Tanong
Ano ang kalooban ng Diyos?
Sagot
Kung pinaguusapan ang kalooban ng Diyos, marami ang nakikita ang tatlong magkakaibang aspeto nito sa Bibliya. Ang unang aspeto ay ang itinakda, walang hanggan at lihim na kalooban ng Diyos (sovereign will o decretive will). Ito ang pinakaperpektong kalooban ng Diyos. Ang aspetong ito ng kalooban ng Diyos ay nagugat sa Kanyang walang hanggang kapamahalaan na nagtakda ng lahat ng mangyayari sa kasaysayan. Sa ibang salita, walang kahit anumang nangyayari na labas sa walang hanggang kalooban ng Diyos. Ang aspeto ng kaloobang ito ng Diyos ay makikita sa maraming talata sa Bibliya gaya ng Efeso 1:11, kung saan ating mababasa, “na itinalaga na niya tayo nang una pa ayon sa pasiya niyaong gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa pasiya ng kaniyang kalooban,” gayundin sa Job 42:2, “Nalalaman ko na magagawa mo ang lahat ng mga bagay, at wala kang akala na mapipigil.” Ang pananaw na ito tungkol sa kalooban ng Diyos ay ayon sa katotohanan na dahil ang Diyos ay may walang hanggang kapamahalaan, ang kanyang kalooban ay hindi mabibigo kailanman. Walang anumang nangyayari na hindi Niya ayon sa Kanyang plano at hindi Niya kayang kontrolin at pamahalaan.
Ang pang-unawang ito sa walang hanggang kalooban ng Diyos ay hindi nangangahulugan na ang Diyos ang nagpasimuno ng lahat ng mga masasamang nangyayari. Sa halip, kinikilala nito na dahil lubos ang Kanyang kapamahalaan, tiyak na pinayagan o pinahintulutan Niya ang lahat ng mangyayari. Ang aspetong ito ng kalooban ng Diyos ay kumikilala na ipinahintulot ng Diyos lahat ng nangyayari, dahil Siya ang may kapangyarihan at karapatan na magpasya ng mga iyon. Laging maaaring magdesisyon ang Diyos na pahintulutan o pigilan ang pagkilos ng mga nilalang at mga pangyayari sa buong sansinukob. Kaya nga, kahit na pinahihintulutan lamang Niya na mangyari ang mga bagay-bagay, kalooban Niya ang lahat ng pangyayari sa tunay na kahulugan ng salitang ito.
Habang ang walang hanggang kalooban ng Diyos ay laging lihim sa atin hanggat hindi iyon nagaganap, may isa pang aspeto ng Kanyang kalooban na hindi inilihim sa atin ng Diyos: ang Kanyang hayag na kalooban (preceptive will). Ang aspetong ito ng kalooban ng Diyos ay nangangahulugan na pinili ng Diyos na ihayag o ipaalam ang ilan sa Kanyang kalooban sa pamamagitan ng kanyang Banal na Salita - ang Bibliya. Ang hayag na kalooban ng Diyos ay ang ipinahayag na kalooban ng Diyos tungkol sa kung ano ang dapat o hindi natin dapat gawin. Halimbawa, dahil sa hayag na kalooban ng Diyos, alam natin na hindi tayo dapat magnakaw, na dapat nating mahalin ang ating mga kaaway, na dapat nating pagsisihan ang ating mga kasalanan, at dapat tayong maging banal gaya naman Niya na banal. Ang ekspresyong ito ng kalooban ng Diyos ay nahahayag ng malinaw sa Kanyang Salita at sa ating konsensya kung saan isinulat ng Diyos ang kanyang kautusan sa puso ng lahat ng tao. Nasasakop tayo ng mga utos ng Diyos, na matatagpuan sa Bibliya at maging sa ating puso. Mananagot tayo sa Diyos kung susuwayin natin ang kanyang hayag na kalooban - ang kanyang mga Kautusan.
