Tanong
Ano ang kaluwalhatian ng Diyos?
Sagot
Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ang kagandahan ng Kanyang Espiritu. Hindi ito isang panlupa o materyal na kagandahan, kundi kagandahan na nagmumula sa Kanyang karakter, at kung Sino Siya mismo. Hinamon ni Santiago ang mga mayayaman na “magmapuri sa kanilang kadustaan” (Santiago 1:10) na nangangahulugan na hindi nagmumula ang kaluwalhatian sa kayamanan, kapangyarihan o panlabas at panlupang kagandahan. Ang kagandahan ay nakikita sa kalooban ng tao at sa mundo ngunit hindi ito nagmula sa kanilang sarili; nagmula ito sa Diyos. Ang kaluwalhatian ng tao ay ang kagandahan ng kanyang espiritu, na nagkakamali at sa huli ay lilipas, at dahil dito, hindi ito maipagmamalaki - gaya ng sinasabi sa atin ng talata sa Santiago. Ngunit ang kaluwalhatian ng Diyos, na matutungyahan sa lahat ng kanyang pinagsama-samang katangian, ay hindi lilipas. Ito ay walang hanggan.
Sinasabi sa Isaias 43:7 na nilikha tayo ng Diyos para sa Kanyang kaluwalhatian. Sa konteksto kasama ng iba pang mga talata ng Isaias 43, masasabi na maaaring “luwalhatiin” ng tao ang Diyos dahil sa pamamagitan ng tao, maaaring makita ang kaluwalhatian ng Diyos sa mga bagay na nasa tao gaya ng pag-ibig, musika, kabayanihan at iba pa: mga bagay na pagaari ng Diyos na ating dala dala gaya ng “mga sisidlang putik” (2 Corinto 4:7). Tayo ang mga sisidlan na nagtataglay ng Kanyang kaluwalhatian. Ang lahat ng mga bagay na kaya nating gawin ay Siya rin ang pinagmulan, gayon din sa Kalikasan. Ipinakikita ng Diyos ang kanyang kaluwalhatian sa kalikasan. Nahahayag ang kaluwalhatian ng Diyos sa isipan ng tao sa pamamagitan ng kalikasan at ng mga nilikhang materyal ng Diyos sa iba't ibang kaparaanan. May tao na namamangha sa kagandahan ng mga bundok, mayroon namang namamangha sa kagandahan ng karagatan. Ngunit ang kaluwalhatian ng Diyos ang nasa likod ng mga kagandahang ito ng kalikasan at itinuturo nila ang tao sa Diyos. Sa ganitong paraan, naihahayag ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian sa lahat ng tao, anuman ang kanilang lahi, wika at lokasyon. Gaya ng sinasabi sa Awit 19:1-4, “Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila! Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa! Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang, patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi't araw. Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay, at wala ring naririnig na kahit na anong ingay; gayon pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig, ang balita'y umaabot sa duluhan ng daigdig. Itong Diyos ay nagtayo ng tolda sa kalangitan.”
Tinatawag ang kalangitan sa Awit 73:24 na “kaluwalhatian” ng Diyos. Pangkaraniwan nating naririnig sa mga Kristiyano kung may namamatay na “tinanggap na siya sa kaluwalhatian,” isang salita na hango mula sa Awit 73:24. Kung mamatay ang isang tunay na Kristiyano, dadalhin siya sa presensya ng Diyos at doon makikita niya ang kaluwalhatian ng Diyos. Dadalhin tayo sa lugar kung saan ang kagandahan ng Diyos ay literal na namamalagi at ang kagandahan ng Kanyang Espiritu ay naroroon, dahil Siya ay naroon. Muli, ang kagandahan ng Kanyang Espiritu (o ang Kanya mismong esensya) ay ang Kanyang kaluwalhatian sa lugar na iyon. Hindi nagmula ang Kanyang kaluwalhatian sa tao o sa kalikasan, sa halip ito ay malinaw na matutunghayan gaya ng sinasabi sa 1 Corinto 13:12, “Sa kasalukuyan, tila malabong larawan ang nakikita natin sa salamin, ngunit darating ang araw na makikita natin siya nang mukhaan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon; ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng pagkakilala sa akin ng Diyos.”
Sa pakahulugang panlupa, ang kaluwalhatian ay ang kagandahan na makikita sa materyal na mundo (Awit 37:20, Awit 49:17), ngunit sa ganitong pakahulugan, ito ay kumukupas. Ngunit ang dahilan kaya ito kumukupas ay dahil hindi talaga magtatagal ang mga materyal na bagay na nilikha ng Diyos. Namamatay sila at nalalanta, ngunit ang kaluwalhatian na nasa kanila ay nanggaling sa Diyos at babalik sa Kanya kung mamatay ang mga materyal na bagay na ito. Isipin nating muli ang taong mayaman na nabanggit sa itaas. Sinasabi sa talata na, “ikarangal ng mayamang kapatid ang pagkakababa sa kanya, sapagkat ang kayamanan ay lilipas, gaya ng bulaklak ng damo.” Ano ang ibig sabihin nito? Pinaaalalahanan sa talata ang mayayaman na ang kayamanan, kapangyarihan at kagandahan ay nanggaling sa Diyos at dapat silang magpakumbaba sa realidad na ang Diyos lamang ang nagbigay sa kanila ng lahat ng mayroon sila at gumawa sa kanila kung ano sila at nagbigay ng lahat na mayroon sila. Ang kaalaman na maglalaho sila isang araw ang kasangkapan ng Diyos upang kanilang kilalanin ang tunay na pinanggagalingan ng kaluwalhatian. Ang Diyos ang pinanggalingan ng lahat na kaluwalhatian, at babalik din sa Kanya ang mga ipinahiram Niyang kaluwalhatian.
Dahil ang Diyos ang pinanggalingan ng lahat na kaluwalhatian, hindi Niya hahayaan ang kaisipan na nagmula ang kaluwalhatian sa tao o sa mga diyus diyusan o sa kalikasan man. Sa Isaias 42:8, makikita natin ang pagiging mapanibughuin ng Diyos para sa Kanyang kaluwalhatian. Ang paninibughong ito para sa Kanyang kaluwalhatian ang paksa ni apostol Pablo sa Roma 1:21-25 ng sabihin niya na sinamba ng tao ang mga nilalang sa halip na ang lumalang. Sa ibang salita, bumaling ang tao sa mga bagay na nanghiram lamang ng kaluwalhatian sa Diyos at sa halip na ibigay sa Diyos ang nararapat na pagsamba at pasasalamat, sinamba nila ang mga hayop, puno at mga tao sa pagaakala na ang kagandahan na nakikita nila sa mga ito ay nagmula sa kanilang mga sarili. Ito ang pinakapuso ng pagsamba sa diyus diyusan at pangkaraniwang nangyayari sa mundo. Lahat ng taong nabuhay sa mundo ay nakagawa ng ganitong pagkakasala sa isang yugto ng kanilang buhay. Ipinagpapalit natin ang “kaluwalhatian ng Diyos” sa “kaluwalhatian ng nilikha.”
Ito ang pagkakamali na patuloy na ginagawa ng maraming tao: ang pagititiwala sa mga bagay na panlupa, relasyong panlupa at pagtitiwala sa kapangyarihan, talento, kagandahan o sariling katwiran. Ngunit sa paglalaho ng mga bagay na ito, na laging tiyak na magaganap sa mga pansamantalang bagay, nabibigo ang mga taong ito. Dapat nating mapag-unawa na tanging ang kaluwalhatian lamang ng Diyos ang hindi nagbabago at habang naglalakbay tayo sa lupang ito, nakikita natin ito sa lahat ng mga nilikha na pansamantalang sisidlan ng Kanyang kaluwalhatian, gaya ng pag-ibig, kabayanihan, sa sangnilikha o maging sa ating personal na mga buhay. Ngunit ang lahat ng kaluwalhatian ay babalik sa Diyos sa bandang huli. At ang tanging daan tungo sa kaluwalhatian ng Ama ay ang Kanyang Anak na si Hesu Kristo. Matatagpuan natin ang mismong pinanggagalingan ng kaluwalhatian ng Diyos sa Kanya sa kalangitan kung tayo ay na kay Kristo. Walang mawawala sa atin dahil ang kaluwalhatian ng lahat ng mga bagay na nagsisilipas sa lupa, ay muli nating natagpuan kay Hesu Kristo.
English
Ano ang kaluwalhatian ng Diyos?