settings icon
share icon
Tanong

Bakit natin kailangang basahin/pag-aralan ang Bibliya?

Sagot


Dapat nating basahin ang Bibliya sapagkat ito ay ang Salita ng Diyos para sa atin. Sinasabi sa aklat ng Timoteo 3:16, na ang Bibliya ay hiningahan ng Diyos, ito ang Salita ng Diyos para sa atin. Napakaraming mga katanungan ng mga taong nag-aaral ng pilosopiya at maging ng mga ordinaryong tao ang binigyang kasagutan ng Diyos sa Bibliya. Kagaya ng mga sumusunod na katanungan: Ano ba ang kahulugan ng buhay? Saan ba ako nanggaling? Mayroon bang buhay pagkatapos ng kamatayan? Ano ba ang mangyayari pagkatapos ng kamatayan? Papaano ako makakapunta sa langit? Bakit puno ang mundo ng kasamaan? Bakit ako nahihirapang gumawa ng mabuti? Bukod sa pagbibigay kasagutan sa mga maraming katanungang ito, nagbibigay rin ang Bibliya ng mga payo sa buhay kagaya ng: Ano ang dapat kong hanapin sa aking magiging asawa? Papaano magtatagumpay ang aming buhay mag-asawa? Papaano ako magiging isang mabuting kaibigan? Papaano ako magiging mabuting magulang? Ano ba ang ibig sabihin ng tagumpay at papaano ko ito maaabot? Papaano ako magbabago? Ano ba ang mahalaga sa buhay? Papaano ako gagawa ng desisyon na hindi ko pagsisisihan sa bandang huli? Papaano ko mabibigyan ng kasiyahan ang Diyos? Papaano ko makakamit ang kapatawaran? Papaano ko mapagtatagumpayan ang mga pagsubok at mga pangit na pangyayari sa aking buhay?

Dapat nating basahin at pag-aralan ang Bibliya dahil ito ay lubos na mapagkakatiwalaan at walang pagkakamali. Malaki ang kaibahan ng Bibliya sa ibang mga “banal” na aklat na hindi naman nagtuturo ng katotohanan ngunit nag-aanyaya na sila ay pagtiwalaan. Sa halip, inaanyayahan tayo ng Bibliya na subukin ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa daan-daang detalyadong mga hula rito, sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga nangyari sa kasaysayan, at sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga katotohanan sa siyensya na pinatutunayan dito. Ang mga nagsasabing ang Bibliya ay may mga kamalian ay tinakpan na ang kanilang mga tainga sa katotohanan. Minsan nagtanong si Hesus kung ano ang mas madaling sabihin, “pinatawad ka na sa iyong mga kasalanan” o “tumayo ka, at lumakad.” Pagkatapos ay Kanyang pinatunayan na mayroon Siyang kakayahang magpatawad ng kasalanan (isang bagay na hindi nakikita ng ating mga mata) sa pamamagitan ng pagpapagaling sa isang paralitiko (isang bagay na nakikita ng mga taong nakapalibot sa Kanya). Gaya nito, binigyan Niya tayo ng katiyakan na ang Salita ng Diyos ay totoo sa pamamagitan ng mga espiritwal na katotohanan na hindi kayang ipaliwanag ng pandama at sa pagpapatunay ng Diyos sa Kanyang sarili sa pamamagitan ng mga bagay na ating masusuri (Sa kasaysayan, siyensya at sa ating budhi).

Dapat nating basahin at pag-aralan ang Bibliya sapagkat hindi nagbabago ang Diyos. At dahil hindi rin nagbabago ang makasalanang katayuan ng sangkatauhan sa harapan ng Diyos - ito ay mahalaga para sa atin. Samantalang ang teknolohiya ay nagbabago, ang mga pagnanasa at katangian ng tao ay hindi nagbabago. Makikita mo na habang binabasa mo ang bawat pahina ng Bibliya, malalaman mo na “walang nagbago sa ilalim ng araw.” At habang ang sangkatauhan ay patuloy sa paghahanap ng kahulugan ng buhay at kasiyahan sa mga maling lugar, ang Diyos, ang ating mabuti at mapagbiyayang manlilikha ay inihayag sa Kanyang Salita kung ano ang makapagbibigay sa atin ng pangwalang hanggang kasiyahan. Ang Bibliya ay napakahalaga kaya nga sinabi mismo ni Hesus, “Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Diyos” (Mateo 4:4). Sa madaling salita, kung nais mong magkaroon ng matagumpay na buhay tulad ng nais ng Diyos para sa iyo, pakinggan mo at sundin ang mga nakasulat sa Salita ng Diyos. Mas higit itong di hamak kaysa sa pisikal na pagkain!

