kanya, umagos mula sa Kanyang noo ang pawis na may kahalong dugo (Lukas 22:44). At tiyak din na alam na alam ni Hesus ang hula sa Isaias 52:14, “Marami ang nagulat nang siya'y makita, dahil sa pagkabugbog sa kanya, halos hindi makilala kung siya ay tao.” Natalupan ang Anak ng Tao ng sagad hanggang buto na halos hindi na siya nagmukhang tao at halos walang nakakilala sa Kanya. Ang pagpapahirap na iyon ay sinundan ng higit pang masakit na pagpapahirap, ang pagpapapako sa Kanya sa krus. Ito ang pinakamasakit at pinakakarumal-dumal na pagpaparusa na naimbento sa kasaysayan ng tao.
Habang nasa krus si Hesus, “pinabayaan” Siya ng Kanyang Ama. Kinumpirma sa Habakuk 1:3 na napakabanal ng Diyos upang tingnan ang kasamaan.” At ng sandaling iyon, sumigaw si Hesus, “Diyos Ko, Diyos Ko, Bakit mo Ako pinabayaan?” (Mateo 27:46).
Ito ang halaga na binayaran ng Diyos para sa atin, at dito natin nalalaman na iniibig Niya tayo. Dahil sa napakalaki at hindi hininging pag-ibig ng Diyos para sa mga masuwaying makasalanan, iniaalok Niya sa atin ang buhay na walang hanggan. Ang kaligtasan ay isang kaloob na ibinibigay sa hindi humihingi, sa pamamagitan ng kahindik-hindik at kusang loob na paghahandog ng buhay ng nagiisa at tunay na Diyos na si Kristo Hesus. Sinasabi sa Roma 5:8, “Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa.”
Kung kaisa tayo ni Kristo, walang makapaghihiwalay sa atin mula sa Kanya. Sinasabi sa Roma 8:38–39: “Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan o ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan, ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.”
Ginawang bagong nilalang Diyos ang mga tunay mananampalataya. At nauunawaan natin ang lalim ng pag-ibig ng Diyos para sa atin, “Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin” (Galacia 2:20).
Ikaw man ay maaaring makaranas ng walang hanggang pag-ibig ng Diyos at maaaring makatiyak ng buhay na walang hanggan. Magpatuloy ka sa pagbabasa sa website na ito at matututunan mo kung paano tatanggapin si Kristo bilang iyong Tagapagligtas. English
Kailangan ba tayo ng Diyos?