Tanong
Ano ang kalapastanganang walang pangalawa?
Sagot
Ang salitang ‘kalapastanganang walang pangalawa’ ay tumutukoy sa Mateo 24:15 (MBB): "Makikita ninyong nagaganap sa Banal na Lugar ang Kalapastanganang Walang Pangalawa na tinutukoy ni Propeta Daniel Unawain ito ng bumabasa!).” Tinutukoy nito ang Daniel 9:27, "Ang pinunong ito'y gagawa ng isang matibay na pakikipagkasundo sa makapal na tao sa loob ng pitong taon. Pagkaraan ng tatlong taon at kalahati, pipigilin niya ang paghahandog. Itataas niya sa templo ang Kalapastanganang Walang pangalawa at mananatili siya roon hanggang sa ang naglagay sa kanya ay parusahan ng Diyos ayon sa itinakda sa kanya." Noong 167 B.C., isang pinunong Griyego na nagngangalang Antiochus Epiphanes ang nagtayo ng altar ni Zeus sa sunugan ng handog sa templo ng mga Hudyo sa Jerusalem. Ang pangyayaring ito ay tinawag na ‘kalapastanganang walang pangalawa.’
Sinaysay ni Hesus sa Mateo 24:15 ang isang pangyayaring katulad nito may 200 taon na ang nakalilipas pagkatapos na maganap ang kalapastangan sa templo na isinagawa ni Antiochus Epiphanes. Kaya nga hinuhulaan ni Hesus na sa hinaharap ay mangyayaring muli ang ganitong kalapastanganan sa templo ng mga Hudyo sa Jerusalem. Maraming mga iskolar ng Bibliya ang naniniwala na tinutukoy ni Hesus ang antikristo na gagawin din ang parehong ginawa ni Antiochus. Ito ay kinumpirma ng katotohanan na ang ilan sa mga inihula ni Daniel sa Daniel 1:7 ay hindi naganap noong 167 B.C. kay Antiochus Epiphanes. Hindi nakipagkasundo si Antiochus sa Israel sa loob ng 7 taon. Ang antikristo sa huling panahon ay makikipagkasundo sa Israel sa loob ng pitong taon at pagkatapos ay sisira siya sa kasunduan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng ‘kalapastanganang walang pangalawa’ sa templo ng mga Hudyo sa Jerusalem.
Anuman ang ‘kalapastanganang walang pangalawa’ na magaganap sa hinaharap, walang pagdududa sa isip ng sinuman na ang gagawa nito ay isang tao na kikilalanin bilang antikristo. Sinabi sa Pahayag 13:14 na gagawa siya ng kanyang larawan at pipilitin ang lahat ng tao na sambahin iyon. Ang paggamit ng templo ng buhay na Diyos sa pagsamba sa antikristo ay tunay na isang kalapastanganan. Ang mga nabubuhay at natira sa panahon ng pitong taon ng paghihirap ay kailangang magbantay at kilalanin na ang pangyayaring ito ang pasimula ng tatlo’t kalahating taon ng walang kapantay na paghihirap kung kalian nalalapit na ang pagdating ng Panginoong Hesus. "Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng lakas upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao" (Lukas 21:36).
English
Ano ang kalapastanganang walang pangalawa?