settings icon
share icon
Tanong

Paano magkakaroon ng kaaliwan ang isang mananampalatayang namatayan ng magulang?

Sagot


Tunay na nakakapanlumo para sa isang Kristiyano ang mamatayan ng isang magulang (o ng sinumang miyembro ng pamilya). Kahit na mananampalataya pa ang yumao, hindi madali ang magpaalam, lalo na kung biglaan ang kamatayan. Ang pagdadalamhati para sa ating mga mahal sa buhay ay nararapat at inaasahan. Tumangis mismo si Kristo sa libingan ng Kanyang kaibigang si Lazaro (Juan 11:35). Nagbibigay ang Bibliya ng kaaliwan, at bilang mga Kristiyano, makakatagpo tayo ng kaaliwan sa kabila ng pagkawala ng isang taong malapit sa atin.

Sa pagkawala ng isang Kristiyanong magulang, ang ating pag-asa at pagtitiwala na hindi nagwawakas sa kamatayan ang ating relasyon sa kanila ang pinakamalalim nating kaaliwan. Maaaring magtiwala ang isang Kristiyanong namatayan ng isang Kristiyanong magulang sa pangako ng Diyos na magkikita silang muli sa langit. Nasa piling na ni Kristo ang ating Kristiyanong magulang na namatay at nararanasan na niya ang Kanyang kagalakan (2 Corinto 5:8). Sa pagkabuhay na mag-uli, ang lahat ng naglagak ng pagtitiwala kay Kristo ay luluwalhatiin at bibigyan ng walang kamatayang katawan (1 Corinto 15:42–44; Juan 11:25). Para sa Kristiyano, nilupig na ni Jesus ang kamatayan! Gaya ng buong kagalakang isinulat ni Pablo sa 1 Corinto 15:54–57, "'Kapag ang nabubulok ay napalitan na ng di nabubulok, at ang may kamatayan ay napalitan na ng walang kamatayan, matutupad na ang sinasabi sa kasulatan: "Nalupig na ang kamatayan; lubos na ang tagumpay!" "Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay? Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?" Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan. Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo!"

Maaaring maging mas mahirap ang pagtanggap sa kamatayan ng isang magulang kung hindi tayo nakatitiyak sa kanyang kaligtasan. Ngunit maaari pa rin tayong magtiwala sa mga pangako ng Diyos at maghanap sa Kanya ng kaaliwan. Naghihintay tayo sa panahon kung kailan gagawin ng Diyos na bago ang kahat ng bagay at magtiwala tayo sa Kanyang katuwiran at kabutihan.

Nasisiyahan ang Diyos ng Bibliya sa pagaliw sa mga nagdurusa at sa paggamot sa mga may sugatang puso (Jeremias 17:14; 2 Corinto 1:3–4; 7:6). "Siya ang Ama ng mga ulila" (Awit 68:5). Kung nagdadalamhati tayo sa pagyao ng isang mahal sa buhay, agad na iniaalok ng Diyos ang Kanyang kapayapaan. Sa kalagitnaan ng ating pagdadalamhati, maaari nating madama Kanyang presensya; maging sa gitna ng ating mga kapighatian, makalalapit tayo sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin at pagsamba. Bilang mga mananampalataya, hindi tayo dapat na magdalamhati ng nagiisa. May mga kapatid tayo sa pananampalataya na makatutulong sa pagdadala ng ating mga pasanin, makikibahagi sa ating mga kahirapan, at makikihati sa ating pagdadalamhati" (Roma 12:15).

Napakasakit na mawalan ng magulang, dahil sila ang nagsilbing gabay at siyang humubog sa ating mga buhay. Tunay na ang ating mga magulang ang umaliw sa atin sa ating mga pagdaramdam at ang kanilang pagkawala ay pagkawala din ng kanilang suporta sa atin. Ngunit maaari tayong maging matatag at makatagpo ng kaaliwan hindi lamang sa ating mga kapamilya kundi mula sa mismong Diyos na Manlilikha na nakakakilala sa atin ng higit sa pagkakilala natin sa ating sarili, nakakaunawa sa ating mga pinagdaraanan at nagnanais na magpalago sa atin, magpagaling at magbigay sa atin ng Kanyang kapayapaan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano magkakaroon ng kaaliwan ang isang mananampalatayang namatayan ng magulang?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries