Tanong
Ano ang kaligtasan sa pagpapasakop kay Hesus bilang Panginoon (Lordship salvation)?
Sagot
Ang doktrinang “Lordship Salvation” ay ang katuruan na ang pagpapasakop kay Kristo bilang Panginoon ay kasabay ng pagtitiwala kay Hesus bilang Tagapagligtas. Ang “Lordship Salvation” o kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapasakop kay Hesus bilang Panginoon ay kabaliktaran ng tinatawag na “easy-believism” o kaligtasan sa pamamagitan ng isang panalangin o pagsangayon sa ilang katotohanan tungkol kay Hesus.
Inilatag ni John MacArthur sa Kanyang aklat na “The Gospel According to Jesus” ang katuruan ng lordship salvation sa ganitong paraan: “Ang tawag ng Ebanghelyo sa pananampalataya ay nagpapahiwatig na dapat na magsisi ang mga makasalanan sa kanilang mga kasalanan at magpasakop sa awtoridad ni Hesus.” Sa ibang salita, ang isang makasalanan na tumatangging magsisi ay hindi ligtas, dahil hindi maaaring hindi siya sabay na magsisi sa kanyang kasalanan at tumanggap kay Hesus. Ang isang makasalanan na tumatanggi sa awtoridad ni Kristo sa kanyang buhay ay walang pananampalatayang nagliligtas, dahil ang tunay na pananampalataya ay magtutulak sa tao na sumuko sa Diyos. Kaya nga, ang pagtanggap sa Ebanghelyo ay nangangailangan hindi lamang ng paggawa ng desisyon sa isipan o pagsambit sa isang panalangin; ang mensahe ng Ebanghelyo ay isang tawag sa pagiging alagad ni Kristo. Tiyak na susunod at magpapasakop ang mga tupa sa kanilang pastol.
Ginagamit ng mga nagsusulong ng “lordship salvation” ang paulit ulit na babala ni Hesus sa mga ipokritong relihiyoso ng Kanyang panahon bilang katibayan na ang simpleng pagsang-ayon sa mga espiritwal na katotohanan ay hindi makakapagligtas sa isang tao. Kailangan na may maganap na pagbabago sa puso ng tao. Binigyang diin ng Panginoong Hesu Kristo ang halaga ng pagiging alagad: “Sinomang hindi nagdadala ng kaniyang sariling krus, at sumusunod sa akin, ay hindi maaaring maging alagad ko” (Lukas 14:27), at “Kaya nga sinoman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad ko” (tal. 33). Sa parehong kabanata, sinabi ni Hesus ang halaga ng pagiging alagad; at sa iba pang mga talata sa Bibliya, binigyang diin Niya ang pagtatalaga ng buong buhay: “Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Jesus, Walang taong pagkahawak sa araro, at lumilingon sa likod, ay karapatdapat sa kaharian ng Dios” (Lukas 9:62).
Sa Kanyang sermon sa Bundok, sinabi ni Hesus na makipot ang daan patungo sa buhay at “kakaunti” lamang ang makasusumpong niyon” (Mateo 7:14); sa kabaliktaran, pinalalawak ng easy-believism ang daan upang ang sinumang magpahayag ng simpleng pananampalataya ay makapasok sa langit. Sinabi ni Hesus na ang “bawat punong mabuti ay mamumunga ng mabuti” (tal. 17); sa kabaliktaran itinuturo ng easy-believism na ang isang puno ay maaari pa ring maging mabuti kahit na walang ibinubunga kundi pawang masasama. Sinabi ni Hesus na marami ang magsasabi sa Kanya ng “Panginoon, Panginoon” ngunit hindi makapapasok sa kaharian (tal. 21–23); sa kabaliktaran itinuturo ng easy-believism na sapat na ang pagsasabi kay Hesus ng “Panginoon, Panginoon.”
Itinuturo ng kaligtasan sa pamamagitan pagpapasakop kay Hesus bilang Panginoon na ang tunay na kapahayagan ng pananampalataya ay may kalakip na ebidensya ng pananampalataya. Kung ang isang tao ay tunay na nagpapasakop sa Panginoon, tiyak na susundin niya ang Kanyang mga utos. Ang isang taong namumuhay sa tahasang pagkakasala ng walang pagsisisi ay hindi tunay na sumusunod kay Kristo dahil tinawag tayo ni Kristo mula sa kasalanan patungo sa katuwiran. Tunay na malinaw na itinuturo ng Bilbliya na ang pananampalataya kay Kristo ay magreresulta sa isang binagong buhay (2 Corinto 5:17; Galacia 5:22–23; Santiago 2:14–26).
Ang kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapasakop kay Kristo bilang Panginoon ay hindi kaligtasan sa pamamagitan ng gawa. Maingat ang mga nagsusulong ng katuruang ito sa pagtuturo na ang kaligtasan ay sa biyaya lamang ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya, at naligtas ang mananampalataya bago pa magbunga ng mabubuting gawa ang kanilang pananampalataya at nagkakasala pa rin ang mga mananampalataya. Gayunman, tiyak na magbabago ang buhay ng isang tunay na mananampalataya. Ang mga tunay na naligtas ay magtatalaga ng kanilang buhay sa kanilang Tagapagligtas. Ang isang tunay na mananampalataya ay hindi matatatahimik habang mayroon siyang kasalanang hindi pinagsisisihan at tinatalikuran.
Ito ang siyam na katuruan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapasakop kay Kristo bilang Panginoon na nagpapakita ng malaking kaibahan nito sa easy-believism o kaligtasan sa pamamagtan ng simpleng paniniwala at kapahayagan ng pananampalataya o pagsunod sa isang panalangin.
1) Ang pagsisisi ay hindi kasingkahulugan ng pananampalataya. Itinuturo sa Kasulatan na dapat na sumampalataya ang makasalanan kasabay ang pagsisisi (Gawa 2:38; 17:30; 20:21; 2 Pedro 3:9). Ang pagsisisi ay pagtalikod sa kasalanan (Gawa 3:19; Lukas 24:47), at ito man ay kaloob ding mula sa Diyos (2 Timoteo 2:25). Ang tunay na pagsisisi ay napatutunayan kung ang isang tao ay magpapasakop kay Kristo bilang kanyang Panginoon at tiyak na magreresulta sa pagbabago ng buhay ng tao (Lukas 3:8; Gawa 26:18–20).
2) Ang isang Kristiyano ay isang bagong nilalang at hindi titigil sa pananampalataya at mawawala ang kaligtasan. Ang pananampalataya mismo ay kaloob ng Diyos (Efeso 2:1–5, 8), at ang tunay na pananampalataya ay mananatili hanggang wakas (Filipos 1:6). Ang kaligtasan ay gawa ng Diyos mula umpisa hanggang wakas at walang ambag na anuman ang tao. Ang mga sumampalataya kay Kristo bilang Panginoon ay naligtas ng hiwalay sa kanilang sariling gawa at kakayahan (Tito 3:5).
3) Ang pinaguukulan ng pananampalataya ay si Kristo lamang, hindi ang pangako ng tao, isang panalangin o saligan ng pananampalataya (Juan 3:16). Ang pananampalataya ay kinapapalooban ng personal na pagtatalaga ng sarili kay Kristo (2 Corinto 5:15). Higit ito sa simpleng paniniwala sa katotohanan ng Ebanghelyo; ito ay ang pagtalikod sa mundo at pagsunod sa Panginoon. Sinabi ng Panginoong Hesus, “Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking nakikilala, at sila'y nagsisisunod sa akin” (Juan 10:27).
4) Ang tunay na pananampalataya ay laging nagreresulta sa isang binagong buhay (2 Corinto 5:17). Ang panloob na katauhan ng isang tao ay binabago ng Banal na Espiritu (Galacia 2:20), at may bagong kalikasan (Roma 6:6) ang isang Kristiyano. Ang mga nagtataglay ng tunay na pananampalataya – ang mga nagpasakop kay Kristo bilang kanilang Panginoon – ay sumusunod kay Kristo (Juan 10:27), umiibig sa mga kapatid (1 Juan 3:14), sumusunod sa mga utos ng Diyos (1 Juan 2:3; Juan 15:14), ginagawa ang kalooban ng Diyos (Mateo 12:50), nananatili sa Salita ng Diyos (Juan 8:31), iniingatan ang salita ng Diyos sa kanilang puso (Juan 17:6), gumagawa ng mabubuting gawa (Efeso 2:10), at nagpapatuloy sa pananampalataya (Colosas 1:21–23; Hebreo 3:14). Hindi lamang idinadagdag ng isang tunay na Kristiyano si Hesus sa kanyang mga diyus-diyusan; ang kaligtasan ay pagwasak sa lahat ng diyus-diyusan na taglay ng tao at pagyakap sa walang kapantay na paghahari ni Kristo.
