Tanong
Bakit ang kaligtasan sa pamamagitan ng gawa ang karaniwang pinaniniwalaan ng marami?
Sagot
Ang simpleng sagot ay dahil ang kaligtasan sa pamamagitan ng gawa ang tama sa paningin ng tao. Ang isa sa pangunahing kagustuhan ng tao ay ang magkaroon ng kontrol sa kanyang sariling kapalaran, at kasama dito ang kanyang walang hanggang hantungan. Ang kaligtasan sa pamamagitan ng gawa ay umaapela din sa pagnanais ng tao na kontrolin ang kanyang kapalaran higit sa ideya ng kaligtasan sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. Gayundin, may likas na pagkagusto ang tao sa hustisya. Kahit na ang pinakamasugid na ateista ay naniniwala sa isang uri ng hustisya at may pangunawa sa tama at mali kahit na wala siyang moral na basehan sa paghatol. Ang ating likas na pandama sa tama at mali ay nagtutulak din sa atin na humingi ng katarungan na kung maliligtas tayo, dapat na mas marami ang ating “mabubuting gawa” kaysa sa ating “masasamang gawa.” Kaya nga, natural lamang na gumawa ng kanyang sariling relihiyon ang tao na nasasangkapan ng isang uri ng kaligtasan sa pamamagitan ng gawa.
Dahil ang kaligtasan sa pamamagitan ng gawa ay kanais-nais para sa makasalanang kalikasan ng tao, ito ang basehan ng halos lahat na relihiyon maliban sa Biblikal na Kristiyanismo. Sinasabi sa atin sa Kawikaan 14:12, “may daang tila matuwid sa tingin ng tao, ngunit kamatayan ang dulo nito.” Mukhang tama para sa tao ang kaligtasan sa pamamagitan ng gawa, kaya ito ang pinaniniwalaan ng karamihan ng relihiyon. Ito ang mismong pagkakaiba ng Biblikal na Kristiyanismo sa lahat ng relihiyon – ito ang tanging relihiyon na nagtuturo na ang kaligtasan ay kaloob na walang bayad ng Diyos at hindi dahil sa ating mga gawa. “Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios; Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri” (Efeso 2:8–9).
Ang isa pang dahilan kung bakit ang kaligtasan sa pamamagitan ng gawa ang pinaniniwalaan ng nakararami ay dahil sa walang kakayahan ang taong walang Espiritu ng Diyos na maunawaan ang lalim at lawak ng kanyang pagiging makasalanan at ang kabanalan ng Diyos. “Ang puso ay magdaraya ng higit kay sa lahat na bagay, at totoong masama: sinong makaaalam?” (Jeremias 17:9), samantalang walang hanggan naman ang kabanalan ng Diyos (Isaias 6:3). Ang pandaraya ng ating puso ang mismong nagpapadilim sa ating pangunawa kung hanggang saan ang pandarayang ito at siyang humahadlang sa atin na makita ang ating tunay nating kalagayan sa harapan ng Diyos na hindi rin natin maunawaan ang taglay na kabanalan. Ngunit nananatili ang katotohanan na ang ating karumihan at ang kabanalan ng Diyos ang dahilan kung bakit ang ating “mabubuting gawa” ay pawang “maruming basahan” lamang sa Kanyang harapan (Isaias 64:6; 6:1–5).
Ang kaisipan na kayang ibalanse ng kabutihan ng tao ang kanyang kasamaan ay isang konsepto na hindi sinasang-ayunan ng Bibliya. Hindi lamang ito, itinuturo din ng Bibliya na ang pamantayan ng Diyos sa kabanalan ay perpektong isandaang porsyento. Kung susuway tayo kahit sa isang utos ng Diyos, nasuway na rin natin ang lahat ng Kanyang mga utos (Santiago 2:10). Kaya nga, walang tayong pag-asang maligtas kung nakasalalay ito sa ating mga gawa.
Ang isa pang dahilan kung bakit nakapasok sa maraming denominasyon ang katuruan ng kaligtasan sa pamamagitan ng gawa ay ang maling pangunawa sa mga talata sa Bibliya gaya ng Santiago 2:24: “Nakikita ninyo na sa pamamagitan ng mga gawa'y inaaring ganap ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.” Kung titingnan ang konteksto ng buong kabanata, malinaw na hindi itinuturo ni Santiago na ang ating mga gawa ang magpapaging matuwid sa atin sa harapan ng Diyos; sa halip, binibigyang linaw niya na ang tunay na pananampalatayang nagliligtas ay makikita sa mga gawa. Ang isang tao na nagaangkin ng pagiging Kristiyano ngunit namumuhay sa tahasang pagsuway kay Kristo ay “patay” ang pananampalataya at hindi tunay na naligtas. Pinaghahambing ni Santiago ang dalawang uri ng pananampalataya – ang tunay na pananampalataya na nagliligtas at ang huwad na pananampalataya na patay o baog.
Lubhang napakarami ng mga talata sa Bibliya na nagtuturo na hindi naliligtas ang tao sa pamamagitan ng gawa. Ang Tito 3:4–5 ang isa sa mga ito: “Nguni't nang mahayag na ang kagandahang-loob ng Dios na ating Tagapagligtas, at ang kaniyang pagibig sa tao, na hindi dahil sa mga gawa sa katuwiran na ginawa nating sarili, kundi ayon sa kaniyang kaawaan ay kaniyang iniligtas tayo, sa pamamagitan ng paghuhugas sa muling kapanganakan at ng pagbabago sa Espiritu Santo.” Hindi makakapagambag ang mabubuting gawa sa kaligtasan ng tao, ngunit ang paggawa ng mabuti ay laging ebidensya na ang isang tao ay tunay na isinilang na muli. Hindi ang mabubuting gawa ang dahilan ng kaligtasan; ang mga ito ang ebidensya ng kaligtasan.
Habang ang kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa ang pinaniniwalaan ng nakararami, hindi ito ang tamang katuruan ayon sa Bibliya. Naglalaman ang Bibliya ng napakaraming ebdiensya na ang kaligtasan ay sa biyaya lamang, sa pamamagitan ng pananampalataya lamang at tanging kay Kristo lamang (Efeso 2:8–9). English
Bakit ang kaligtasan sa pamamagitan ng gawa ang karaniwang pinaniniwalaan ng marami?