Tanong
Ano ang kaluluwa ng tao?
Sagot
Hindi masyadong malinaw sa Bibliya ang kalikasan ng kaluluwa ng tao. Ngunit mula sa pagaaral ng salitang ‘kaluluwa’ sa pagkagamit nito sa Kasulatan, maaari tayong makabuo ng ilang konklusyon. Sa isang simpleng kahulugan, ang kaluluwa ang sangkap ng tao na hindi nakikita o nahahawakan. Ito ang sangkap ng bawat tao sa mundo na mabubuhay ng walang hanggan pagkatapos na mamatay ang katawang lupa. Inilalarawan ang pangyayari sa buhay ni Racquel sa Genesis 35:18, ang asawa ni Jacob kung saan pinangalanan niya ang kanyang anak habang “nasa bingit na siya ng kamatayan, at bago siya nalagutan ng hininga.” Mula rito, makikita natin na kakaiba ang kaluluwa sa katawan at patuloy itong nabubuhay pagkatapos ng kamatayang pisikal.
Ang kaluluwa ang sentro ng pagkatao ng bawat tao. Sinabi ni C. S. Lewis, “Wala kang kaluluwa. Ikaw mismo ang kaluluwa. Ikaw ay kaluluwang nasa loob ng katawan.” Sa ibang salita, ang pagiging tao ay hindi nakasalalay sa pagkakaroon ng katawan. Kaluluwa ang kailangan upang maging tao. Paulit-ulit na tinutukoy sa Bibliya ang tao bilang mga ‘kaluluwa’ (Exodo 31:14; Kawikaan 11:30), lalo’t higit kung ang konteksto ay ang halaga ng buhay ng tao o ang konsepto ng ‘buong pagkatao’ (Awit 16:9-10; Ezekiel 18:4; Gawa 2:41; Pahayag 18:13).
Ang kaluluwa ng tao ay iba kaysa sa kanyang puso (Deuteronomio 26:16; 30:6) at espiritu (1 Tesalonica 5:23; Hebreo 4:12) at isip (Mateo 22:37; Markos 12:30; Lukas 10:27). Ang kaluluwa ng tao ay nilikha ng Diyos (Jeremias 38:16). Maaari itong maging malakas o mahina (2 Pedro 2:14) at maaari itong mapahamak o maligtas (Santiago 1:21; Ezekiel 18:4). Alam natin na nangangailangan ang kaluluwa ng katubusan (Levitico 17:11) at ito ang ating sangkap na nililinis at iniingatan sa pamamagitan ng katotohanan at gawa ng Banal na Espiritu (1 Pedro 1:22). Si Hesus ang Dakilang Pastol ng ating kaluluwa (1 Pedro 2:25).
Sinasabi sa Mateo 11:29 na maaari tayong lumapit kay Hesus para sa kapahingahan ng ating kaluluwa. Ang Awit 16:9 ay isang hula tungkol kay Hesus kung saan mababasa natin na Siya ay may kaluluwa. Isinulat ni David, “Sapagka't hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol; ni hindi mo man titiisin ang iyong banal ay makakita ng kabulukan.” Hindi maaaring si David ang tinutukoy dito (gaya ng sinabi ni Pablo sa Gawa 13:35-37) dahil nabulok ang katawan ni David pagkatapos niyang mamatay. Ngunit ang katawan ni Hesus ay hindi nabulok (nabuhay Siyang muli), at ang kanyang kaluluwa ay hindi iniwan sa Sheol. Kaya nga, si Hesus, bilang tao, ay may kaluluwa.
Mayroon laging kalituhan tungkol sa kaluluwa at espiritu ng tao. Sa maraming lugar sa Kasulatan, ginagamit ang dalawang salitang ito upang tukuyin ang isa’t isa ngunit may pagkakaiba sa pagitan nila. Kung wala, paanong tatagos ang Salita ng Diyos “hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu?” (Hebreo 4:12). Kung binabanggit sa Bibliya ang tungkol sa espiritu ng tao, ito ay kadalasang tumutukoy sa panloob na buhay na nagpapagalaw sa tao. Paulit-ulit na ipinakikita na ang panloob na pwersang ito ang siyang nagbibigay ng buhay sa tao (Bilang 14:24).
Mayroon lamang dalawang bagay na mananatili: ang Salita ng Diyos (Markos 13:31) at ang kaluluwa ng tao. Ito ay dahil, gaya ng Salita ng Diyos, ang kaluluwa ay walang kamatayan. Ang kaisipang ito ay parehong nakapangingilabot at nakapagbibigay inspirasyon din naman sa atin. Ang bawat taong ating makikilala ay may walang hanggang kaluluwa. Ang bawat taong nabuhay sa mundo ay may kaluluwa, at lahat ng mga kaluluwang iyon ay mabubuhay pa rin sa isang dako. Ang tanong ay saan? Ang kaluluwang tumanggi sa pag-ibig ng Diyos ay isinumpa na upang pagbayaran ang kanyang mga kasalanan magpakailanman sa apoy na hindi namamatay (Roma 6:23). Ngunit ang mga kaluluwa na kumikilala sa kanilang sariling pagkakasala at tumanggap ng biyaya ng Diyos na kapatawaran, sila ay mabubuhay magpakailanman kasama ang kanilang ‘Pastol,’ at hindi na sila mangangailangan pa ng anuman (Awit 23:2).
English
Ano ang kaluluwa ng tao?