settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pinakamahahalagang bagay na dapat malaman tungkol sa kalikasan ng Diyos?

Sagot


Ang pinakamahalagang aspeto ng kalikasan ng Diyos ay ang kanyang Kabanalan. Ang kahulugan ng salitang Banal ay "ibinukod," dahil dito, ang Diyos ay malinaw na nahihiwalay o nakabukod sa kanyang nilikha kung ang paguusapan ay ang kanyang mga katangian at kalikasan. Ang kabanalan ang pundasyon ng lahat ng aspeto ng katangian ng Diyos. Sinasabi sa Pahayag 15:4 na "ang Diyos lamang ang banal." At sa Pahayag 4:8 naman ay inilalarawan ng apat na nilalang sa kanilang awit araw gabi na, "Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos, ang Makapangyarihan sa lahat, na nabubuhay at nabubuhay at siyang darating." At dahil sa kanyang kabanalan, ang Diyos ay tila "isang apoy na tumutupok" na hahatol sa lahat ng makasalanan (Hebreo 12:29). Ang magagandang doksolohiya ng pagluwalhati sa kabanalan ng Diyos ay matatagpuan sa kabuuan ng Biblia kagaya ng Awit 99:9; Awit 33:21; Awit 77:13; Awit 89:18; Awit 105:3; at marami pang iba.

Mahalaga ring maunawaan na ang Diyos ay walang hanggang espiritu (Juan 4:24). Siya ay iisang Diyos (Deuteronomio 6:4) na patuloy na umiiral bilang tatlong magkakaibang Persona: ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo. Kaya't Siya ay walang pisikal na anyo (subalit ang Anak ay nagkatawang tao). Ang pagtanggi sa Trinidad, at pagtingin sa Diyos Ama bilang tao o kaya'y hindi paniniwala sa pagiging tao at pagka-Diyos ni Cristo ay isang maling doktrina (tingnan ang 2 Juan 1:7).

Ang Diyos, sa kanyang kalikasan, ay makapangyarihan sa lahat. Walang sinumang maaaring humatol sa kanya sapagkat lubos ang kanyang kapangyarihan sa buong kalawakan at lahat nang nakapaloob dito. Ang kanyang walang hanggang kapamahalaan ay nahahayag sa maraming paraan, maging ang kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat. Lahat ng kanyang mga paraan ay matuwid (Awit 145:17), at hindi mahalaga kung paniwalaan man ng tao o hindi na ang mga paraan ng Diyos ay "patas." Ang Diyos ay hindi saklaw o nalilimitahan ng mga panahon at lugar. Siya ay may plano na mula pa sa walang hanggang pasimula at ang lahat ng ito ay tiyak na matutupad (Daniel 4:37; Awit 115:3).

Ang isa pang aspeto ng kalikasan ng Diyos ay ang kanyang hindi pagbabago. Siya ay hindi nagbabago "kahapon, ngayon, at magpakailanman" (Hebreo 13:8). Tahasan niyang ipinahayag sa Malakias 3:6 na, "Ako, ang Panginoon ay hindi nagbabago" at dahil sa kanyang hindi nagbabagong kalikasan, tayo ay makakaasa sa kanyang mga pagpapala: "Ang lahat ng mabuti at ganap na kaloob ay buhat sa Diyos, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nagbabago, o nagpapakita ng bahagya mang pagbabago" (Santiago 1:17).

Ang Kanyang kapamahalaan ay nagsasabi na ang Diyos ay may karapatang gawin ang anumang kanyang naisin at kaya niyang gawin ang lahat ng ito dahil Siya ay walang hanggan ang kapangyarihan. Kaugnay nito, nalalaman din niya ang lahat ng bagay, mula sa walang hanggang pasimula hanggang sa walang hanggang hinaharap, maging ang ating mga iniisip, ginagawa at sinasabi. Nakikilala niya ng personal ang lahat ng taong nabuhay, nabubuhay, at mabubuhay at kilala Niya silang ganap. Kaya naman, nagpapalakas sa ating loob na marinig mula sa salita ng Diyos sa Jeremias 1:5 na, "Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala kita, at bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinapaging banal kita..."

Ngunit huwag nating kalimutan ang poot ng Diyos na dumadaloy mula sa kanyang kabanalan. Siya ay mayroong matuwid na pagkagalit laban sa kasalanan (Awit 7:11), at dahil sa kanyang napipintong paghuhukom, ang mga tao ay kinakailangang makarinig ng Ebanghelyo ng kaligtasan at kagandahang loob ng Diyos. Isang aspeto rin ng kalikasan ng Diyos ay ang pag-ibig (1 Juan 4:16). Dahil sa kanyang pag-ibig, isinugo niya ang kanyang bugtong na Anak na si Jesu Cristo upang tayo ay tubusin (Juan3:16). Tunay na walang ibang ganap na paghahandog maliban sa ginawa ni Cristo. Dahil dito, makikita natin na ang pag-ibig ay hindi lamang katangian ng Diyos kundi Siya mismo ang literal na diwa ng pag-ibig. Inihayag ito sa 1 Juan 4:8, "Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Dios; sapagka't ang Dios ay pagibig." Ang pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan, hindi ito nagbabago sapagkat Siya ay matatag, at ang kanyang pag-ibig ay ganap at banal.

Si Pablo ay nagpahayag ng ganito, "Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan o ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan, ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon" (Roma 8:38-39).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pinakamahahalagang bagay na dapat malaman tungkol sa kalikasan ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries