Tanong
Ano ang relasyon sa pagitan ng kaligtasan at kapatawaran?
Sagot
Noong kilalanin natin si Jesus bilang ating Tagapagligtas, tumanggap tayo ng kaligtasan at kapatawaran. Ngunit hindi lamang iyon. Sinasabi ng Bibliya na tayo rin ay pinawalang sala, tinubos, ipinagkasundo sa Diyos, nilinis, at muling binuhay sa espiritu. Ang bawat isa sa mga terminolohiyang ito sa teolohiya ay nagpapahayag ng mga kahanga-hangang katotohanan tungkol sa pagpapalang ating tinanggap nang si Jesus ay ating maging Tagapagligtas. Ang kaligtasan at kapatawaran, habang may kaugnayan sa isa’t isa ay hindi eksaktong magkapareho.
Ang salitang “kaligtasan” ay nagmula sa salitang Griyegong sozo na ang ibig sabihin ay “maligtas,” “malibre.” Ang kaligtasan ay pagkalibre sa kaparusahan ng kasalanan, na walang hanggang pagkahiwalay sa habag ng Diyos (Roma 6:23; Mateo 25:46). Ang kaligtasan ay pagsagip sa atin ng Diyos mula sa ating nararapat na kapalaran. Kasama din sa kaligtasan ang isang agarang pagkaligtas mula sa kapangyarihan ng kasalanan sa buhay na ito. Nawalan na ng kapamahalaan ang kasalanan sa mga iniligtas ng Diyos (Roma 6:14). Ang pananampalataya kay Jesus ang nagliligtas sa atin mula sa hungkag at walang kabuluhang buhay na inilarawan sa aklat ng Ecclesiastes at nagbibigay sa atin ng isang buhay na masagana at mabunga (Juan 10:10; Galacia 5:22–23).
Ang salitang kapatawaran naman ay nagmula sa salitang Griyegong aphiemi, na ang ibig sabihin ay “pawalan, isuko, hindi na itabi.” Nang patawarin tayo ni Jesus, ang ating mga kasalanan, pagsalangsang, karumihan at pagsuway ay napawi na at binura sa listahan. Ang kapatawaran ng kasalanan ay katulad sa utang na nabayaran na. Nang patawarin tayo ng Diyos sa ating mga kasalanan, tayo ay malaya na. Hindi na tayo kagagalitan pa ng Diyos kailanman (Awit 103:12).
Ang kaligtasan at kapatawaran ay malapit ang kaugnayan sa sa’t isa. Walang kaligtasan kung walang kapatawaran. Ang kaligtasan ay pagsagip sa atin sa mga konsekwensya ng kasalanan. Ang pagpapatawad ay pagpawi ng Diyos sa ating mga utang. Kung gagamitin ang isang ilustrasyong pinansyal, ang pagpapatawad ay katulad sa pagpunit sa maliliit na piraso sa isang listahan ng utang at ang kaligtasan naman ay pagpapalaya sa nagkautang mula sa kulungan. Purihin ang Diyos dahil sa kahanga-hangang kaligtasan at kapatawaran na Kanyang ipinagkaloob. Nawa masalamin sa ating mga buhay ang pasasalamat sa lahat ng Kanyang mga ginawa para sa atin (Roma 12:1).
English
Ano ang relasyon sa pagitan ng kaligtasan at kapatawaran?