Tanong
Ang seguridad ba ng kaligtasan ay lisensya sa paggawa ng kasalanan?
Sagot
Ang kadalasang dahilan sa pagtutol sa doktrina na hindi nawawala ang kaligtasan ay ito diumano ang dahilan ng katuruan na ang mga Kristiyano ay puwede ng mamuhay sa paraang gusto nila - at sila ay maituturing pa ring ligtas sa kabila noon. Maaring ito'y totoo sa teknikalidad ngunit hindi ito ang tunay na kahulugan ng doktrina na hindi nawawala ang kaligtasan. Ang isang taong tapat na tumanggap kay Hesu Kristo bilang kanyang tagapagligtas at tinanggap ng Diyos bilang kanyang Anak ay maaaring makapamuhay minsan sa isang makasalanang pamumuhay - subalit hindi niya ito patuloy na gagawin. Ang tunay na Kristyano ay kakaiba na kaysa sa isang karaniwang tao sa uri ng kanyang pamumuhay. Dapat isapamuhay hindi at hindi lamang isaisip ang dapat gawin ng isang tao na nakaranas ng pagliligtas ng Diyos.
Malinaw na sinasabi sa Bibliya na ang kaligtasan ay sa biyaya ng Diyos, sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa ginawa ni Hesu Kristo. Ng ang ang isang tao ay nagtiwala kay Hesu Kristo, at siya ay tinanggap ng Diyos bilang anak, siya ay naligtas na at nagkaroon ng seguridad ng kaligtasan. Ang kaligtasan ay nakakamit sa pamamagitan lamang ng biyaya, ngunit ang taong iniligtas ng Diyos ay tiyak na magpapatuloy na paggawa ng mabuti at ang kabutihang iyon ay hindi upang siya ay maligtas kundi upang patunayang siya ay ligtas na. Tinugunan ni Apostol Pablo ang ganitong isyu sa aklat ng Galacia 3: 3, "Ganyan ba kayo kamangmang? Kayo ay nagsimula sa pamamagitan ng Espiritu. Kayo ba ngayon ay ginawang ganap sa pamamagitan ng gawa ng tao?" kung tayo ay naligtas sa pamamagitan ng ating pananampalataya, ang ating kaligtasan ay may katiyakan sa pamamagitan din ng ating pananampalataya. Hindi natin mapagtatrabahuhan ang ating kaligtasan. Samakatuwid, hindi rin natin mapapanatili ang ating kaligtasan sa pamamagitan ng ating mga gawa. Ang Diyos ang Siyang nagpapanatili ng ating kaligtasan (Judas 24). Ang Diyos ang siyang humahawak sa atin ng mahigpit sa Kanyang mga kamay (Juan 10: 28-29). Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos (Roma 8: 38-39).
May mga tumatangkilik sa sa doktrina ng seguridad ng kaligtasan na naniniwalang kinakailangan nilang panatilihin iyon sa pamamagitan ng kanilang mga mabubuting gawa. Ito ay salungat sa kaligtasan sa dahil sa biyaya ng Diyos. Tayo ay naligtas dahil sa ginawa ni Hesus, at hindi dahil sa ating sariling mabubuting gawa (Roma 4: 3-8). Kapag sinabi nating kinakailangan nating sundin ang mga Salita ng Diyos o mamuhay ng maka-Diyos na pamumuhay upang mapanatili natin ang ating kaligtasan ay katulad din ito ng pagsasabing ang kamatayan ni Hesus ay hindi sapat para bayaran ang lahat ng ating mga kasalanan. Ang kamatayan ni Hesus ay sapat para bayaran ang lahat ng ating mga kasalanan - noon, ngayon, at sa hinaharap, bago pa man tawagin ang tao o pagkatapos niyang maranasan ang kaligtasan(Roma 5:8; 1 Corinto 15:3; 2 Corinto 5:21).
Ang ibig sabihin ba nito, puwede ng mamuhay ang mga Kristiyano sa paraang gusto nila at mananatili pa ring ligtas? Malinaw na sinabi ng Bibliya na ang totoong Kristiyano ay hindi mamumuhay sa paraang "ayon sa kaniyang kagustuhan." Ang mga Kristiyano ay mga bago nang nilalang (2 Corinto 5: 17). Makikita sa mga Kristiyano ang bunga ng Banal na Espiritu (Galacia 5: 22-23), at hindi ang mga gawa ng laman (Galacia 5: 19-21). Malinaw na sinasabi ng 1 Juan 3: 6-9 na ang totoong Kristiyano ay hindi mamumuhay sa pagkakasala. Bilang kasagutan sa akusasyon na ang biyaya ay pagkunsinti sa kasalanan, idineklara ni Apostol Pablo, "Ano ngayon ang sasabihin natin? Magpapatuloy ba tayo sa kasalanan upang ang biyaya ay sumagana. Huwag nawang mangyari. Papaano nga na tayong mga namatay sa kasalanan ay patuloy na mamumuhay pa roon?" (Roma 6:1-2).
Ang walang hanggang katiyakan ng kaligtasan ay hindi lisensya upang gumawa ng kasalanan. Sa halip, ito ay katiyakan na ang pagliligtas ng Diyos ay sigurado na para sa mga nanampalataya kay Kristo. Papaano magagawa ninuman, pagkatapos niyang malaman ang ginawang pagsasakripisyo ni Hesus para sa kabayaran ng kasalanan ng sangkatauhan, ay magpapatuloy pa rin siya sa paggawa ng kasalanan (Roma 6: 15-23)? Papaano magagawa ng sinuman na nakakaunawa sa walang kundisyong pag-ibig ng Diyos sa mga tumanggap sa Kanya, na angkinin ang naturang pag-ibig at pagkatapos ay gamitin ito laban sa Diyos? Ang ganoong klase ng tao ay may maling pagkaunawa sa walang hanggang katiyakan ng kaligtasan dahil inaakala niya na ang pagliligtas ni Hesus ay nagpapahintulot sa kanya na gumawa ng kasalanan. Maaaring ang taong iyon ay hindi pa talaga nakaranas ng kaligtasan o hindi pa talaga naligtas. "Sinumang nananatili sa Kaniya ay hindi nagkakasala. Ang sinumang nagkakasala ay hindi nakakita sa Kaniya o nakakilala sa Kaniya" (1 Juan 3:6).
English
Ang seguridad ba ng kaligtasan ay lisensya sa paggawa ng kasalanan?