settings icon
share icon
Tanong

Ano ang mas mahalaga, ang kamatayan ni Cristo o ang Kanyang muling pagkabuhay?

Sagot


Ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Cristo ay parehong mahalaga. Ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus ay may magkahiwalay ngunit magkaugnay at parehong may mahalagang papel na ginampanan. Ang kamatayan at muling pagkabuhay ng ating Panginoon ay tunay na hindi mapaghihiwalay.

Sa pamamagitan ng krus ni Cristo, nakamit Niya ang tagumpay para sa atin, isang bagay na hindi natin kayang pagtagumpayan sa ating sariling kakayahan. “Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, nilupig niya ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito'y parang mga bihag na kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng kanyang pagtatagumpay” (Colosas 2:15). Doon sa krus, ibinunton ng Diyos ang ating mga kasalanan kay Jesus at pinagdusahan Niya ang kaparusahan na para sana sa atin (Isaias 53:4–8). Sa Kanyang kamatayan, kinuha niya sa Kanyang sarili ang sumpa na nagumpisa dahil sa pagkakasala ni Adan (tingnan ang Galacia 3:13).

Dahil sa kamatayan ni Cristo, nawalan ng kapangyarihan ang ating kasalanan na maghari sa atin (Roma 6). Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan, winasak ni Jesus ang mga gawa ng diyablo (Juan 12:31; Hebreo 2:14; 1 Juan 3:8), kinondena si Satanas (Juan 16:11), at dinurog ang ulo ng ahas (Genesis 3:15).

Kung hindi nagsakripisyo ang Panginoong Jesus at hindi Siya namatay, tayo ay nasa atin pa ring mga kasalanan, hindi pa napapatawad, hindi maliligtas at hindi iniibig ng Diyos. Ang krus ni Cristo ay napakahalaga sa ating kaligtasan kaya nga ito ang pangunahing tema ng pangangaral ng mga apostol (Gawa 2:23, 36; 1 Corinto 1:23; 2:2; Galacia 6:14).

Ngunit ang kuwento ng Panginoong Jesu Cristo ay hindi nagtapos sa Kanyang kamatayan. Ang muling pagkabuhay ni Cristo ay isa ring pundasyon ng mensahe ng Ebanghelyo. Ang ating kaligtasan ay tatayo o babagsak ayon sa muling pagkabuhay ni Jesu Cristo gaya ng nilinaw ni Pablo sa 1 Corinto 15:12–19. Kung hindi muling nabuhay ang katawan ng Panginoong Jesu Cristo mula sa mga patay, wala tayong pag-asa sa muling pagkabuhay, walang kabuluhan ang pangangaral ng mga apostol, at tayo ay nasasadlak pa rin sa “kadiliman at sa anino ng kamatayan” at naghihintay sa pagsikat ng araw (Lucas 1:78–79).

Dahil sa muling pagkabuhay ni Jesus, tunay ang Kanyang pangako para sa atin: “Dahil ako ay nabubuhay, kayo man ay mabubuhay” (Juan 14:19). Ang ating pinakamalaking kaaway, ang kamatayan ay magagapi (1 Corinto 15:26, 54–55). Mahalaga rin ang muling pagkabuhay ni Jesus dahil sa pamamagitan ng pangyayaring ito idineklara tayo ng Diyos na matuwid. Binuhay na mag-uli si Jesus upang tayo’y “mapawalang sala” (Roma 4:25). Ang kaloob na Banal na Espiritu ay ipinadala ng nabuhay na mag-uli at umakyat sa langit na Panginoong Jesus (Juan 16:7).

Tatlong beses sa Kanyang ministeryo sa lupa, hinulaan ni Jesus na Siya ay mamamatay at muling mabubuhay pagkatapos ng tatlong araw (Marcos 8:31; 9:31; 10:34). Kung hindi nabuhay na mag-uli si Jesu Cristo, mabibigo ang Kanyang mga pangako—at magiging gaya din Siya ng ibang bulaang propeta na hindi dapat pagtuunan ng pansin. Gayunman, gaya ng dapat asahan, mayroon tayong nabubuhay na Panginoon na tapat sa kanyang salita. Ang anghel sa walang lamang libingan ni Jesus ang nagsabi na naganap ang hula ni Jesus: “Wala Siya dito; Siya’y nabuhay na mag-uli, gaya ng Kanyang sinabi” (Mateo 28:6).

Pinag-uugnay ng Kasulatan ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Cristo sa isa’t isa at dapat nating panatilihin ang ugnayang ito. Ang pagpasok ni Jesus sa libingan ay kasinghalaga ng kanyang paglabas mula doon. Sa 1 Corinto 15:3–5, ipinaliwanag ni Pablo na ang Ebanghelyo ay may dalawang mukha ng katotohanan, na si Jesus ay namatay para sa ating mga kasalanan (na pinatunayan ng paglilibing sa Kanya) at Siya’y nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw (na pinatunayan ng Kanyang mga pagpapakita sa mga saksi). Ang mga katotohanang ito ng Ebanghelyo ay napakahalaga (talata 3).

Imposibleng paghiwalayin ang kamatayan ni Cristo at ang Kanyang muling pagkabuhay. Ang maniwala sa isa ng hindi naniniwala sa isa ay paniniwala sa isang huwad na Ebanghelyo na hindi makakapagligtas. Upang tunay na mabuhay na mag-uli si Jesus, dapat na tunay siyang mamatay. At upang magkaroon ng tunay na kahulugan ang Kanyang kamatayan sa atin, dapat na tunay Siyang nabuhay na mag-uli. Hindi natin maaaring itanggi ang alinman sa dalawa.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang mas mahalaga, ang kamatayan ni Cristo o ang Kanyang muling pagkabuhay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries