settings icon
share icon
Tanong

Bakit tila nagpiprisinta ang apat na Ebanghelyo ng mensaheng kakaiba sa mensahe ng ibang mga aklat sa Bagong Tipan?

Sagot


Dapat nating tandaan na ang Bibliya ay dapat na unawain sa kabuuan. Ang mga aklat na nasulat bago ang Apat na Ebanghelyo ay mga aklat ng paghahanda, samantalang ang mga aklat naman na nasulat pagkatapos ng Apat na Ebanghelyo ay mga pagpapaliwanag. Sa buong Bibliya ang hinahanap ng Diyos sa mga tao ay pananampalataya (Genesis 15:6; Awit 2:12; Habakuk 2:4; Mateo 9:28; Juan 20:27; Efeso 2:8; Hebreo 10:39). Nakakamtan ang kaligtasan hindi sa pamamagitan ng ating mga sariling gawa kundi sa pamamagitan ng pagtitiwala sa ginawa ng Diyos para sa atin.

Ang bawat isa sa mga Ebanghelyo ay may sariling diin sa ministeryo ni Cristo. Sumulat si Mateo sa mga mambabasang Judio kaya binibigyang diin niya na si Jesus ang katuparan ng mga hula sa Lumang Tipan na nagpapatunay na Siya ang Mesiyas (Tagapagligtas) na matagal na nilang hinihintay. Sumulat si Markos sa mga Romano sa isang maiksi at mabilis na pamamaraan na itinatala ang mga mahimalang gawa ni Jesus habang hindi itinala ang Kanyang mahahabang pagtuturo. Ipinapakilala naman ni Lukas si Jesus bilang lunas sa mga karamdaman ng sanlibutan na binibigyang diin ang Kanyang perpektong pagkatao at pagmamalasakit sa mahihina, sa mga nagdurusa at sa mga itinakwil ng lipunan. Binibigyang diin naman ni Juan ang pagiging Diyos ni Jesus sa pamamagitan ng pagpili sa maraming katuruan at mga pananalita ni Jesus tungkol sa paksa. Kanya ring isinama ang mga “tanda” na nagpapatunay na si Jesus ang Anak ng Diyos.

Gumagawang magkakasama ang Apat ng Ebanghelyo upang magbigay ng kumpletong patotoo tungkol kay Jesus, isang napakagandang paglalarawan sa Kanya na isang Diyos at Tao. Bagama’t bahagyang nagkakaiba ang mga Ebanghelyo sa tema, ang sentrong Paksa ay pareho. Ipinapakilala ng Apat na Ebanghelyo si Jesus bilang ang Isa na namatay para iligtas ang mga makasalanan. Itinala ng lahat ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli. Kung ipinakilala man si Jesus ng mga manunulat bilang ang Hari, ang Alipin, ang Anak ng Tao, o bilang ang Anak ng Diyos, may iisa silang layunin at ito ay upang sumampalataya ang mga tao sa kanya.

Pagtutuunan natin ngayon ng pansin ang teolohiya ng Apat na Ebanghelyo. Isinama ni Juan sa kanyang aklat ang maraming pangungusap tungkol sa pananampalataya at mga utos para sumampalataya. Ito ay akma sa kanyang inihayag na layunin, "upang kayo’y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa pagsampalatayang iyon ay magkaroon kayong buhay sa pamamagitan Niya" (Juan 20:31). Ang iba pang mga Ebanghelyo (ang mga magkakatulad) ay pare-parehong nagtuturo na dapat tayong magtiwala kay Cristo. Ang kanilang pagganyak sa tao na sumampalataya kay Jesus ay hindi gaanong pansin, ngunit tunay at totoo din naman.

Ipinahayag ni Jesus ang pangangailangan ng tao ng katuwiran at nagbabala Siya sa kabayaran ng kasalanan na walang iba kundi impiyerno. Gayunman, laging ipinapakilala ni Cristo ang Diyos bilang pamantayan ng katuwiran at ang Kanyang sarili bilang kasangkapan ng katuwiran na kung wala Siya, ay hinding-hindi makakamtan ng mga tao at sigurado ang pagpunta nila sa impiyerno. Ang isang halimbawa nito ay ang Sermon sa Bundok (Mateo 5—7):

- Sinimulan ni Jesus ang Sermon sa Bundok sa paglalarawan sa isang pinagpalang buhay (Mateo 5:1-12). Ang katuruan tungkol sa “Ang Mapalad” ay hindi pagtuturo kung papaano tayo magiging matuwid kundi simpleng paglalarawan sa katuwiran.

- Ipinakilala ni Jesus ang Kanyang sarili bilang katuparan ng Kautusan sa Lumang Tipan (Mateo 5:17-18). Ito ay isang susing talata dahil para tayo magkaroon ng ating sariling katuwiran, dapat nating ganapin ang kautusan; at sinasabi ni Jesus dito na Siya ang gagawa nito para sa atin.

- Sinasabi Niya na walang kahit anong dami ng ating sariling mabubuting gawa ang magiging daan para tayo makapasok sa langit (Mateo 5:20). Ito ay isa pang mahalagang pangungusap sa sermon. Ang mga pariseo ang pinakarelihiyosong tao ng panahong iyon, ngunit sinasabi ni Jesus na maging sila man ay hindi sapat ang kabutihan para makapasok sa langit. Nagpatuloy si Jesus sa pagtuturo na hindi nagliligtas ang isang sistema ng relihiyon kundi Siya mismo ang Tagapagligtas.

