Tanong
Ano ang paraan ng kaligtasan sa Lumang Tipan?
Sagot
Ang tanong kung paano naliligtas ang tao sa Lumang Tipan ay nagdudulot ng kalituhan sa iba. Alam naman natin na sa panahon ng Bagong Tipan, ang kaligtasan ay makakamtan dahil sa kagandahang loob sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo (Juan 1:12; Efeso 2:8-9). Si Jesus ang Daan (Juan 14:6). Ngunit, ano ba ang daan bago dumating si Cristo?
Ang karaniwang maling pangunawa sa paraan ng kaligtasan sa Lumang Tipan ay ang paniniwala ng mga Hudyo na ayon sa kanila ay maliligtas sila sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan. Ngunit alam natin na ito ay hindi totoo ayon sa Biblia. Ganito ang sinasabi sa Galacia 3:11, "Malinaw na walang taong pinapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang pinawalang-sala ay mabubuhay dahil sa pananampalataya." Marahil ay itinuturing ng iba na ang mga talatang ito ay sa Bagong Tipan lamang maaaring ilapat, ngunit ito ay sinipi ni Pablo mula sa Habakuk 2:4-kayat ang prinsipyo ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya ng hiwalay sa pagsunod sa kautusan ay makikita sa Lumang Tipan. Ipinaunawa ni Pablo na ang layunin ng kautusan ay upang magsilbing "tagapagturo na maglalapit sa atin kay Cristo, upang tayo ay mapawalang sala sa pamamagitan ng pananampalataya" (Galacia 3:24). Sa Roma 3:20 ay tinukoy din ni Pablo na ang pagsunod sa kautusan ay hindi makapagliligtas maging sa mga Hudyo sa Luma o Bagong Tipan dahil "walang sinumang itinuring na matuwid sa Kanyang paningin sa pamamagitan ng pagtupad sa kautusan." Sapagkat ang kautusan ay ibinigay hindi upang maligtas ang sinuman kundi upang ang tao ay magkaroon ng "kamalayan sa kasalanan."
Ngunit paano nga ba naliligtas ang tao noon kung hindi naman ang pagtupad sa kautusan ang paraan ng kaligtasan sa Lumang Tipan? Mabuti na lang at ang sagot sa tanong na iyan ay madaling matatagpuan sa Banal na Kasulatan, kayat hindi tayo dapat magalinlangan sa kung ano ba paraan ng kaligtasan sa Lumang Tipan. Binigyang linaw ni Pablo sa Roma 4 na ang paraan ng kaligtasan sa Lumang Tipan ay katulad ng sa Bagong Tipan na dahil sa kagandahang loob lamang ng Diyos, sa pamamagitan lamang ng pananampalataya, at sa pamamagitan lamang ni Cristo. At upang ito ay patunayan, ipinaalala sa atin ni Pablo si Abraham, na naligtas dahil sa pananampalataya: "Ano ang sinasabi ng kasulatan? “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos; at dahil dito, siya ay itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid" (Roma 4:3). Ang mga talatang ito ay sinipi ni Pablo sa Lumang Tipan (Genesis 15:6) upang patunayan ang kanyang punto. Hindi sana naligtas si Abraham kung ang batayan ng kaligtasan ay pagtupad sa kautusan, sapagkat siya ay nabuhay na apat na raang taon bago pa ibigay ang kautusan! Kaugnay niyan, ipinakita rin ni Pablo na si David ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya (Roma4:6-8, tinutukoy niya ang Awit 32:1-2). At patuloy niyang pinatunayan na ang paraan ng kaligtasan sa Lumang Tipan ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. Sa Roma 4:23-24 ay ganito ang kanyang sinulat, "Ang salitang “itinuring na matuwid” ay hindi lamang para sa kanya, kundi para sa atin din naman. Tayo rin ay mapapawalang-sala kung tayo'y sumasampalataya sa Diyos na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon." Sa madaling salita ang pagiging matuwid ay "iginagawad" sa taong may tunay na pananampalataya sa Diyos, gaya ni Abraham at David, at tayo ay mayroong magkakatulad na paraan ng kaligtasan.
Karamihan sa paksang tinatalakay sa Roma at Galacia ay tumutukoy sa katotohanan na mayroon lamanang iisang daan ng kaligtasan at iisang mensahe ng Ebanghelyo. Mula pa man noon sa buong kasaysayan ng tao ay sinisikap na nilang pilipitin ang Ebanghelyo sa pamamagitan ng pagdaragdag dito, na kinakailangan ng tao ng gawa upang "magtamo" ng kaligtasan. Ngunit maliwanag ang mensahe ng Biblia na ang kaligtasan ay laging sa pamamagitan lamang ng pananampalataya makakamtan. Sa Lumang Tipan, ito ay pananampalataya sa pangako ng Diyos na Siya ay magpapadala ng Tagapagligtas. Ang mga banal na nabuhay sa panahon ng Lumang Tipan ay umasa at naghintay sa Mesiyas at nagtiwala sa pangako ng Diyos tungkol sa darating na Lingkod ng Panginoon (Isaias 53). Kayat yaong mga nagpakita ng ganoong pananampalataya ay naligtas. Tayo naman ngayon ay nakatingin sa buhay, sa ginawa, sa kamatayan, at muling pagkabuhay ng Tagapagligtas at tayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya sa pagtubos ni Jesu-Cristo sa ating mga kasalanan (Roma 10:9-10).
Kung ganoon, ang Ebanghelyo ay hindi lamang tumutukoy sa mensahe ng Bagong Tipan kundi ito ay naglalaman din maging ng mensahe ng daan ng kaligtasan sa Lumang Tipan: "Inihula na sa Banal na Kasulatan na pawawalang-sala rin ng Diyos ang mga hentil sa pamamagitan ng pananampalataya, at pauna nang ipinahayag kay Abraham ang Ebanghelyo: "Bago pa ito nangyari ay ipinahayag na ng kasulatan na mapapawalang-sala rin ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa kanya at ang Magandang Balitang ito ay inihayag kay Abraham, “Sa pamamagitan mo'y pagpapalain ng Diyos ang lahat ng bansa.” Sumampalataya sa Diyos si Abraham kaya't siya'y pinagpala, at pagpapalain ding tulad niya ang lahat ng nananalig sa Diyos" (Galacia 3:8-9, sinipi sa Genesis 12:3).
Makikita natin na sa Genesis 15:3 pa lamang ay may katibayan na ng pangako ng Diyos tungkol sa pagdating ng Tagapagligtas, at sa kabuuan ng Lumang Tipan mababasa ang daan-daang pangako ng Diyos tungkol sa Mesiyas na Siyang "magliligtas sa kanyang bayan mula sa kanilang kasalanan" (Mateo 1:21; tingnan ang Isaias 53:5-6). Maging ang pananampalataya ni Job ay nakabatay sa katotohanan na alam niyang ang kanyang "Manunubos ay buhay at ipagtatanggol siya nito hanggang wakas" (Job 19:25). Dahil diyan ay masasabi natin na alam ng mga banal sa Lumang Tipan ang pangakong manunubos kaya't sila ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya sa Tagapagligtas, katulad din ng paraan kung paano naliligtas ang mga tao ngayon. Walang ibang daan. Si Jesus lamang, "Ang Jesus na ito, ‘Ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay, ang siyang naging batong-panulukan.’ Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan ng sinumang tao sa buong mundo na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas" (Galacia 4:11-12, mula sa Awit 118:22).
English
Ano ang paraan ng kaligtasan sa Lumang Tipan?