Tanong
Ano ang layunin ng mga Biblikal na kaloob ng Espiritu na tinatawag na mga mahimalang tanda (sign gifts)?
Sagot
Kung binabanggit ang mga Biblikal na kaloob bilang tanda (sign gifts) tinutukoy natin ang mga himala gaya ng pagsasalita sa ibang mga wika, mga pangitain, himala ng pagpapagaling, pagbuhay sa mga patay at panghuhula. Walang pagdududa kung totoong nangyari ang mga ito sa mga mananampalataya dahil malinaw na inilarawan ito ng Bibliya. May mga hindi pagkakasundo sa pagitan ng mga denominasyon at mananampalataya tungkol sa layunin ng mga mahimalang tanda, gayundin sa argumento kung dapat pa nating maranasan ang mga ito sa ating panahon. May mga nagsasabi na ang mga kaloob na ito ng Espiritu ay ebidensya ng kaligtasan, samantalang may iba namang nagsasabi na ito ay tanda ng bawtismo ng Banal na Espiritu, at may iba namang nagsasabi na ang kanilang layunin ay upang patunayan ang pagkasugo ng Diyos sa mga taong gumawa ng mga iyon. Paano natin malalaman ang katotohanan patungkol sa usaping ito? Dapat nating saliksikin ang Kasulatan upang malaman ang layunin at sinasabi ng Diyos patungkol sa mga mahimalang tanda.
Ang isa sa pinakaunang banggit tungkol sa mga mahimalang tanda (sign gifts) sa Bibliya ay matatagpuan sa Exodo 4 ng utusan ng Diyos si Moises na palayain ang mga Israelita mula sa Ehipto. Nagalala si Moises na baka hindi maniwala ang mga Israelita na sinugo siya ng Diyos, kaya't binigyan siya ng mga tanda gaya ng pagiging ahas ng kanyang tungkod at pagkakaroon ng ketong sa kanyang mga kamay. Sinabi ng Diyos na ang layunin ng mga tandang ito ay “para maniwala silang napakita ako sa iyo, ang Diyos ng inyong mga ninuno, nina Abraham, Isaac at Jacob, sabi ni Yahweh” (v. 5). “Kung ayaw pa rin nilang makinig sa iyo, kumuha ka ng tubig sa Ilog Nilo, ibuhos mo sa lupa at ang tubig na iyon ay magiging dugo” (v. 9). Ang layunin ng mga mahimalang tandang ito ay upang maniwala ang mga Israelita na si Moises ay sinugo ng Diyos at upang makinig at sumunod sila sa kanya.
Binigyan din ng Diyos si Moises ng mahimalang mga tanda upang ipakita sa Faraon para pahintulutan sila nito na umalis sa Ehipto. Sa Exodo 7:3-5, sinabi ng Diyos kay Moises na pararamihin Niya ang mga tanda at mga himala sa Ehipto upang, “makilala ng mga Egipcio na ako si Yahweh kapag natikman nila ang bigat ng aking kamay at inilabas ko na sa Egipto ang mga Israelita.” Nais ng Diyos na malaman ng mga Ehipsyo na Siya ang gumagawa upang palayain ang mga Israelita. Sa Exodo 10:7, ipinaalam ni Moises sa Faraon ang tungkol sa huling salot na papatay sa mga panganay sa buong Ehipto at ito ay upang makita nito ang pagkakaiba sa pagitan ng mga Israelita at mga Ehipsyo. Ang mga tanda at himalang ito ang nagpatunay na ang mensahe ni Mosies sa Faraon at sa mga Ehipsyo ay nagmula sa Diyos upang kilalanin nila si Moises bilang sugo ng Diyos.
Nang komprontahin ni Elias ang mga bulaang propeta sa bundok ng Carmelo (1 mga Hari 18), nanalangin siya na magpadala ang Diyos ng apoy mula sa langit upang malaman ng mga tao na siya'y tunay na sinugo ng Diyos. “Patunayan po ninyo ngayon na talagang kayo ang Diyos ng Israel, at ako ay inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito pagkat ito ang inyong utos. Dinggin ninyo ako, Yahweh, upang matalastas ng bayang ito na kayo lamang ang Diyos at sila'y inyong pinapagbabalik-loob” (v. 36-37). Ang mga himala na kanyang ginawa maging ng mga iba pang propeta ay kumpirmasyon na ang Diyos ang nagsugo sa kanila at ang Diyos ang gumagawa sa kanilang kalagitnaan.
Binigyan ng Diyos ng mensahe si Propeta Joel tungkol sa napipintong paghatol sa Israel at kasama ng mensaheng ito ang hula tungkol sa biyaya at pag-asa. Nang dumating ang paghatol gaya ng inihula at tumugon ang mga tao sa tawag ng pagsisisi, sinabi ng Diyos na aalisin Niya ang kanyang hatol at ibabalik ang kanyang pagpapala: “Kaya nga, mga taga-Israel, mapagkikilala ninyong ako'y sumasainyo at ako lamang ang inyong Diyos. Hindi na muling hahamakin ang aking bayan” (Joel 2:27). Agad-agad pagkatapos ng pangungusap na ito, sinabi ng Diyos ang tungkol sa pagbubuhos ng Kanyang Espiritu sa mga tao upang sila'y makapanghula, makakita ng mga pangitain at makita ang magaganap na mga himala. Nang magsimulang magsalita sa ibang wika ang mga alagad sa araw ng Pentecostes (Gawa 2:1-21), Sinabi ni Pedro, “Ito ang inihula ni Propeta Joel.” Ano ang layunin? Upang pakinggan at maintindihan ng mga tao ang mensahe na dala ni Pedro at ng mga Apostol.
Ang ministeryo ni Hesus ay laging may kaakibat na iba't ibang tanda at mga himala. Ano ang layunin ng kanyang mga himala? Sa Juan 10:37-38, tumugon si Hesus sa mga Hudyo na nagnanais na batuhin Siya sa salang pamumusong, “Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinagagawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. Ngunit kung ginagawa ko iyon, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa, kung ayaw man ninyo akong paniwalaan. Sa gayon, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako'y nasa kanya.” Gaya sa Lumang Tipan, ang layunin ng mga himala ni Hesus ay upang patunayan sa mga tao na Siya ay sinugo ng Diyos.
Nang humingi ang mga Pariseo ng tanda kay Hesus, sinabi Niya sa kanila, “Lahing masama at di-tapat sa Diyos! Naghahanap kayo ng tanda ngunit walang ipakikita sa inyo maliban sa palatandaang inilalarawan ng nangyari kay Propeta Jonas. Kung paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, gayon din ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabing sasa ilalim ng lupa. Sa Araw ng Paghuhukom, titindig ang mga taga-Ninive laban sa lahing ito at ito'y hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas; ngunit higit na di-hamak kay Jonas ang naririto!” (Mateo 12:39-41). Malinaw ang sinabi ni Hesus na ang layunin ng mga tanda at himala ay upang kilalanin ng mga tao ang mensahe ng Diyos at tumugon sila doon gaya ng nararapat. Gayundin naman, sa Juan 4:48, sinabi Niya sa isang mataas na pinuno, “Hangga't hindi kayo nakakikita ng mga palatandaan at mga kababalaghan, hindi kayo mananampalataya.” Ang mga tanda ay tulong para sa mga nahihirapang manampalataya upang sila'y makasampalataya, ngunit ang sentro pa rin ay ang mensahe ni Hesus tungkol sa Kaligtasan.
Ang mensaheng ito ng kaligtasan ay itinala ni Pablo sa 1 Corinto 1:21-23: “Ang mga Judio'y humihingi ng kababalaghan bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griego. Ngunit ang ipinangangaral nami'y si Cristong ipinako sa krus---isang katitisuran sa mga Judio at kahangalan para sa mga Hentil.” May layunin ang mga tanda at himala, ngunit kasangkapan lamang sila para sa pinakalayunin - ang kaligtasan ng mga kaluluwa sa pamamagitan ng pangangaral ng Ebanghelyo. Sa 1 Corinto 14:22, malinaw na sinabi ni Pablo “ang kaloob na makapagsalita sa iba't ibang wika ay isang tanda para sa mga di sumasampalataya.” Ginamit ng Diyos ang mga mahimalang tanda gaya ng pagsasalita sa ibang wika upang kumbinsihin ang mga hindi mananampalataya na totoo ang mensahe ni Kristo, Ngunit gaya ng ipinakikita ng iba pang mga konteksto, ang higit na mahalaga ay malinaw na maipahayag ang mensahe ng Ebanghelyo.
Ang isang bagay na malimit na hindi pinapansin sa mga usapin tungkol sa mga tanda at mga himala ay ang kapanahunan at ang kanilang lugar sa Kasulatan. Salungat sa popular na paniniwala, ang mga tao sa panahon ng Bibliya ay hindi laging nakasaksi ng himala sa lahat ng panahon. Sa katunayan, ang mga himala sa Bibliya ay karaniwang nangyari na kahanay ng mga espesyal na pangyayari sa pakikipag-ugnayan ng Diyos sa sangkatauhan. Ang paglaya ng mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto at ang kanilang pagpasok sa Lupang Pangako ay kinapapalooban ng napakaraming mga himala, ngunit ang mga himalang iyon ay naglaho rin pagkatapos. Sa mga huling bahagi ng panahon ng kaharian ng Israel, noong ipahintulot ng Diyos na mabihag ang Israel sa ibang mga bansa, pinahintulutan niya na makagawa ng mga himala ang ilang mga propeta. Nang manirahan si Hesus kasama ng mga tao, gumawa Siya ng mga himala at sa mga unang taon ng pagmiministeryo ng mga Apostol, gumawa din sila ng mga himala. Ngunit maliban sa mga panahong iyon, napakakonti lamang ng mga himala sa Bibliya. Ang karamihan ng mga tao na nabuhay sa panahon ng Bibliya ay hindi nakasaksi ng mga tanda at himala sa kanilang buong buhay. Kinailangan nilang mabuhay sa pananampalataya para sa mga bagay na ipinahayag sa kanila ng Diyos.
Sa panahon ng unang Iglesya, ang mga tanda at himala ay pangunahing nakasentro sa unang pagpapahayag ng Ebanghelyo sa iba't ibang grupo ng mga tao. Sa araw ng Pentecostes, mababasa natin na, “May mga Judiong buhat sa iba't ibang bansa, na naninirahan noon sa Jerusalem, mga taong palasamba sa Diyos (Gawa 2:5). Ang mga naroon ay mga Hudyo na isinilang at lumaki sa ibang mga bansa at ang alam nilang salita ay ang salita sa kanilang mga bansang pinanggalingan. Sa harap ng mga Hudyong ito nagsalita sa wika ang mga Apostol (v. 6-11), at para sa kanila ibinigay ang tanda ng pagsasalita sa ibang mga wika. Kinilala nila na ang kanilang naririnig ay ang kani-kanilang mga katutubong wika tungkol sa mga kahanga hangang gawa ng Diyos at sinabi sa kanila ni Pedro na ang nararapat na tugon sa tandang ito ay ang pagsisisi sa kanilang mga kasalanan (v. 38). Nang unang ipahayag ang Ebanghelyo sa mga Samaritano, gumawa din ng mga tanda at himala si Felipe (Gawa 8:13), ngunit pagkatapos ng unang pagpapahayag ng Ebanghelyo doon, hindi na siya muling gumawa ng mga himala.
Muli, ng suguin ng Diyos si Pedro sa tahanan ni Cornelio na isang Hentil (hindi Hudyo), gumawa ang Diyos ng mahimalang tanda upang patunayan sa kanya at sa mga naroon na ang Diyos ang gumagawa sa kanilang kalagitnaan. “Nagsasalita pa si Pedro nang bumaba ang Espiritu Santo sa mga nakikinig ng salita. Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro, sapagkat ang mga ito ay pinagkalooban din ng Espiritu Santo” (Gawa 10:45-46). Nang tanungin si Pedro ng ibang Apostol, binanggit niya ang mga nangyaring himala ng pagsasalita sa ibang wika ng mga Hentil bilang ebidensya ng pagkilos ng Diyos sa kanila at “nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagpuna, at sa halip ay nagpuri sa Diyos. “Kung gayon,” sabi nila, “ang mga Hentil ma'y binigyan din ng pagkakataong magsisi't magbagong-buhay upang maligtas!” (Gawa 11:18).
Sa bawat pagkakataon, ang mga mahimalang tanda ay laging kumpirmasyon ng mensahe ng Diyos at ng kanyang mensahero, upang ang mga tao ay makinig at manampalataya. Pagkatapos na makumpirma ang mensahe, ang mga tanda ay naglalaho. Hindi natin kailangang muli’t muling maranasan ang mga mahimalang tandang ito sa ating mga buhay ngunit kailangan nating marinig ng paulit ulit ang mensahe ng Ebanghelyo ng Kaligtasan.
English
Ano ang layunin ng mga Biblikal na kaloob ng Espiritu na tinatawag na mga mahimalang tanda (sign gifts)?