Ang pangunawa sa aspetong ito ng kalooban ng Diyos ay kumikilala na bagama't may kakayahan tayo na suwayin ang mga utos ng Diyos, wala tayong karapatang gawin iyon. Kaya nga hindi maaaring magdahilan ang tao o pagtakpan ang kanyang mga kasalanan at hindi niya maaaring ikatwiran na ginaganap lamang niya ang walang hanggang kalooban ng Diyos na Kanyang itinakda ng mangyari noon pa man. Ginanap ni Judas ang ayon sa walang hanggang plano ng Diyos ng ipagkanulo niya si Hesus, gaya din naman ng mga sundalong Romano na bumugbog at nagpako kay Hesus sa krus. Hindi nila maaaring pagtakpan o ikatwiran ang walang hanggang kalooban ng Diyos sa kanilang pagkakasala. Tiyak na mananagot sila sa Diyos dahil sa kanilang pagtanggi kay Kristo (Gawa 4:27-28). Kahit na pinahintulutan ng Diyos ang lahat ng nangyari ayon sa Kanyang walang hanggang kapamahalaan, mananagot pa rin ang tao sa kanyang mga kasalanan dahil alam niya ang Kautusan ng Diyos.
Ang pangatlong aspeto ng kalooban ng Diyos na makikita nating malinaw sa Bibliya ay ang Kanyang pinahintulutang kalooban (permissive will). Ang kaloobang ito ng Diyos ay naglalarawan sa saloobin ng Diyos at ng mga bagay o gawain na nakalulugod at hindi nakalulugod sa Kanya. Halimbawa, habang malinaw na hindi nalulugod ang Diyos sa kamatayan ng masama, maliwanag din na kalooban Niya ang kanilang kamatayan. Ang ekspresyong ito ng kalooban ng Diyos ay nahahayag sa maraming mga talata ng Kasulatan na nagpapakita na ginagawa ng Diyos kung ano ang hindi Niya ikinalulugod. Halimbawa sa 1 Timoteo 2:4, mababasa natin na “Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao'y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan,” ngunit alam natin na sa Kanyang walang hanggang kalooban, sinabi ni Hesus na, “walang taong makalalapit sa akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya'y magdala sa akin; at siya'y aking ibabangon sa huling araw” (Juan 6:44).
Kung hindi tayo magiging maingat, maaari tayong maging masyadong abala sa paghahanap ng kalooban ng Diyos sa ating buhay. Gayunman, kung ang Kanyang kalooban na ating hinahanap ay lingid sa ating kaalaman o tinatawag na decretive will, hindi natin iyon matatagpuan. Pinili ng Diyos na hindi ihayag sa atin ang aspetong ito ng Kanyang kalooban. Ang dapat nating hanapin at malaman ay ang Kanyang inihayag na kalooban sa atin o preceptive will mula sa Bibliya, at ang pinakabuod nito ay ang “maging banal tayo sapagkat Siya ay Banal” (1 Pedro 1:15-16). Ang ating responsibilidad ay sumunod sa inihayag na kalooban ng Diyos at huwag tayong maghaka-haka tungkol sa Kanyang lihim na kalooban para sa atin. Habang dapat tayong maghangad na “pangunahan” ng Kanyang Banal na Espiritu, hindi natin dapat kalimutan na ang pangunahing gawain ng Banal na Espiritu para sa atin ay ituro sa atin kung ano ang katuwiran at gawin tayong kawangis ni Kristo sa Kanyang kabanalan upang ang ating mga buhay ay makapagbigay ng kaluwalhatian sa Diyos. Tinatawag tayo ng Diyos na mabuhay sa bawat Salitang namumutawi sa bibig ng Diyos.
Ang pamumuhay ayon sa inihayag na kalooban ng Diyos ang dapat nating maging pangunahing layunin. Nilagom sa Roma 12:1-2 ang katotohanang ito. Tinawag tayo upang ating “iharap ang ating mga katawan na isang haing buhay, banal, at kaayaaya sa Dios, na siya nating karampatang pagsamba.” Upang malaman kung ano ang kalooban ng Diyos, dapat tayong laging magbabad sa nakasulat na Salita ng Diyos, punuin nito ang mga ating isipan at manalangin na baguhin tayo ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pagpapanibago ng ating isip, upang mapatunayan natin kung alin ang mabuti at kaaya-aya at lubos na kalooban ng Dios.
English
Ano ang kalooban ng Diyos?