Dapat nating basahin at pag-aralan ang Bibliya dahil napakaraming mga maling aral at turo ang naglipana ngayon sa mundo. Ang Bibliya ang tanging instrumento upang malaman natin kung ano ang tama at ang maling katuruan. Itinuturo sa atin ng Bibliya kung ano at sino ang Diyos. Kung mali ang ating pangunawa kung ano at sino ang Diyos ay tulad na rin ito ng pagsamba sa mga “diyus-diyosan” o “hindi tunay na diyos.” Itinuturo sa atin ng Bibliya kung papaano makapupunta sa langit ang isang tao, at hindi ito sa pamamagitan ng sariling katuwiran o kabaitan o sa pamamagitan ng pagpapabautismo, o anumang ating ginagawa (Juan 14:6; Efeso 2:1-10; Isaias 53:6; Roma 3:10f., 5:8; 6:23; 10:9-13). Ipinapakita rin sa atin ng Salita ng Diyos kung gaano tayo iniibig ng Diyos (Roma 5:6-8; Isaias 53:1f.). Sa pamamagitan ng pagkaunawa natin sa Bibliya, tayo ay naaakit din naman na ibigin ang Diyos (1 Juan 4:19).

Bibigyan ka ng kakayahan ng Bibliya upang paglingkuran ang Diyos (2 Timoteo 3:17; Efeso 6:17; Hebreo 4:12). Tutulungan ka ng Bibliya na malaman kung paano ka maliligtas sa iyong mga kasalanan at sa kaparusahan nito (2 Timoteo 3:15). Ang pagbubulay-bulay at pagsunod sa mga itinuturo ng Bibliya ay siyang susi ng katagumpayan sa iyong buhay (Josue 1:8; Santiago 1:25). Tutulungan ka ng Salita ng Diyos na makita ang iyong mga kasalanan at tutulungan ka nito na talikuran ang mga iyon (Awit 119:9, 11). Gagabayan ka nito sa buhay (Awit 32:8; 119:99; Kawikaan 1:6). Tutulungan ka ng Bibliya upang hindi masayang ang maraming taon sa iyong buhay sa mga bagay na panandalian at walang kabuluhan (Mateo 7:24-27).

Ang pagbabasa at pagaaral ng Bibliya ay makatutulong sa iyo upang makita ang mga bitag ng tukso at makaiwas sa sakit na dulot niyon at upang matuto ka sa mga pagkakamali ng iba. Ang karanasan ay magaling na guro, ngunit pagdating sa pagkatuto natin tungkol sa kasalanan, ang Biblia ay higit na magaling na guro. Mabuting matuto sa mga kamalian ng iba. Napakaraming tauhan at kwento sa Bibliya na puwede nating maging halimbawa at pagkunan kapwa ng positibo at negatibong mga aral na maaari nating isapamuhay. Halimbawa ay ang buhay ni Haring David. Ang tagumpay niya laban kay Goliath ay nagtuturo sa atin na ang Diyos ay makapangyarihan higit sa anumang mga bagay na ating kinakaharap (1 Samuel 17). Ipinakikita naman ng nagawang pakikiapid ni David kay Batsheba kung gaano katagal at kalala ang resulta ng isang kasalanan o panandaliang aliw (2 Samuel 11f.). Kung alam natin ang itinuturo ng Bibliya, bibigyan tayo nito ng tunay na pag-asa at tunay na kapayapaan sa panahon na tayo ay nakakaranas ng kawalang pag-asa at kawalang katiyakan (Roma 15:4; Awit 112:7; Habakuk 3:17-19).

Ang Bibliya ay isang aklat na hindi lamang binabasa. Ito ay aklat na dapat pag-aralan at isapamuhay din naman. Kung hindi, para lang itong paglulon ng pagkain na hindi nginunguya at pagkatapos ay iluluwa rin. Walang makukuhang nutrisyon sa ganitong paraan. Ang Bibliya ay ang Salita ng Diyos. Ang pag-aaral ng Bibliya ay maikukumpara sa pagmimina ng ginto. Kung hindi mo ibubuhos ang iyong buong lakas sa paghahanap, maaaring ang mahahanap mo lamang ay maliit na piraso ng ginto, subalit kung ibubuhos mo ang iyong lakas at hahanapin mo ito ng masigasig at buong sikap, higit na malaking gantimpala ang mapapasaiyo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit natin kailangang basahin/pag-aralan ang Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries