Tanong
Ano ang dapat na tugon ng isang Kristiyano sa kakulangan ng pakikipagtalik sa asawa?
Sagot
Ang pisikal na pagpapalagayang-loob ay bahagi ng karaniwang plano ng Diyos para sa magasawa, at ang mag-asawa ay may pananagutan na tugunan ang mga pangangailangang ito ng isa’t isa (1 Corinto 7:2–4). Ipagpalagay na walang pisikal o medikal na kondisyon na pumipigil sa sekswal na aktibidad, ang kakulangan ng pakikipagtalik sa pag-aasawa ay dapat na may pagsang-ayon ng isa’t isa para sa mga espiritwal na gawain sa maikling panahon (1 Corinto 7:5).
Ang sexless marriage ay isang dahilan ng pag-aalala. Muli kung aalisin ang pisikal na kundisyon, maaaring ang ugat nito ay espiritwal. Ang unang hakbang ay manalangin para sa karunungan, awa, at biyaya na tulong sa oras na kailangan (Santiago 1:5; Hebreo 4:16). Mabuting ayusin ang sariling tahanan bago maghangad na ituwid ang iba; Kayat, kung ang isang asawa ay nakadarama ng kamalian sa lugar na ito, dapat niyang hilingin sa Panginoon na ihayag ang anumang bagay na maaaring ginagawa niya na nakaka-ambag sa problema (Awit 139:23). Sasagutin ng Diyos ang isang panalangin kung handa tayo makinig.
Kung matuklasan ng asawang pinagkakaitan na siya ay nag aambag sa kawalan ng pakikipagtalik, ang kasalanan ay dapat ipagtapat sa Diyos at sa asawa at may mga hakbang na gagawin upang itama ang pag -uugali (Kawikaan 28:13). Kung ito ay nagawa na at ang pakikipagtalik ay ipinagkait pa rin, ang asawang nagawan ng pagkakasala ay dapat na patuloy na manalangin araw-araw para sa biyayang magmahal nang walang kundisyon at magtiwala sa Diyos na kikilos Siya sa takdang panahon. Ito ay pagsubok sa pananampalataya (Santiago 1:2–4). Sa lahat ng oras, ang pinagkaitang asawa ay dapat mag-ingat at panatilihing bukas sa komunikasyon sa kanyang kapareha at hindi kalilimutan ang mga utos ng Diyos tungkol sa masamang relasyong (Efeso 5:22–33). Nangangailangan ng oras at pasensya na maghintay sa Panginoon at manatiling nakatutok sa Kanya upang makayanan ang mga pangyayari.
Kung ang kakulangan ng pakikipagtalik ay dahil sa pagtanggi ng asawang babae sa pagpapalagayang-loob, dapat isaalang alang ng asawang lalaki kung siya ay sumusunod sa utos ng Diyos na mahalin ang kanyang asawa tulad ng pag-ibig ni Kristo sa simbahan (Efeso 5:25–33) o kung siya ay nakikisama sa kanyang asawa na may “pangunawa sa kanya” (1 Pedro 3:7). Ito ay lalong mahalaga kung mayroon siyang nararanasang inferiority o rejection. Kadalasan, maaaring hindi kinikilala ng asawang lalaki ang kanyang bahagi sa mga problema sa kaniyang asawa at siya ay kumikilos lamang dahil sa pagkabigo o pagpipigil ng galit. Ang tapat na komunikasyon at pagpapatawad ang pinakamahusay na paraan upang matugunan ang isyung ito; mag-ingat at iwasan ang “paninisi sa kapareha.” Ang Unang Corinto 13 ay maaaring maging pamantayan—ang paglalarawan ba ng kabanatang ito sa pag-ibig ay tumutugma sa pakikitungo ng asawang lalaki sa kanyang asawa? Ang maka-Diyos na pag-ibig ay mag-iingat sa kanya mula sa kapaitan laban sa kanyang asawa at kalupitan sa kanya (Colosas 3:19).
Kung ang kakulangan ng pakikipagtalik ay dahil sa pagtanggi ng asawang lalaki sa pagpapalagayang-loob, maaaring pinababayaan ng asawang babae ang kanyang pananagutan sa harap ng Diyos na mahalin, igalang, at pasakop sa kanyang asawa (Efeso 5:22–24). Kung nadarama niya na siya ay napabayaan, mas mababa, o dominado, maaaring tanggihan niya ang pagpapalagayang-loob upang makagamit o mabawi ang kontrol, o maaaring mawalan ng interes. Sa alinmang paraan, “Ingatan nʼyo na walang sinuman sa inyo ang tatalikod sa biyaya ng Dios. At huwag ninyong hayaang umiral ang samaan ng loob sa inyo at marami ang madamay” (Hebreo12:15).
Kung ang isang asawa ay pinipigilan ang pakikipagtalik na tila walang dahilan, maaaring mayroong mas malalim na problema mula pa sa nakaraan. Sa kasong ito, ang paghingi ng payo sa isang propesyonal ay maaaring makatulong para mabigyang solusyon ang problema. Sa ganitong pagkakataon, ang parehong partido ay dapat na magpahinga at maupo na may layuning pag-usapan ito. Ang pastor o tagapayong Kristiyano ay maaaring maging isang magandang tulong sa mga pag-uusap na ito at ang layunin ay dapat na maunawaan ang pananaw ng asawa, upang sila ay makakilos ng nagkakaisa patungo sa tamang direksyon at hayaang magsimula sa pagbabago.
Ang pagpapagaling ay hindi maaaring pilitin at maaaring mangailangan ng panahon. Samantalang ang pagpapatawad ay isang agarang utos (Mateo 6:14–15). Kung parehong nagnanais ng pinakamahusay mula sa Diyos at kung ang proseso ay ginawa ng may pagpapakumbaba at katapatan, ang buong pagpapalagayang loob ay posibleng muli. Ang nasasaktang mag-asawa ay dapat na italaga ang kanilang sarili sa Salita ng Diyos araw-araw, sa pananalangin, sa pagsunod sa Diyos, at sa isa’t isa. Pagkatapos ay maaari silang matiyagang magtiwala sa Panginoon na mag aayos sa kanilang mga puso at magpapagaling sa anumang nagiging sanhi ng kawalan ng sex sa pagtain nila.
English
Ano ang dapat na tugon ng isang Kristiyano sa kakulangan ng pakikipagtalik sa asawa?