Tanong
Sa paanong paraan namatay ang mga apostol?
Sagot
Ang tanging apostol na itinala ang kamatayan sa Bibliya ay si Santiago (Mga Gawa 12:2). Ipinapatay ni Haring Herodes si Santiago sa pamamagitan ng tabak, posibleng sa pamamagitan ng pagpugot sa kanyang ulo. Ang mga tala ng kamatayan ng iba pang mga apostol ay sa pamamagitan ng tradisyon ng iglesia at hindi natin dapat na ituring na iyon talaga ang naging uri ng kanilang kamatayan dahil maaaring hindi iyon tiyak. Ang pinakakaraniwang tinatanggap na paraan ng kamatayan ng mga apostol ay ang kamatayan ni Pedro na ayon sa tradisyon ay ipinako ng patiwarik sa isang hugis x na krus sa Roma bilang katuparan ng hula ni Hesus (Juan 21:18). Ang mga sumusunod ang ilan pang sinasabi ng tradisyon tungkol sa kamatayan ng ibang mga apostol:
Si Mateo ay namatay na isang martir sa Etiopia. Siya ay pinatay sa pamamagitan ng espada. Si Apostol Juan naman ay inilubog sa isang malaking kawa ng kumukulong mantika habang nagaganap ang paguusig sa mga Kristiyano sa Roma. Gayunman, himala siyang nakaligtas. Si Apostol Juan ay sinentensyahan na makulong sa isla ng Patmos. Doon niya isinulat ang aklat ng Pahayag. Kalaunan, si Juan ay pinalaya at dinala sa isang lugar na tinatatawag ngayong Turkey. Namatay siya roon sa katandaan. Siya ang tanging apostol na namatay ng mapayapa.
Si Santiago na kapatid sa laman ni Hesus (hindi isang opisyal na apostol) ang naging lider ng Iglesia sa Jerusalem. Siya ay itinulak ng mga hudyo mula sa pinakatuktok ng templo sa Jerusalem (mahigit sa isang daang piye ang taas) ng tanggihan niya na itatwa ang kanyang pananampalataya kay Hesus. Ng matuklasan ng mga hudyo na buhay pa siya pagkatapos bumagsak sa lupa, pinagpapalo nila si Santiago ng batuta hanggang sa ito ay mamatay. Ipinalalagay na ang tuktok ng templo kung saan si Santiago itinulak ay ang lugar din kung saan tinukso ni satanas si Hesus.
Si Bartolome, na tinatawag ding Natanael ay naging misyonero sa Asya. Nangaral siya sa Turkey at siya ay pinatay dahil sa kanyang pangangaral sa Armenia sa pamamagitan ng pagpalo ng latigo. Si Andres naman ay ipinako sa isang hugis x na krus sa Greece. Pagkatapos na paluin sa katawan ng pitong sundalo, itinali nila ang katawan ni Andres sa krus upang patagalin ang kanyang paghihirap. Isinalaysay ng kanyang mga tagasunod na habang siya'y kinakaladkad patungo sa kanyang krus, sinasabi ni Andres ang ganito "Malaon ko ng hinihintay ang masayang sandaling ito. Ang Krus ay pinabanal ng Panginoong Hesu Kristo ng siya'y mabayubay dito." Nagpatuloy si Andres sa pangangaral sa mga nagpahirap sa kanya sa loob ng dalawang araw hanggang sa bawian siya ng buhay. Ang apostol naman na si Tomas ay sinaksak ng sibat habang siya'y nangangaral sa India sa isa niyang paglalakabay upang magtayo ng iglesia doon. Si Matias naman na pinili ng mga apostol na kapalit ni Hudas ay binato hanggang sa mamatay at pagkatapos ay pinugutan ng ulo. Si Apostol Pablo naman ay pinahirapan at pagkatapos ay pinugutan ng ulo ni Emperor Nero sa Roma noong AD 67. May mga tradisyon tungkol sa kamatayan ng iba pang mga apostol ngunit wala sa kanila ang mapagkakatiwalaan o sinusuportahan ng kasaysayan.
Hindi mahalaga kung papaano namatay ang mga apostol. Ang mahalaga ay ang katotohanan na lahat sila ay handang mamatay alang alang sa kanilang pananmpalataya. Kung hindi nabuhay na mag-uli si Hesus, hindi malalaman ng mga alagad na may pagkabuhay na mag-uli ng mga patay. Hindi magpapakamatay ang tao para sa isang kasinungalingan. Ang katotohanan na ang mga apostol ay handang mamatay dahilan sa kanilang pagtatanggol sa kanilang pananampalataya sa kahit anong uri ng kamatayan gaano man iyon kasakit ay mabigat na ebidensya na tunay nilang nasaksihan ang pagkabuhay na mag-uli ni Hesu Kristo.
English
Sa paanong paraan namatay ang mga apostol?