- Pinalalim ni Jesus ang pangunawa na ang katuwiran ay dapat na ayon sa pamantayan ng Diyos sa halip na ayon sa pangunawa ng tao sa kautusan (Mateo 5:21-48). Ipinaliwanag Niya ang layunin ng Diyos sa likod ng ilang mga kautusan sa Lumang Tipan. Napakataas ng pamantayan, anupa’t walang sinuman kahit na ang pinakarelihiyosong tao ang magiging karapatdapat sa harapan ng Diyos.

- Inilarawan ni Jesus ang tatlong popular na gawaing panrelihiyon—paglilimos, pananalangin, at pagaayuno—na pakitang tao lamang kung isinasakatuparan ng mga relihiyoso sa panlabas lamang (Mateo 6:1-18). Ang pinagtutuunan ng pansin ni Jesus, gaya ng mga kautusan na kanyang nabanggit ay ang kundisyon ng puso ng tao, hindi ang mga gawa na ipinapakita sa panlabas.

- Nagbabala si Jesus na sa Araw ng paghuhukom, maraming tao na gumawa ng mga dakilang gawa para sa Diyos ngunit tatanggihan ng Diyos at hindi papasukin sa langit (Mateo 7:21-23). Ang dahilan ay hindi sila “kinikilala” ni Jesus. Wala silang relasyon sa Kanya. Mayroon lamang silang “mabubuting gawa” na hindi sapat.

- Tinapos ni Jesus ang Sermon sa Bundok sa isang malinaw na deklarasyon na Siya lamang ang pundasyon para sa pagtatatag ng buhay panrelihiyon ng tao (Mateo 7:24-27). Ito ay isang panawagan na magtiwala na sapat “ang mga katuruan Kong ito” para itakwil ang lahat ng ibang pundasyon.

Sa paglalagom, buong ingat na giniba ng Sermon sa Bundok ang relihiyon ng mabubuting gawa ng mga Pariseo, itinuturo ang isang kabanalan na higit kaysa sa ating katuwiran, at iniaalok angKanyang sarili bilang tanging basehan ng relihiyon. Ang pagtanggap sa mga sinasabi ni Jesus sa sermong ito ay nangangailangan ng pananampalataya sa Kanyang Persona.

Nagpatuloy ang Ebanghelyo ni Mateo para bigyang diin ang pananampalataya sa mga sumusunod na talata: Mateo 8:10, 13, 26; 9:2, 22, 28-29; 12:21; 13:58; 14:31; 15:28; 16:8; 17:17; at 18:6. Gayundin, isinama ni Mateo ang isang napakalinaw na presentasyon kay Jesus bilang Anak ng Diyos sa mga talatang ito: " Tinanong ulit sila ni Jesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?” Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit’" (Mateo 16:15-17).

Ang Ebanghelyo ni Markos ay naglalaman ng mga sumusunod na pagbanggit sa pananampalataya kay Cristo: Markos 1:15; 2:5; 4:40; 5:34, 36; 6:6; 9:19, 23, 42; 10:52; 11:23; at 16:14. Sa Ebanghelyo ni Lukas makikita natin ang tatlong talata na nagsusulong sa pananampalataya kay Cristo: Lukas 5:20; 7:9, 50; 8:12, 25, 48, 50; 9:41; 12:28, 46; 17:19; 18:8, 42; at 24:25. Habang itinuturing natin ang Kasulatan bilang isang buong aklat, makikita natin na may iisa lamang mensahe ng kaligtasan. Ang Apat na Ebanghelyo ang nagbibigay diin sa basehan para sa mensaheng iyon.

Ang mga sulat ng mga Apostol na sumunod sa mga Ebanghelyo ay nagpapaliwanag ng parehong tema: kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo. Ang kapansin-pansin at hayag na tema ng aklat ng Roma ay ang katuwiran na nanggagaling sa Diyos at ang doktrina ng pagpapawalang sala sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Binibigyang pansin sa aklat ng Hebreo ang pag-iral ni Jesus bago Siya nagkatawang tao at ang Kanyang perpektong kabanalan kung kanino “nakasalalay ang ating pananampalataya mula simula hanggang katapusan" (Hebreo 12:2). Ang 1 at 2 Corinto, Efeso, Filipos, 1 at 2 Tesalonica ay mga sulat ni Pablo sa mga pastor na sina Timoteo at Tito, ang sulat ni Pablo kay Felimon, ang Santiago, 1 at 2 Pedro ay naglalarawang lahat na ang pamumuhay ng banal, sa personal at sa iglesya, at ang pag-asa para sa hinaharap ay natural na resulta ng buhay kay Cristo. Paulit-ulit na itinuturo sa tatlong sulat ni Juan ang mga pangunahing katuruan tungkol sa pananampalataya at ang babala sa mga nagdududa sa mga katuruang ito. Ito rin ang pangunahing tema ng aklat ni Judas. Itinuturo sa aklat ng Pahayag, ang huling aklat sa Bagong Tipan ang huling yugto sa gawain ng plano ng Diyos para sa sangkatauhan at ang maluwalhating hantungan ng mga nanghahawak sa parehong pananampalataya na ipinaliwanag sa kabuuan ng Bagong Tipan—ang pananampalataya kay Cristo lamang.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit tila nagpiprisinta ang apat na Ebanghelyo ng mensaheng kakaiba sa mensahe ng ibang mga aklat sa Bagong Tipan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries