Tanong
Ano ang espiritwal na kaloob ng pagkilala sa mga espiritu?
Sagot
Ang kaloob na pagkilala sa mga espiritu, o “kumikilalang espiritu,” ay isa sa mga kaloob ng Banal na Espiritu na inilarawan sa 1 Corinto 12:4-11. Gaya ng ibang mga kaloob, ang kaloob ng pagkilala sa mga espiritu ay ibinigay ng Banal na Espiritu na nagpapamahagi ng mga kaloob sa mga mananampalataya para sa paglilingkod sa katawan ni Kristo, ang Iglesya. Ang bawat mananampalataya ay binigyan ng kakayahan ng Espiritu upang makaganap ng isang natatanging gawain, ngunit walang lugar sa sariling pagpili ng kaloob. Ipinamamahagi ng Banal na Espiritu ang espiritwal na kaloob ayon sa walang hanggang kapamahalaan ng Diyos at ayon sa Kanyang plano para sa ikalalago ng Iglesya. Ibinibigay Niya ang Kanyang mga kaloob “ayon sa Kanyang maibigan” (1 Corinto 12:11).
Pagdating sa kaloob ng pagkilala sa mga espiritu, ang bawat isinilang na muling mananampalataya ay may kakayahang kumilala sa mga espiritu sa iba’t ibang antas, antas na patuloy na tumataas habang lumalago ang mananampalataya sa Espiritu. Sa Hebreo 5:13-14, makikita natin na ang isang mananampalataya na hindi na kumakain ng gatas lamang na espiritwal bilang isang sanggol kay Kristo ay may kakayahan na alamin ang pagkakaiba sa pagitan ng masama at mabuti. Ang lumalagong mananampalataya ay binigyan ng kakayahan ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan na malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng masama at mabuti at higit pa roon, mayroon din siyang kakayahan na malaman kung alin ang mabuti at mas mabuti. Sa ibang salita, ang sinumang isinilang na muling mananampalataya na nakatuon ang pansin sa Salita ng Diyos ay marunong kumilala sa mga espiritu.
Gayunman, may ilang mananampalataya na may espiritwal na kaloob na kumilala sa mga espiritu, na may kakayahang kumilala sa pagitan ng katotohanan ng salita ng Diyos at sa mapandayang katuruan na ikinakalat ng mga demonyo. Inuutusan tayong lahat na matutong kumilala sa mga espiritu (Gawa 17:11; 1 Juan 4:1), ngunit may ilan sa katawan ni Kristo na binigyan ng natatanging kakayahan na kumilala sa mga mapanlinlang na doktrina na gumugulo sa Iglesya mula pa noong unang siglo. Ang pagkilalang ito sa mga espiritu ay hindi mistikal o mga kapahayagan na wala sa Bibliya o kaya nama’y direktang kapahayagan mula sa Diyos. Sa halip, napakapamilyar sa isang mananampalatayang may kaloob ng pagkilala sa mga espiritu ang Salita ng Diyos na agad agad niyang nakikilala ang katuruan na sumasalungat sa Salita ng Diyos. Hindi siya tumatanggap ng mga espesyal na kapahayagan sa Diyos; sa halip ginagamit niya ang Salita ng Diyos upang “subukin ang mga espiritu” upang malaman kung alin ang sa Diyos at alin ang sumasalungat at lumalaban sa Diyos. Ang isang mananampalatayang may kaloob ng pagkilala sa mga espiritu ay nagsusumikap sa “tamang pagbabahagi” (2 timoteo 2:15) ng Salita ng Diyos.
May iba’t ibang kaloob ang Banal na Espiritu na magagamit sa paglago ng Iglesya, ngunit ang pagkakaiba-ibang ito ay para sa pagpapatatag at paglago ng bawat isa bilang isang katawan (Efeso 4:12). At ang tagumpay ng katawan ay nakasalalay sa bawat bahagi na tapat na gumaganap ng kanilang mga gawain ayon sa kakayahang ibinigay sa kanila ng Diyos. Walang taong binigyan ng espiritwal na kaloob ang dapat gamitin ang kanyang kaloob upang sapawan ang iba o mag-angkin ng “espesyal na pagtatalaga o dobleng pagpahid ng Diyos” o tinatawag sa wikang Ingles na “special/double anointing.” Sa halip, dapat na gabayan tayo ng pag-ibig ng Diyos sa ating paggamit sa ating mga espiritwal na kaloob sa ikalalago ng bawat isa sa Panginoon. English
Ano ang espiritwal na kaloob ng pagkilala sa mga espiritu?