Tanong
Ano ang kalagayan ng tao ayon sa Biblia?
Sagot
Nang likhain ng Diyos sina Eba at Adan, ang kalagayan ng tao ay kasiya-siya at mabuti - ang kapaligiran ay perpekto, ang kanilang kalikasan ay inosente, at tunay na matalik ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Ngunit nang sumuway si Adan, nagbago ang kanilang kalagayan. Naglaho ang perpektong kapaligiran, gayundin ang pagiging inosente at ang matalik na kaugnayan nila sa Diyos. Kaya't magmula noon, ang kalagayan ng tao ay ligaw, bulag, makasalanan, o alipin ng kasalanan, wasak ang moralidad at patungo sa kamatayan. Subalit salamat sa kagandahang loob ng Diyos at sa kaligtasang ipinagkaloob ni Cristo, dahil diyan ay makakaasa tayo na ang ating orihinal na kalagayan ay maibabalik sa dati.
Ayon sa teorya ni Jean-Jacques Rousseau, ang tao raw ay likas na mabuti. Sumasama lamang ito dahil sa impluwensya ng lipunan. Ang iba naman ay sumasang-ayon sa kuru-kuro nina Aristotle at John Locke na tayo ay ipinanganak na hungkag ang isipan kaya't tayo ay may kakayahang paunlarin ang ating katangian ayon sa gusto natin, at ang panlabas na puwersa ang humuhubog sa atin. Gayunman, nakasaad sa Biblia na ang likas na kundisyon ng tao ay makasalanan, hiwalay at hindi kumikilala sa Diyos. Tayo ay ipinanganak na makasalanan at ang patutunguhan ng bawat isa ay kamatayan dahil sa poot sa atin ng Diyos (Awit 51-5; Roma 3:23; 6:23; Juan 3:16-18; Efeso 2:1-5).
Ang biblikal na doktrina ng ganap na kasamaan ay nagpapakita ng tunay na kalagayan ng tao. Dahil sa pagbagsak ni Adan, ang bawat bahagi ng buhay ng tao ay nasira ng kasalanan: ang isipan, damdamin, at pagpapasya ay nadungisan ng kasalanan. Ito ang dahilan kung bakit tayo nakakapag isip ng masama, nagkakasala tayo sa damdamin, at ang ating mga pagpapasya ay pawang makasalanan. Likas na iniibig natin ang kadiliman (Juan 3:19), at hindi natin nauunawaan at tinatanggap ang mga bagay na patungkol sa Diyos (1Corinto 2:14).
Ang kalagayan natin ay walang pag asa; tayong lahat ay naligaw (Isaias 53:6). Tayo ay mga bulag sa espiritu (2 Corinto 4:4). Tayo ay makasalanan dahil sa ating paglabag sa utos ng Diyos (1 Juan 1:8; 3:4). Tayo ay makasalanan sa mata ng Diyos na syang matuwid na Hukom (Roma 5:12, 18). Tayo ay alipin ng kasalanan (Juan 8:34). Ang ating moralidad ay wasak (Roma 7:18). Tayo ay patay sa espiritu at namamatay sa pisikal (1 Pedro 1:24; Efeso 2:1). Dahil sa ating likas na kalagayan, hindi natin hinahanap ang kalooban ng Diyos (Roma 3:10-11). At dahil sa ating likas na kasalanan, tayo ay mga "kaaway ng Diyos" (Roma 8:7). Subalit mapalad tayo, dahil tayo na mga kaaway ng Diyos ay kanyang inibig, at ipinadama nya ang kanyang dakilang pag-ibig nang isugo Niya ang bugtong niyang Anak upang mamatay para sa atin (Juan 3:16-21; Roma 5:8).Tayo ay dating tulad sa mga tupang naliligaw na hinanap at tinipon ng Mabuting Pastol; Tayo ay mga bulag sa espiritu na nasumpungan ng Manggagamot; Tayo ay nagkasala sa paningin ng Diyos, ngunit pinawalang-sala ng Hukom; tayo ay alipin ng kasalanan subalit ang Manunubos ang nagbayad ng malaking halaga kapalit ng ating kalayaan; wasak ang ating moralidad ngunit muli niya itong inayos; tayo ay patay ngunit sa pamamagitan ng muling pagkabuhay at ng buhay, tayo ay Kanyang muling binuhay.
English
Ano ang kalagayan ng tao ayon sa Biblia?