settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na ang kaligtasan ay isang kaloob o regalong mula sa Diyos?

Sagot


Ang salitang kaloob ay napakahalaga sa Bibliya at mahalagang maunawaan natin ang implikasyon at kahulugan nito.

Sa Bagong Tipan, may ilang salitang Griyego na isinalin sa salitang “kaloob.” Ang ilan sa mga salitang ito ay ginamit maliban sa kaloob ng Diyos na kaligtasan sa ibang konteksto gaya ng pagtanggap at pagbibigayan ng regalo ng mga nagdiriwang (Pahayag 11:10), mga bagay na tinanggap ng anak mula sa kanyang tatay (Mateo 7:11), kaloob sa isang ministeryo (Filipos 4:17), at mga regalo mula sa mga pantas na lalaki (Mateo 2:11).

Gayunman, pagdating sa mga bagay tungkol sa ating kaligtasan, ginamit ng mga manunulat ng mga aklat sa Bagong Tipan ang naiibang salitang Griyego—mga salitang nagbibigay diin sa mabiyaya at ganap na libreng katangian ng kaloob. Narito ang dalawang salita na karaniwang ginagamit para sa kaloob ng kaligtasan:

1) Dorea, na ang ibig sabihin ay “isang libreng kaloob.” Ang salitang ito ay partikular na nagbibigay diin sa mabiyayang kalikasan ng kaloob—ito ay isang bagay na ibinigay ng higit at mas mataas kaysa sa inaasahan o karapatan. Ang bawat pangyayari sa Bagong Tipan kung saan ginamit ang salitang ito ay may kaugnayan sa isang espiritwal na kaloob mula sa Diyos. Ito ang iniaalok ni Jesus sa Samaritana sa tabi ng balon (Juan 4:10). Ito ang hindi “mailarawang kaloob” sa 2 Corinto 9:15. Ang mabiyayang kaloob na ito ay ipinakilala bilang ang Banal na Espiritu sa Gawa 2:38; 8:20; at 11:17.

Ang anyong pang-abay para sa salitang ito ay dorean, na isinalin sa salitang “walang bayad” sa Mateo 10:8; 2 Corinto 11:7; Pahayag 21:6; 22:17. Sa Roma 3:24, pagkatapos na ipahayag ng Diyos an gating kasalanan, ginamit ang salitang dorean: "Ngunit dahil sa kanyang kagandahang-loob na WALANG BAYAD niyang ibinigay, sila ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang nagpapalaya sa kanila." Ang kaloob ng kaligtasan ay libre, at ang motibo para sa kaloob na ito ay walang iba kundi ang biyaya ng Nagbibigay.

2) Charisma, na ang ibig sabihin ay "isang kaloob ng biyaya."Ang salitang ito ay ginamit para ipaliwanag ang kaligtasan sa Roma 5:15-16. Gayundin sa Roma 6:3: "Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon." Ang parehong salitang ito ay ginamit ng may kaugnayan sa mga kaloob ng Espiritu na tinatanggap pagkatapos na maranasan ng tao ang kaligtasan (Roma 12:6; 1 Timoteo 4:14; 2 Timoteo 1:6; 1 Pedro 4:10).

Kapansin-pansin na kung ang isang bagay ay isang “kaloob ng biyaya,” hindi ito maaaring bayaran. Ang pagtatrabaho para makamtan ang isang bagay ay maging karapatdapat para sa bagay na iyon at iyon ay lilikha ng isang obligasyon—isang kaloob ng utang. Ito ang dahilan kung bakit sinisira ng mga gawa ang biyaya (Roma 4:1-5; 11:5-6).

Sa pagtuturo tungkol sa doktrina ng kaligtasan, maingat na pumili ng mga salita ang mga manunulat ng Bagong Tipan na nagbibigay diin sa biyaya at kalayaan. Ang resulta ay isang napakalinaw na katuruan ng Bibliya—ang kaligtasan ay ganap na walang bayad, ang tunay na kaloob ng Diyos kay Cristo, at ang ating tanging responsibilidad ay tanggapin ang kaloob sa pamamagitan ng pananampalataya (Juan 1:12; 3:16; Efeso 2:8-9).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na ang kaligtasan ay isang kaloob o regalong mula sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries