settings icon
share icon
Tanong

Ang epekto ba ng kaligtasan ay para sa kabilang buhay lamang?

Sagot


Lagi nating binibigyang diin kung paanong binabago ng kaligtasan ang buhay pagkatapos ng kamatayan ngunit nakakaligtaan natin kung paano nito dapat na naaapektuhan ang ating buhay sa kasalukuyan. Ang paglapit kay Kristo sa pananampalataya ang “bukal ng tubig” sa ating buhay sa maraming kaparaanan – sa oras na maranasan natin ang kaligtasan. Pinalaya tayo mula sa ating mga kasalanan at binigyan ng bagong buhay at bagong pananaw. Gaya ng sinabi ni John Newton, “Dati akong naligaw ngunit ngayon ay natagpuan, dating bulag ngunit ngayon ay nakakakita.” Pagkatapos nating maligtas, nagbabago ang lahat sa ating buhay.

Sa mga sulat ng mga apostol, makikita rin natin ang balanseng diin sa ating pang araw-araw na buhay. Ayon sa Efeso 2:10, ang dahilan kung bakit tayo iniligtas ay hindi lamang upang gugulin ang walang hanggan sa langit kundi, “para sa mabubuting gawa, na mga inihanda ng Dios nang una upang siya nating lakaran.” Ang mabubuting gawa ay dapat gawin sa mundong ito, hindi sa kabilang buhay. Kung ang ating walang hanggang kaligtasan ay hindi nasasalamin sa ating pangaraw-araw na buhay, tiyak na may problema sa atin.

Sumulat si Santiago upang isapamuhay ng mga mananampalataya ang kanilang pananampalataya. Ang ating kaligtasan ay dapat na magbunga sa pagkakaroon ng kontrol sa ating dila (Santiago 1:26) at iba pang pagbabago sa ating buhay. Ang pananampalataya na walang gawa ay patay (Santiago 2:20). Isinulat ni Pablo sa 1 Tesalonica 2:12 na dapat tayong “magsilakad ng nararapat sa Dios, na siyang tumawag sa inyo sa kaniyang sariling kaharian at kaluwalhatian.” Ang isang buhay na isinuko sa Diyos at ang pagiging masunurin sa Kanya ay normal na resulta ng kaligtasan. Itinuro ni Hesus na tayo ay Kanyang mga alipin, na inilagay dito sa lupa upang ipagpatuloy ang Kanyang misyon habang hinihintay natin ang Kanyang muling pagparito (Lukas 19:12–27).

Sa aklat ng Pahayag, nagpadala ang Diyos ng sulat sa pitong iglesya (Pahayag 2—3), at sa bawat sulat, may mga partikular na apeto sa pang araw-araw na pamumuhay na kung hindi pinuri ay kinondena. Kinilala ang iglesya sa Efeso dahil sa kanilang sipag at pagtitiis at ang iglesa sa Esmyrna naman ay pinuri dahil sa kanilang katapatan sa gitna ng pagsubok at mga kahirapan. Sa kabilang banda, sinaway naman ang iglesya sa Pergamus sa pagkunsinti sa mga maling doktrina, at sinaway din ang iglesya sa Tyatira dahil sa kanilang pagsunod sa isang bulaang guro na namumuhay sa sekwal na imoralidad. Malinaw ayon sa Panginoong Hesus, na hindi lamang ang buhay sa kabila ang dapat na maapektuhan ng kaligtasan kundi maging ang pang araw-araw na buhay ng mga mananampalataya dito sa lupa.

Ang kaligtasan ay pasimula ng isang bagong yugto ng isang bagong buhay (2 Corinto 5:17). Kaya ng Diyos na ibalik at buuing muli ang isang buhay na sinira ng kasalanan. Sa Joel 2:25, sinabi ng Diyos sa Israel na pinadalhan Niya sila ng hatol dahil sa kanilang mga kasalanan, kaya Niyang isauli “ang mga taon na kinain ng balang, ng uod, at ng kuliglig” noong magbalik loob sa Kanya ang Israel at magsisi sa kanilang mga kasalanan. Inulit din ang parehong pangako sa Zacarias 10:6. Hindi nangangahulugan na magiging maligaya at malaya sa mga problema ang buhay ng isang iniligtas ng Diyos. May mga pagkakataon na hinahayaan ng Diyos na dumaan tayo sa mga kahirapan bilang paalala ng malaking kabayaran para sa kasalanan at paalala na kailangan nating magtiwala sa Kanya sa lahat ng oras. Ngunit hinaharap natin ang mga kahirapan ng may panibagong perspektibo at lakas mula sa Diyos. Sa katunayan, ang mga kahirapan na ating tinitiis ay kaloob ng Diyos upang lumago tayo sa ating pananampalataya at mahubog tayo upang maging pagpapala sa iba (2 Corinto 1:4–6; 12:8–10).

Sa ministeryo ni Hesus, ang lahat ng lumapit sa Kanya sa pananampalataya ay nabago ng pangwalang hanggan. Ang taong inalihan ng demonyo sa Decapolis ay umuwi na isa ng mangangaral (Markos 5:20). Muling nakabalik sa kanilang pamilya ang mga dating ketongin na malinis at nagagalak (Lukas 17:15–16). Naging mga alagad ang mga mangingisda (Mateo 4:19), naging pilantropo ang mga publikano, at naging banal ang mga makasalanan (Lukas 19:8–10). Naligtas tayo sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8), at ang pagbabagong dulot ng kaligtasan ay naguumpisa ngayon. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang epekto ba ng kaligtasan ay para sa kabilang buhay lamang?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries