settings icon
share icon
Tanong

Paano haharapin ng mga magulang na Kristiyano ang kamatayan ng isang batang anak?

Sagot


Bilang mga magulang, hindi natin halos mailalarawan ang nakapanlulumong karanasan ng pagkawala ng isang batang anak. Normal na inaasahan ng lahat na magulang na mabubuhay ng matagal ang kanilang mga anak. Ang ganitong kawalan ay isang hindi pangkaraniwang pangyayari na nagdadala ng sobrang sakit at pangmatagalang kalungkutan. Ito ay isang karanasan na nagbabago ng buhay na may kaakibat na hamon sa mga magulang sa muling pagbuo ng kanilang buhay na wala ang kanilang anak.

Hindi kanais-nais para sa sinumang magulang na turuan kung paano nila haharapin ang kamatayan ng kanilang batang anak. Gayunman, alam natin na ang mga mananampalataya na ipinagkatiwala sa Diyos ang kanilang buhay ay mas madaling makabangon mula sa isang trahedya kaysa sa mga taong walang tunay na pananampalataya sa Manlilikha. Kaya, paano haharapin ng mga Kristiyanong magulang ang kamatayan ng isang batang anak? Tinalakay ba sa Bibliya ang paksang ito, at kung oo, sa paanong paraan?

Una, dapat nating tandaan na iba-iba ang paraan ng bawat tao sa pagharap sa pagdadalamhati. Iba-iba ang paraan ng pagdadala ng emosyon. Ang mga emosyong ito ay natural at normal sa tao. Ikalawa, walang magulang ang ganap na makakabawi sa pagkawala ng isang anak. Hindi ito gaya ng isang sakit kung saan maaari tayong lubusang gumaling. Inihahalintulad ng karamihan ng mga tagapayo ang pagkawala ng isang anak sa isang pisikal na kapinsalaan na permanenteng nagbabago ng buhay. Gayunman, dapat din nating malaman na bagama’t lagi nating maaalala ang pagkawala ng ating batang anak, ang sidhi ng pagdadalamhati ay maiibsan sa pagdaan ng panahon.

Ang pananampalataya sa isang mapagmahal at tapat na Diyos ang magbibigay sa atin ng kalakasan upang makapagtagumpay at makabawi sa pagkawala ng isang anak, minsan sa kaparaanan na kahanga-hanga para sa iba. Ganito ang nangyari kay David matapos na mamatay ang kanyang anak pitong araw pagkatapos na iyon ay isilang (2 Samuel 12:18-19). May ilang napakahalagang aral ang ating matututunan mula sa mga talatang ito ng Kasulatan na maaaring makatulong sa mga nagdadalamhating magulang sa pagharap sa kinabukasan ng may pag-asa.

Una, nanalangin si David ng buong taimtim para sa buhay ng kanyang anak (2 Samuel 12:16). Ito ay totoo rin para sa lahat ng mga magulang sa lahat ng panahon, hindi lamang sa panahon ng kahirapan. Dapat na laging nananalangin ang mga magulang para sa kanilang mga anak at hinihingi sa Diyos ang Kanyang pagiingat at proteksyon para sa kanila. Gayundin naman, dapat na manalangin ang mga magulang na bigyan ng Diyos ng karunungan ang kanilang mga anak at gabayan sila at palakihin sa aral ng Panginoon (Hukom 13:12; Kawikaan 22:6; Efeso 6:4).

Ang isa pang aral na matututunan kay David ay ang kanyang reaksyon sa pagkamatay ng kanyang anak. Nang malaman niya na namatay na ang kanyang anak, ipinakita niya ang pagtanggap sa nangyari, “Nang magkagayo'y bumangon si David sa lupa at naligo, at nagpahid ng langis, at nagbihis ng kaniyang suot; at siya'y naparoon sa bahay ng Panginoon, at sumamba: saka naparoon siya sa kaniyang sariling bahay; at nang siya'y humingi, hinainan nila ng tinapay siya sa harap, at siya'y kumain” (2 Samuel 12:20). Ang nakakasorpresa sa mga talatang ito ay “naparoon siya sa bahay ng Panginoon, at sumamba.” Sa ibang salita, hindi lamang tinanggap ni David ang kamatayan ng kanyang anak, kundi ipinaubaya niya sa Panginoon ang lahat sa pamamagitan ng pagsamba. Ang kakayahan na magpuri at parangalan ang Diyos sa gitna ng pagsubok at pagdadalamhati ay isang demonstrasyon ng pagtitiwala sa Diyos. Binibigyan tayo nito ng kalakasan na tanggapin ang realidad ng pagkawala ng isang mahal sa buhay. At ito ang kasangkapan ng Diyos upang magpatuloy tayo sa buhay sa mundong ito.

Ang sumunod na aral ang pinaka-nakakaaliw. Ito ay ang pagtitiwala sa kaalaman na ang mga batang namatay bago dumating sa edad ng pagkaalam ng mabuti at masama ay agad na pumupunta sa langit. Ang sagot ni David sa mga nagtataka sa kanyang reaksyon sa kamatayan ng kanyang anak ay laging pinanggagalingan ng kaaliwan para sa mga mananampalatayang magulang na namatayan ng sanggol o batang anak: “Nguni't ngayo'y patay na siya; bakit pa ako magaayuno? Maibabalik ko pa ba siya? Ako'y paroroon sa kaniya, nguni't siya'y hindi babalik sa akin” (2 Samuel 12:23). Buo ang pagtitiwala ni David na muli niyang makikita ang kanyang anak sa langit isang araw. Ang talatang ito ay isang makapangyarihang ebidensya na ang maliliit na bata na pumapanaw sa mundong ito ay agad na pumupunta sa langit.

Ang pagdadalamhati sa kamatayan ng isang anak ay isang nakakadurog ng pusong paglalakbay. Walang takdang pamantayan na magtuturo sa atin kung paano tayo haharap sa pagdadalamhati. Gayunman, may mga tagapayo at mga taong nakaranas na mawalan ng anak ang nagbigay ng mga sumusunod na payo:

• Kilalanin na hindi ka nagiisa. Kasama mo ang Diyos. Mayroon kang mga malapit na kaibigan at mga kapatid sa Panginoon. Sumandig ka sa kanila. Handa silang tumulong sa iyo.

• Huwag kang magtakda ng panahon para sa iyong pagbangon. Huwag kang umasa na lilipas ang isang araw na hindi mo maaalala ang iyong anak, at huwag mong nasain na kalimutan siya.

• Pagusapan ninyong magasawa ang tungkol sa inyong anak. Mahalaga na ibahagi mo ang kuwento ng iyong anak sa ibang tao.

• Ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong ibang mga anak. Nagdurusa din sila. Nagdadalamhati din sila sa pagkawala ng kanilang kapatid at dagdag sa kanilang pagdadalamhati ang makita na nagdurusa ang kanilang mga magulang.

• Subukin mo na huwag munang gumawa ng anumang malaking desisyon sa loob ng isang taon.

• Asahan na magiging masakit ang mga unang kaarawan, unang pasko, etc. na wala ang inyong anak.

At sa huli, ang mga Kristiyano na nawalan ng isang anak ay nagtataglay ng isang dakila at tapat na pangako mula sa Salita ng Diyos: “At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na” (Pahayag 21:4).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano haharapin ng mga magulang na Kristiyano ang kamatayan ng isang batang anak?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries