Tanong
Ang tao ba ay tunay na may kakayahang mamili (free will)?
Sagot
Kung ang kahulugan ng ‘free will’ o kakayahang mamili ay ang pagbibigay ng kakayahan ng Diyos sa tao upang magdesisyon para sa isang bagay na makakaapekto ng kanyang tadhana, ang sagot ay oo, ang mga tao ay may kakayahang pumili. Ang kasalukuyang makasalanang kalagayan ng tao ay direktang nakaugnay sa kakayahang mamili ni Adan at Eba. Nilikha ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang wangis at kasama sa pagkalikha sa tao ay ang pagbibigay sa kanya ng kakayahan na mamili ayon sa kanyang sariling pagpapasya.
Gayunman, ang free will o kakayahang mamili ay hindi nangangahulugan na kaya niyang gawin ang anumang kanyang maibigan. Ang ating kakayahang pumili ay limitado lamang sa ating kalikasan o kalagayan. Halimbawa, maaaring piliin ng isang tao na tumawid o hindi tumawid sa isang tulay; ang hindi niya kayang piliin ay ang lumipad sa ibabaw ng tulay - ang kanyang kalikasan ang humahadlang upang piliin iyon. Sa ganito ring paraan, hindi kaya ng isang tao na piliin ang maging matuwid - dahil ang kanyang kalikasan bilang makasalanan ang humahadlang upang labanan ang kanyang pagiging makasalanan (Roma 3:23). Kaya, ang kalayaang mamili ay nalimitahan ng kalikasan ng tao.
Hindi naaapektuhan ng limitasyong ito ang pananagutan ng tao sa Diyos. Malinaw sa Bibliya na hindi lamang tayo binigyan ng kakayahang mamili kundi mayroong din tayong responsibilidad na mamili ng may katalinuhan. Sa Lumang Tipan, pinili ng Diyos ang isang bansa (Israel), ngunit ang indibidwal na mamamayan ng bansang ito ay may obligasyon na piliing sumunod sa Diyos. Gayundin naman, ang mga indibidwal na hindi kabilang sa bansang Israel ay may kakayahan ding piliin na maniwala at sumunod sa Diyos (halimbawa ay si Ruth at si Rahab).
Sa Bagong Tipan, ang mga makasalanan ay paulit-ulit na inuutusan na "magsisi" at "manampalataya" (Mateo 3:2; 4:17; Mga Gawa 3:19; 1 Juan 3:23). Ang bawat tawag sa pagsisisi at tawag sa pagpili. Ang utos ng Diyos na manampalataya ay nangangahulugan na ang mga nakikinig ay may kakayahang sundin ang utos na ito.
Inihayag ni Hesus ang problema ng mga hindi mananampalataya ng sabihin Niya sa mga ito, "Ayaw ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay" (Juan 5:40). Malinaw na makakalapit sila kung gugustuhin nila; ang problema ay ayaw nilang lumapit. "Sapagkat ang anumang ihasik ng tao, ay siya rin niyang aanihin" (Galatia 6:7), at ang mga mapapahamak ay walang "maidadahilan" (Roma 1:20-21).
Ngunit papaanong ang isang tao na nalimitahan ng kanyang makasalanang kalikasan ay makapipili ng katwiran? Ito ay sa pamamagitan lamang ng biyaya at kapangyarihan ng Diyos na ang kalayaang mamili ng tao ay maging "tunay na malaya" upang magkaroon siya ng kakayahang piliin ang Diyos at ang kaligtasan (Juan 15:16). Ang Banal na Espiritu ang gumagawa sa buhay at kalooban ng tao upang siya ay buhayin sa espiritu (Juan 1:12-13) at binibigyan siya ng bagong pagkatao "na nilalang ayon sa wangis ng Diyos, sa katuwiran at kabanalan ng katotohanan" (Efeso 4:24). Ang kaligtasan ay gawain ng Diyos. Gayundin naman, ang ating mga motibo, pagnanais at mga aksyon ay nanggagaling sa ating sariling pagpapasya kaya nga makatwiran na tayo ay ginawang responsable ng Diyos para sa ating mga desisyon at pagpili.
English
Ang tao ba ay tunay na may kakayahang mamili (free will)?