5) Ibinigay sa atin ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan upang makapamuhay tayo ayon sa Kanyang kalooban (2 Pedro 1:3; Roma 8:32). Ang kaligtasan kung ganoon ay hindi lamang tulad sa isang tiket sa langit. Ito rin ang kasangkapan ng Diyos sa ating pagpapaging banal sa buhay na ito kung saan tayo lumalago sa biyaya ng Diyos.
6) Itinuturo ng Kasulatan na si Hesus ang Panginoon ng lahat. Hinihingi ni Kristo ang walang kundisyong pagsuko sa Kanyang kalooban (Roma 6:17–18; 10:9–10). Ang mga namumuhay sa kasalanan at pagrerebelde laban sa Diyos ay wang buhay na walang hanggan dahil, “Ang Dios ay sumasalansang sa mga palalo, datapuwa't nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba ” (Santiago 4:6).
7) Ang mga tunay na sumasampalataya kay Kristo ay umiibig sa Kanya (1 Pedro 1:8–9; Roma 8:28–30; 1 Corinto 16:22). At likas na binibigyang kasiyahan natin ang ating mga iniibig (Juan 14:15, 23).
8) Itinuturo sa Kasulatan na ang gawa ay isang mahalagang tanda ng pananampalataya. Ang pagsunod ay isang ebidensya na tunay ang pananampalataya ng isang tao (1 Juan 2:3). Kung nananatiling hindi sumusunod ang isang tao kay Kristo, iyon ay tanda na ang kanyang pananampalataya ay hanggang sa nguso lamang (1 Juan 2:4). Maaring angkinin ng isang tao na si Hesus ang kanyang Tagapagligtas at magkunwaring sumusunod sa ilang panahon, ngunit kung walang pagbabago sa kanyang puso, malalantad din sa huli ang kanyang tunay na kalikasan. Ito ang nangyari kay Judas Iscariote.
9) Maaaring madapa at bumagsak ang isang tunay na mananampalataya sa pagkakasala, ngunit babangon siyang muli at magpapatuloy sa pananampalataya (1 Corinto 1:8). Ito ang nangyari kay Simon Pedro. Ang isang nagaangkin na siya’y isang mananampalataya ngunit ganap na tumalikod palayo kay Kristo sa huli ay nagpapakilala na hindi siya tunay na isinilang na muli sa umpisa pa lamang (1 Juan 2:19).
Ang isang taong iniligtas mula sa kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo ay hindi magnanais na patuloy na mamuhay sa pagkakasala (Roma 6:2). Maaaring ang paglago ay maganap ng mabagal o mabilis, depende sa tao at sa kanyang katayuan sa buhay at maaaring hindi rin agad napapansin ang pagbabago sa mga nakakakita. Ngunit sa huli, alam ng Diyos kung sinu-sino ang Kanyang mga tupa, at palalaguin Niya sila ayon sa Kanyang perpektong panahon at kalooban.
Posible ba na maging Kristiyano at manatili sa isang buhay ng pagkakasaIa, nasisiyahan sa isang buhay na malayo sa Diyos at hindi nagnanais na luwalhatiin ang Panginoon na tumubos sa Kanya? Maaari bang tanggihan ng isang makasalanan ang pagiging Panginoon ni Kristo ngunit patuloy na angkinin na si Kristo ang kanyang Tagapagligtas? Maaari bang manalangin ng pagtanggap ang isang tao at magpatuloy sa kanyang buhay na parang walang nangyari at tawagin ang kanyang sarili na isang “Kristiyano?” Sinasabi ng Lordship Salvation na “Hindi!” Huwag nating bigyan ng huwad na pag-asa ang hindi nagsisising makasalanan; sa halip, ipahayag natin ang buong kalooban ng ng Diyos: “Dapat kang isilang na muli” (Juan 3:7). English
Ano ang kaligtasan sa pagpapasakop kay Hesus bilang Panginoon (Lordship salvation)?